KAILANMAN, nananatili, hindi nababago, mula noon, at hanggang ngayon ang pag-angkin sa Sabah sapagkat hindi binitiwan, hindi inabandona ng Pilipinas ang pagmamay-ari ng Sabah – na dating North Borneo ang pangalan.
Noon pang 1963, sa panahon ni dating Presidente Diosdado Macapagal, iginiit na natin na ang Sabah ay atin at mananatiling atin.
Noong 1968, naging batas ang Republic Act 5446 na malinaw na nakalagay sa batas na ito na pag-aari, sakop at patuloy na inaangkin ng ating gobyerno ang Sabah.
Sa ating Konstitusyon ng 1968, 1973, 1987, malinaw na nakasaad na atin ang Sabah, at sa isang desisyon ng Supreme Court noong 2009, sinabi na legal ang inamyendahang RA 9522 (Base Line Law) na atin nga, sakop ng ating soberenya ang Sabah.
Katunayan, noong 1967, binuo ni Presidente Ferdinand E. Marcos ang “Operation Merdeka” upang bawiin ang Sabah, pero nabigo ito dahil inalerto ni Sen. Benigno “Ninoy” Aquino ang Malaysia.
Sa isang privilege speech ni Ninoy sa Senado, ibinulgar niya ang “Operation Merdeka,“ ni Marcos kaya nakapaghanda ang militar ng Malaysia, at tuluyang kinubkob ang Sabah at isinama sa Federation of Malaysia.
Kung hindi nagdadakdak si Ninoy, baka noon pa, nabawi na natin ang Sabah at naibalik na sa tunay na nagmamay-ari nito ang Sultanate of Sulu.
Matatandaan, nang patayin si Ninoy sa tarmac ng Manila International Airport noong Agosto 21, 1983, Malaysian passport ang gamit niya sa pangalang Marcial Bonifacio.
***
Noon pa at hanggang ngayon ay patuloy ang ating paggiit na tayo ang nagmamay-ari sa Sabah.
Noong 2019, sinabi noon ni dating Malaysian Prime Minister Mahathir Mohamad na wala raw anomang karapatan sa pag-angkin natin sa Sabah.
Muli, iginiit noon ni dating Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, atin ang Sabah, at kailanman, hindi natin inaabandona ang pag-claim sa Sabah.
Two years ago muling uminit ang usapin ng Sabah, kasi itong US Embassy, isinulat sa isang tweet, na ang Sabah ay sa Malaysia.
Pero agad na nag-react noon si dating Foreign Affairs Sec. Teodoro ‘Teddy Boy’ Locsin Jr., na ang sabi niya, “Sabah is not in Malaysia if you want to do anything with the Philippines.”
Kinontra ito ni Malaysian Foreign Affairs Sec. Lorenzo Summen Hishammudin Hussein na sinabi, ang Sabah ay sa kanila, hindi sa Pilipinas?
Noong 2020, matindi ang sinabi ni Malaysian PM Tan Sri Muhyiddin Yassin, sa isang talumpati sa Kota Kinabalu, Sabah, sinabi niya, ang Sabah ay mananatili sa teritoryo ng Malaysia.
May banta si Yassin, ipaglalaban daw niya hanggang sa huli (“fight to the very end”) ang pagmamay-ari sa Sabah.
Aniya, sa usapin ng Sabah, “there is no compromise.”
***
Atin talaga ang Sabah, kaya nga noong Feb. 11, 2013, nangyari ang Lahad Datu Standoff na kinubkob ng mahigit na 235 armadong miyembro ng Royal Security Forces of the Sultanate of Sulu ang ilang gusali at bahay sa bayan ng Lahad Datu, Sabah.
Layon ng pagkubkob ay bawiin pero nabigo ito, 56 Filipino ang namatay, 10 Malaysian at anim na sibilyan ang namatay sa loob ng ilang linggong paglalaban.
Batay sa kasaysayan, noong 1878, ipinarenta ng Sultan ng Sulu ang Sabah sa isang mamamayang Briton, si Baron de Overbeck, at noon lamang 1957 lumaya ang Malaysia mula sa pananakop ng Great Britain (GB).
Ang halaga ng renta sa Sabah ay halagang P77,000 bawat taon, katibayan na atin talaga ang Sabah.
Nang iwan ng GB ang Sabah, hindi nito isinauli sa Sultanato ang lupa nito, at kasama sa ikinabit sa Malaysia na ngayon ay inilalaban nang patayan ang ilegal na pag-angkin dito.
Sa ngayon ay itinigil na ng Malaysia ang pagbabayad ng upa sa mga angkang Kiram, pero noon ay hindi makapagsisinungaling na nagbabayad sila sa upa sa lupang Sabah sa mga Kiram.
Nang tangkain ng Malaysia na isama sa teritoryo nito ang Sabah noong 1963, ito ay kinontra ng Pilipinas at ng Indonesia, pero sa isang plebesito, mas pinili ng mga taga-Sabah na manatili sa poder ng Malaysia.
Walang duda, ang Sabah ay pag-aari ng Pilipinas: Atin ang teritoryong ito, at hindi maaaring mabaligtad ang katotohanan na ang Sabah ay tunay na atin, tunay na tayo lamang ang may karapatang magmay-ari nito, hindi ang Malaysia.
Atin ang Sabah, huwag natin ito isusuko kailanman.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com
The post PAG-AARI NG PILIPINAS ANG SABAH! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: