ITO ang tawag ng ating Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) sa mga bagong halal na mga opisyal, lalo na ang mga gobernador at bise-gobernador – agents of chage.
Noong Martes, ang panawagan ni PBBM sa mga vice governors sa bansa, ay maki-isa sa kanyang administrasyon na magbigay ng pagbabago at kaunlaran para sa buong Pilipinas.
Ang kanyang panawagan ay inihayag sa oath-taking ng mga opisyal ng League of Vice Governors of the Philippines (LGVP) sa President’s Hall ng Malacañang.
“Dalangin ko na ang bawat isa ay makikipagtulungan sa ating administrasyon upang makamit ang pagbabagong hangad natin para sa bansa,” ang pahiwatig ni PBBM sa mga miyembro ng LGVP at pinasalamatan ang mga ito sa kanilang panunumpa na magiging tapat na public servants.
“Lubos ang ating pasasalamat sa mga bise gobernador na kasapi ng League of Vice Governors of the Philippines na nanumpang sila’y magiging tapat na lingkod-bayan sa mga mamamayan ng kanilang mga probinsya,” ang sabi pa niya.
Walumput-isang probinsiya ang bumubuo ng LGVP na hinarap ni PBBM. Noong August 11 naman, pinulong din niya ang mga kasapi ng League of Provinces of the Philippines (LPP) upang talakayin din ang mga istratihiya sa pagmementina ng food supply sa bansa.
Dito pinagdiinan ni PBBM ang maayos na koordinasyon ng mga lokal na opisyal ng pamahalaan sa national government ay mahalaga upang masiguro ang food security.
Iginiit din niya ang pangangailangan ng maayos na pagpaplano ng bawat probinsiya sa pagtatanim, pag-aani, pagpapataba ng lupa at paggamit ng mga pataba.
Iisa lang naman ang laging hangad ng Pangulo para sa bansa – ang pagkain sa hapag kainan ng bawat pamilyang Filipino.
Kapag natupad ito, siguradong kaunlaran na ang kasunod, dahil kung malusog ang bawat Pinoy, tatakbo ng maayos ang ekonomiya.
The post AGENTS OF CHANGE appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: