Facebook

INGATAN ANG KALIKASAN

ISANG relihiyosong bansa ang Pilipinas ngunit tila maraming pagsubok ang hinaharap mula sa mga gawa ng tao hanggang sa hagupit ng kalikasan, o tunay na magkakawing ang dalawa. Hindi kanais-nais ang mga inaabot na mga indulto sa lahat ng bagay na lubhang nagpapahirap sa buhay at kabuhayan ng Pilipino. Sadya bang kailangan dumaan at lagpasan ang mga pagsubok upang maging matatag sa pagharap sa mga kaganapan na pangkaraniwang dumadalaw sa mga tahanan. Sadya bang kailangan habaan ang pisi o pasensya upang sa pagharap sa kahirapa’y mairaos ang araw-araw na pasanin dulot ng kawalan. O sadyang hindi pumapasok sa kokote ng bawat Pilipino na kailangang mag-isip na sa bawat pagpapasyang may kalakip na pasanin ‘di lang sa sarili kundi sa bayan.

Sa bawat pagharap sa hamon ng panahon at kalikasan ang pagtatangi’y nararapat dahil matindi ang bawat bawi na mangyayari kung ito’y naduhagi. Sa bawat sulok ng bansa, kita ang labis na idinudulot na pagkasira dulot ng galit na kalikasan. Karaniwan na ang malalakas na ulan ngunit dahil sa kapabayaan o sa pag-unlad na walang awa kung gibain ang kapaligiran nariyan na nararanasan ang malupit na hagupit nito sa sangkatauhan.

Sa pagtotono ng kalagayan ng kapaligiran, tila mas maraming yaman ng bansa ang ginugugol sa pagsagip sa buhay at kabuhayan ng mamamayan. Ang dumaang lindol at baha ay patunay na hindi handa ang bayan sa mga sakuna kahit ilang dekada na ang nagdaan upang ihanda si Mang Juan. Nariyan na lito ang bawat grupo, maging ang gobyerno kung paano maipapaabot ang tulong na nasa tamang oras. Hindi pa usapin ang kaayusan ng mga pasilidad upang mapabilis ang pagbalik ng balana sa kanilang mga tirahan. At sa pagbalik, muling dadaan ito sa pagsubok dahil sa kawalan ng kabuhayan o maging ng nasirang kabahayan. Nariyan pa ang sakit na dulot ng panahon na lalong nagpapalala sa nadaramang kawalan ng mga biktima ng kalamidad.

Sa totoo lang, nasa kamay natin ang kaligtasan, ang pagmamahal sa bayan lalo sa kapaligiran ang unahin ng ito ang maging sandalan natin sa kinabukasan. Ang mga dumadaan na hamon ng kalikasan ay isang karaniwan lamang. Subalit o dahil sa pagiging sakim ng iilan, marami ang nagdudusa na naghahatid ng kabiguan at maging ng kamatayan. Tila hindi natuto sa mga nakaraan na ang bawi ng kalikasan walang nakakapigil ano man ang katayuan sa buhay. Ang lumalapastangan sa pag-aari ng sanlumikha’y hindi simple ang balik bagkus ito’y may kalupitan. Habang sa isang banda, marunong magbigay ng gantimpala ang sanlumikha, pagtatamasa sa bunga ng bawat likha nito ‘di mapuputol kung ito’y pagyayamanin. Nariyan na malalanghap ang malinis na sariwang hangin, ulan na magtatampisawan, bungang kahoy na makakain, halamang palamuti sa mga kabahayan at maraming pang-iba.

Sa pagdalaw ng maraming sakuna at maging ng mga sakit sa bansa, inaasahan na ang pamilya ni Mang Jua’y magbabalik tanaw sa dating kaugalian na mapagmahal sa kapaligiran. Ang pag-ulayaw nito sa kalikasan ang simpleng ambag upang hindi masira ang kapaligiran. Ang pagpapahalaga sa kaayusan nito’y ang sinusunod at walang galaw na sisirain ito dahil sa pangangailangan. Ang karanasan ang panuntunan at ang gagawing batayan sa pangangalaga ng kapaligiran. Walang hindi gagawin kundi ang mapanatili na maging malambing sa kalikasan ng sa gayon ang pagbawi nito’y sa kapakinabangan.

Ang pagpapasya’y itutuon sa kagalingan ng nakararami at hindi ng iilan. Sana’y maging malinaw sa lahat na ang aksyon ay may kalakip na kontra aksyon, positibo o negatibo man ito. Ang mabilis na pagkatuto sa mga kamalian sa nakaraan at ang pagtutuwid ang magdadala sa kinabukasan ng bansa. At ang tao ang makikinabang sa pag-unlad, pag-unlad na para sa lahat.

Sa kasalukuyan na hinihingi sa bawat Pilipino na pag-ingatan ang kalikasan dahil ito ang magdadala sa matiwasay at ligtas na bukas. Hindi tutulutan ang gawaing makasarili na maglalagay sa bansa sa mas malalim na panganib. Iingatan ang kalikasan ng bansa dahil sa minsang pagkakamali, na masdan na kung paano inaani ang bayan ng maraming sakuna at kabiguan. Kabiguan na dala ng kalikasan dahil sa kawalan ng malasakit ng iilan. Ang mabuting pag-aalaga sa sarili ng bawat anak ni Mang Juan ang magdudulot sa pamilya nito ng kabuhayan na hayahay sa kinabukasan.

Huwag hayaan ang sarili na manatiling maging palaasa sa lider na ito ang nais. Dahil tunay na gagawa ito ng sala para mapanatili ang sarili sa pedestal na alay ng bayan. Samantala, ang mabuting mamamaya’y nagpapa-abot ng mga mungkahi na makabubuti sa hanay. Hindi aasa sa programang panandalian ngunit may kapahamakan sa kapaligiran. Handang magpaabot ng mga kagustuhan para sa kapakinabangan ng bayan. At ito ang senyales ng kumpiyansa at respeto sa sarili. Ang hangad na kagalingan pambansa ang isusulong, masakit man ito sa mata at pandama ng lider ng bansa. Ang kagalingan ng lahat ang dapat na gawing programa lalo sa pag-aalaga ng kalikasan na siyang yaman ng bansa. Walang hindi proprotektahan para sa pakinabang ng sambayanan. Minsan na itong tinayuan at asahan na muli itong titindigan para sa salinlahi ng bayan..

Sa totoo pa rin, mabuting tangapin na ang kapasyahan ng bayan at magtulong tulong sa pag-aalaga ng kalikasan. Huwag ipagwalang bahala ang likas na kaganapan dahil tila marami pa ang darating na pagsubok sa hinaharap. Pag-ingatan at patuloy na pag-iingat sa kaganapan ang sandata para sa ligtas na kinabukasan. Panatilihing ang likas yaman ng bayan dahil karga ng bawat Pilipino ang sakit na naka ambang panganib. Silipin at ipaabot ang tamang hakbang sa pagpapanatili ng ligtas na kapaligiran sa lider ng bansa. Huwag umasa na sila ang solusyon sa suliranin o usaping bayan. Ang pagpapaabot sa nais ang gawin nang madama ng bayan na nasa kanya ang tunay na lakas ng bayan at kaligtasan ng nakararami lalo ng kapaligiran. Mang Juan ikaw ang gumising sa taong bayan na lumimot ngunit nagdusa sa lupit ng kalikasan.

Gawing halimbawa ang karanasan na ang nangangalaga sa kalikasan ang nagtatamasa sa anumang bunga nito. Ang lider na inupo sa Balite ng Malacanan ay simbolo lamang at nasa Pinoy ang tunay na kapangyarihan. Huwag kalimutan ang lakas na mayroon Mang Juan, tamang pagpapasya sa kinabukasan ang magdadala ng pag-unlad sa kinabukasan. At huwag kalimutan na patuloy na ingatan ang kalikasan.

Maraming Salamat po!!!

The post INGATAN ANG KALIKASAN appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
INGATAN ANG KALIKASAN INGATAN ANG KALIKASAN Reviewed by misfitgympal on Agosto 09, 2022 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.