Facebook

MICROFINANCE

HINDI pa man nag-uumpisa ang metro ng mga kinatawan sa mababang kapulungan nariyan na ang mga staff ng mga ito na nagpapatala ng panukalang mga batas na ihahain sa pagbubukas ng kongreso sa susunod na linggo. Ngunit ang nakapukaw sa atensyon ni Mang Juan, ang ihahaing batas ng anak ni Boy Pektus, ang P10B pondo para sa maliliit na mamumuhunan o Microfinance. At isa sa mga programang pinangako ni BP noong kampanya. Sa katunayan, maraming nagsubok na maghain ng parehong panukala ngunit tila hindi nabigyan pansin ng mga nakaraang administrasyon. Sa pagkakataong ito, inaasahan na ang panukalang batas para sa Microfinance ay makararating sa lamesa ng pangulo ng bansa hindi dahil sa kung sino ang may akda, bagkus isa ito sa ibig ni Boy Pektus. At inaasahan na magiging priority bill ang ihahain na panukalang batas na maaaring i-certify ni pangulo bilang kailangang kailangan. Hindi mahalaga kung magkano ang ilalaang pondo, mas kinakatigan ang pagtutok sa kagalingan ng maliliit na negosyo na kulang sa puhunan o walang puhunan. Dahil sa inuna ang dole-out na 4Ps na ginawang gatasan ng maraming LGU sa buong bansa. Sa maraming pagkakataon na nasilayan ng Batingaw ang bigayan ng ayuda ng 4Ps na tumutuloy sa bulsa ng mga lokal na lider ang ilang bahagi nito.

Sa kasaysayan, masasabing bago ang pangalan na Microfinance subalit ang programa’y nagsimula ng itayo ang Kilusang Kabuhayan at Kaunlaran sa panahon ng ama ni Boy Pektus. Ang programang ito’y naghatid ng maliliit na puhunan sa mga magsasaka, informal sektor, mangingisda at iba pang mahihirap ng lipunan na hindi makahiram sa mga pormal na mga hiraman. Ipinadaan ng pamahalaan ang pondo sa mga Rural Bank, Coop Bank, Kooperatiba at sa mga financial institution sa maliit na tubo at ito ang tuwirang nagpapahiram sa mga sektor sa itaas nang walang collateral at sa mababang tubo. At kasunod nito ang batas na nag-uutos sa mga banko na maglaan ng halaga para sa agri-agra program para sa pangangailangan ng agrikultura. Sa katunayan may mga hindi nagtagumpay sa unang sigwa ng programa. Subalit ng matuunan at tapalan ang mga kahinaan, naging maganda ang kinalabasan. Sa totoo lang, marami sa mga beneficiaries ang umangat ang kabuhayan dahil kaakibat ng puhunan nagbibigay pagsasanay ang mga FIs sa paggamit ng puhunan, pagsunod sa nakatakdang patakaran, at halaga ng pagtitipon para sa kinabukasan. At pagbalik ng FIs ng nahiram na pondo sa pamahalaan, muling ipahihiram sa mas malaking halaga para sa mas maraming benepisaryo.

Inaasahan sa panukalang batas na ihahain, pagbabasihan nito ang mga kasalukuyang kalagayan ni Mang Juan, lalo ang kawalan ng trabaho na umaabot sa 5.7% o higit sa 2.76M katao, ngunit ang masakit hindi sapat ang suweldo ng mga obrero sa taas ng bilihin o inflation na 6.1% na nagpapalobo sa kahirapan sa 46% sa kabuuan. Malinaw na maraming trabaho ang dapat likhain ni Boy Pektus upang maihatid ang mga pangako. Inaasahan din na magiging batas ang panukalang ihahain na magdadala sa mga entreprenyur sa bagong panahon na nagsisikap at hindi palaasa. Maganda ang panukala lalo sa mga nasa ibaba na ibig magsikap upang makaalis sa kahirapan. Maganda ang programa ng Microfinance lalo’t mailalayo ito sa politika na pinakikinabangan ng mga politiko. Maganda ang programa dahil maipatataas nito ang bilang ng mga underemployed at ang pagiging palaasa sa ayuda. Sa totoo pa rin, magandang masanay ang mga magsasaka, mangingisda o ang balana na kaharapin ang mga taga banko ng kumikilala sa kakayanan nito. Isang positibong hakbang sa pagtaas ng pagkatao at dignidad ng mga ito.

Magandang maisama din sa panukala ang paglalaan ng pondo sa mga kooperatiba sa kanayunan lalo sa mga magsasaka, mangingisda at mga tulad nila para sa mga post harvest facilities na magagamit upang bumaba ang mga gastusin sa post production. Maraming mga ani ang nabubulok sa kawalan ng mga post harvest facilities na nagpapababa sa halaga ng ani ng mga ito. Sa katunayan, maraming magsasaka’t mangingisda ang binabarat o pinagbibili ang mga ani sa mababang presyo sa halip na mabulok. Kung may mga post harvest facilities tulad ng kiskisan, warehouse, at mga cold storage para mapreserve ang ganda ng mga ani nito at hindi kailangan na itulak ng mabilisan ang mga produkto kahit palugi. Sana, maisama sa panukala na maglaan ang ilang Government Financial Institions (GFIs) ng pondo maging sa mga technical personnel na magbibigay pagsasanay sa mga beneficiaries sa lahat ng aspeto ng kabuhayan. Siyempre, hindi pwedeng mawala ang credit worthiness, pagiingat sa kapaligiran at pagsunod sa batas.

Sa karanasan, maraming pagkakataon na ang mga beneficiaries ng programa ng Microfinance ay binubuklod sa layunin na hindi malayo sa adhikain pang pamayanan. Nariyan na kasama ang mga ito na nagsusulong ng pag-unlad, kalusugan at proteksyon ng kapaligiran. Maraming pagkakataon na naisilip na ang mga anak ng mga ito’y patuloy o nakatapos sa pag-aaral. Nariyan na nakalagpas na sa antas ng kahirapan at nakamtang kilalanin ang kakayanan ng mga ito. At sa dulo, makikita na tumatangap ito ng parangal dahil sa programang nagbigay pagkakataon sa pagangat ng kanilang buhay.

Sa paniwalang maipapasa ang panukalang pondo para sa Microfinance, umaasa na ang programang ito’y makapagtalaga ng tamang lider na nakakabasa sa kalagayan ng mga magiging beneficiaries at mapapatakbo ng maayos. Umaasa na ang pondong P10B ay makakaabot sa mga dapat na pag-abutan, magamit at mapagyaman ng masiguro na sa susunod na panahon, mababawasan ang insidente ng kahirapan. At umaasa na hindi mahahaluan ng politika ang programa dahil nakita sa nakaraan ang ganda ng Microfinance na tunay na nakapagbago ng buhay ng beneficiaries. Sa huli, hindi magiging palaasa si Mang Juan, Aling Marya, Mang Pedro at ang balanang sa ayudang abot ng pamahalaan. At nawa’y maging matagumpay ang programang ito. Walang personalan kung sino ang may akda, maganda ang programa ang mahalaga’y makarating at makaahon sa hirap ang tulad ni Mang Juan, Aling Marya, Mang Pedro, Mang Rod at ng balana.

Maraming Salamat po!!!

The post MICROFINANCE appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
MICROFINANCE MICROFINANCE Reviewed by misfitgympal on Hulyo 21, 2022 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.