Facebook

HAKBANG SA PAGBABAGO

NAGSIMULA ng kumilos ang kusinera sa puno ng Balite ng Malacanan na si Habadu aka Ai Sandok upang lutuin ang menu ng pagbabago ng kasaysayan. Nagsimula ang pagkilos sa pagsasapelikula ng isang dibuho na hindi mawari kung paano isinulat at paano tatabo sa takilya. Hindi maaatim na panoorin ng sino mang nakabahagi sa kasaysayan noong kalagitnaan ng dekada ’80. Kung paano kumilos ang bayan ng kusa, walang pagpapanggap at buong ipinakita ang pagkakaisa ng ipagtanggol ang demokrasya na binahiran ng maruming halalan ng panahong iyon.

Ang mga kaganapan na kumilala sa bansa bilang bulwagan ng demokrasya dahil ang lakas ng tao o People Power ang namasdan ng mundo. Ang paglulubid ng kasaysayan na ipinamalas sa isang pelikula’y tunay na masakit sa loob lalo’t ang bawat isang Pinoy ay nag-ambag upang makawala sa diktadurang deka-dekadang umiiral sa bansa. Walang pag-aalinlangan na ito’y hakbang tungo sa pagpapalit ng pagkasulat ng kasaysayan. Ang pansamantalang tagumpay ng mga trolls na nagluklok sa kapatid ni Habadu sa puno ng Balite sa Malacanan ang sangkalan upang lansihin ang kaisipan ng mga kabataan na nakatali sa paghawak ng computer o social media.

Tinitiyak na dadaan sa matarik na landas ang bawat hakbang na gagawin ng grupo na nais baguhin ang pagkakasulat ng kasaysayan. Habang nariyan ang mga taong matino ang pag-iisip at hindi kumikilala sa kinang ng salapi, asahan na hindi ito papayag na mapalitan ang pagkakasulat ng kasaysayan ayon sa pananaw ng mga buktot na nakabalik sa kapangyarihan. Walang sasayanging pagkakataon dahil batid na ang pansamantalang pagbabalik ang magliliko sa tunay na kaganapan sa bansa. Malinaw na ang mga ito’y saksi sa tunay na kaganapang pambansa, habang ang mga bayarang pagbabago ng dibuho ng kasaysaya’y magsisimula sa imahinasyon at galit sa pagkakaalis sa kapangyarihan.

Ang mga isusulat ng ito’y mula sa galit at poot ng pamilyang dekadang namuhay na parang maharlika na nagpasasa sa kabang bayan ngunit sa ngitngit ni Mang Juan, parang daga itong na pinaalis sa palasyo.

Subukan nating pumili ng ilang eksena sa “Maid in Malacanan”, nariyan ang grupo kuno ng mga tao na lumusob sa Palasyo na may dalang sulo. Napakaartistiko ang pagkakagawa ngunit salat sa katotohanan, walang naganap sa kasaysayan ng EDSA I na lumusob ang mga tao na may dalang sulo. Ang malinaw, nag-aalab at nagpupuyos ang damdamin ng Pilipino ng panahong iyon, sa pagnanais na mapaalis ang pamilya umapi sa bayan na naninirahan sa palasyong ng higit sa dalawang dekada. Napansin ni Mang Juan ng minsang dumalaw ang pamilya ni Boy Pektus sa palasyo ng hindi pa ito pangulo, tila sabik na sabik ang mag-anak sa pag-iikot dahil batid nito ang bawat sulok ng palasyong kinalakihan. At may pagkakataon na ito ang nagsasabi ng mga lagusan sa mga silid na sila ang nakakaalam. Balikan ang ilang ulat hinggil dito ng malaman ang katotohanan. At nang makabalik na bilang pangulo si BP, heto na kaagad ang piging upang ipagdiwang kuno ang kaarawan ng inang pinakamamahal. Dito mapapansin na ito ang tanging pamilya na hindi bantulot na gumalaw sa Balite ng Malacanan dahil tinuring na pag-aari ang palasyo ng bayan. Na hindi nangyari sa mga naupong pangulo ng bansa..tama ba sexy?

Iba pang eksena sa pelikula ni Habadu, ang tinaguriang pampalipas oras na libangan, ang mahjong. Hindi na kailangan bangitin kung sino ang tinutukoy sa eksena ngunit umaalma ang ilang grupo ng mga madre na tila kasama sila sa tinutukoy sa nabangit na eksena. Taliwas ito sa katotohanan na pawang paninira sa kanila at dating pangulo ang eksena. Ang totoo na naimbitahan lang ang grupo upang ipagdasal ang bayan. Mababaw ang pananaliksik o tuwirang pagpapalit sa kaganapan ang nais ipaabot sa mga manonood. Subalit sinong tao na nasa tamang isip ang maglalagay ng ganitong eksena na walang basbas ng kung sinong nagmamagaling. Tunay na may malisya ang eksena dahil tuwiran ang pagtukoy sa taong nanguna upang maibalik ang demokrasya ang bansa laban sa diktadura. Dahil ang ama ang tinutukoy sa pangalawa, ang madungisan ang larawan ng dating pangulo’y tila sapat na kung sino ang may ibig ng paninira. At sa totoo lang, hirap maka move-on si Ai Sandok sa sinapit ng pamilya nito.

Sa inaasam na pagbabago’t pagkakaisa, tila ginawang tuntungan ang tahimik at mapayapang People Power Revolution kung saan ang mga tao ang nagpasya para matigil ang pang-aapi at ang kaapihan. Mukhang hindi sadya na naroon ang byudang naglakas ng loob at tumaya upang pangunahan ang rebolusyon ng walang dahas. Tunay na walang layon ito na magtagal sa panguluhan dahil kaagad naglatag ng paraan kung paano manunumbalik ang demokrasya sa bansa. Nariyan ang pagbuo ng isang Constitutional Commission na bumalangkas ng 1987 Constitution. At kagyat na niratipikahan ng bayan na naging Saligang Batas kapalit ng 1973 Constitution na instrumento sa pananatili ng diktador sa mahabang panahon.

At sa totoo pa rin, nagsimula ng magkaroon ng halalan ng mga kinatawan sa mataas at mababang kapulungan ng kongreso. Ang pinaka matingkad dito, pinili ng biyuda na bumaba sa pwesto kahit pwede pa itong tumakbo sa panguluhan dahil hindi ito nasakop ng 1987 na Saligang Batas. Tunay na hindi ganid sa pwestong natikman, na kabaliktaran sa ama ni Habadu aka Ai Sandok?

Dahil ang hakbang sa pagbabago’y hingil sa pagpapabango ng pangalan ng lahi ni Boy Pektus, tila sala kaagad ang unang hakbang na ginawa. Walang malalim na batayan ang mga kaganapan na nais ipakita sa unang proyekto ng pagpapaikot sa kasaysayan. Nariyan na sa halip na tutukan ang serbisyong bayan lalo sa mga nasalanta ng malakas na ulan at lindol, nariyan na binubulag at binola ang mga Pilipino sa mga maling datos sa isang pelikula. Masyadong halatang obvious ang paglalahad na kailangan pang manira ng tao o grupong nanahimik. Ang hakbang sa pagbabago’y gawin ng may pag-unlad sa bayan at hindi palitan ang kasaysayan na iginuhit ng bayan sa nakaraan. Ang maunlad na buhay ng bawat Pilipino, ang maglilinis sa ngalan na dinungisan ng kasakiman.

Ang ginawa ng anak ng mahusay na pangulo’y pwedeng tularan at lagpasan ng gayon ang batik sa ngalan ng angkan ay pwedeng malunasan. Huwag pamarisan ang luma at mapaniil na pamahalaan dahil magiging daan ito sa lalong mas matarik na landasin sa paglilinis ng ngalan. Kay Boy Pektus at Habadu, aka Ai Sandok, mag-isip isip, huwag gawing tuntungan sa inyong layon ang babaeng alamat ng nakaraan. Ang hakbang sa pagbabago’y lakipan ng pag-unlad ng kababayan at bayan nating mahal.

Maraming Salamat po!!!

The post HAKBANG SA PAGBABAGO appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
HAKBANG SA PAGBABAGO HAKBANG SA PAGBABAGO Reviewed by misfitgympal on Agosto 04, 2022 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.