NALALAPIT na ang pasukan o simulang muli ng pag-aaral ng lahat ng estudyante sa bansa. At bago pa mangyari ito ay ipinahayag na nga ng Department of Educations (DepEd) na buwan ng Agosto ang pasukan, at simula sa Nobyembre balik na ang F2F o face-to-face classes.
Isa pa sa mga naihayag ng DepEd sa pangunguna ni Vice Mayor Inday Sara Duterte, di na kailangan pang iobliga ang ating mga mag-aaral na magsuot ng uniporme upang makabawas sa gastusin ang mga magulang na nagpapa-aral pa ng kani-kanilang mga anak.
Maganda naman ang mga pahayag, dahil ang edukasyon ang una sa mga prayoridad ng anumang bansa tungo sa kaunlaran.
Ngunit dahil na rin sa pananatili pa ng panganib na dala ng nakamamatay na virus na Covid-19, naisip ng mahal nating Pangulong Bong Bong Marcos (PBBM) na kailangan pa ring huwag magpadalos-dalos.
Mungkahi ni PBBM sa kagawaran na dapat pa ring magkaroon ng blended learning sa mga “espisipikong lugar” kahit na harapang klase na sa kabuuan sa loob ng apat na buwan.
Sa ilalim kasi ng DepEd Order 32 s. 2022, ipagbabawal na ang anumang uri ng “purely distance learning” at blended learning sa anumang eskwelahan pagpasok ng ika-2 ng Nobyembre.
Tila naka-aamoy pa ng panganib ng Covid-19 itong si PBBM kaya nais niyang maghinay-hinay tayo sa pagbalik ng mga estudyante sa ating mga paaralan. May punto siya talaga rito.
Sa ganang akin din, maging ang isyu ng pagsusuot ng uniporme ay tila mababaw na pahayag. Mas malaking isyu ang palagian o taun-taon na pagtaas ng matrikula.
Hindi ba’t mas magandang pakinggan lalo na kung manggagaling sa DepEd na may ginagawa itong hakbang para pigilan ang pagtaas ng mga bayarin sa mga eskwelahan.
Nakikiisa lamang po ako sa ating Pangulo na iniiisip lamang ang proteksiyon sa kalusugan ng ating mga mag-aaral. Ako naman ay iniisip lamang din ang kalagayan ng mga magulang na pinag-aaral pa ang kanilang mga anak sa gitna ng nararanasang kahirapan.
The post UNIPORME AT F2F CLASS appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: