Facebook

IT’S TIME, MAG-APPOINT NA SI PRES. MARCOS NG BAGONG AGRI SECRETARY

AYAN na at patapos na ang Agosto na every year, isini-celebrate natin ang Wikang Filipino — ang ating national language o wikang pambansa, na ang totoo, mas pambansang wika natin ang English sa maraming larangan.

Ang totoo, dalawa ang national language natin: ito ang English at Filipino — na ang saligan ay “Tagalog” na sinangkapan ng iba-ibang wikang katutubo, English na isinalin sa ispeling at bigkas na Filipino, e.g. teacher na “titser” at iba pa.

Marami rin sa Tagalog na Filipino ngayon ay mula sa Espanyol, tulad ng bintana (ventana), kusina (cocina), baso (vaso), kabayo (caballo), guwapo (guapo) at maraming iba pa.

Marami rin ay galing sa wikang Chinese at iba pang wikang hiniram at atin nang inaangking sariling atin.

Sa panghihiram, yumabong ang wikang English na marami ay galing sa iba-ibang wika sa mundo na iningles at isinama sa kanilang diksiyonaryo.

Kaya, sige lang tayo sa paggamit ng mga wikang hiram at ating palaganapin, payabungin at angkining sariling atin, upang ang Filipino ay makasunod, makaagapay sa mabilis na takbo ng mundo.

Letmaku, yosi, acheng, marites, marisol … babu, lodi, hipon, tsugi, sakalam.
***
Kaugnay nito, may mungkahi si Senador Robinhood Ferdinand Cariño Padilla na isalin sa Filipino ang maraming batas natin na nasusulat sa English, at maging ang maraming desisyon ng Korte Suprema na sa totoo lang, legalistic, masalimuot at kahit ang mga experto sa batas ay nahihirapang intindihin.

Kaya nga ang isang hatol o pasiya ng hukuman, iba-iba ang interpretasyon ng mga law expert, ito ay ayon sa kanilang nais o interes.

Dahil sa English nasusulat ang maraming batas natin, marami ang nagiging “biktima” kasi nga, hindi alam kung paano susundin ang isinasaad o inuutos ng batas, ordinansa, tagubilin o simpleng instruction o gabay sa pagkilos.

Sana nga, kung magpoposte ng batas o anoman para sa kaalaman ng publiko, may katambal na salin sa Filipino o sa iba lang katutubong wika tulad ng Ilocano, Ilonggo, Waray o anomang wikain sa mga lugar natin.

Kung may batas na kailangang ipaunawa, isalin o i-translate sa wikang mas naiintindihan o mas ginagamit sa isang lokalidad.
***
Sino o ano ang may responsibilidad na gawin ito — ang Komisyon sa Wikang Filipino?

O kaya lumikha ng isang Komisyon sa bawat lalawigan na isalin sa katutubong wika sa lokalidad ang mga batas, tuntunin o anomang anunsiyo sa publiko.

Kung nasa Ilocandia, isalin sa wikang Ilocano ang batas o tuntunin na nakasulat sa English at gawin din ito sa iba pang probinsiya.

Sa ganoon, nauunawaan ng lahat kung anoman ang nais na itawid na diwa o naisin ng pamahalaan nasyonal o lokal sa mamamayan — na laging sinasabi ng mga politiko na kanilang minamahal na pinaglilingkuran.
***
Mahirap magsalin o mag-translate, ikakatwiran, oo, mahirap nga, pero kailan sisimulan, kailan susubukang gawin.

Nagawa ito ng Indonesia sa paglikha ng wikang pambansa nila ang Bahasa Indonesia, at magagawa rin natin ito.

E, kung ang Biblia nga ay naisalin sa iba-ibang wika sa buong mundo, ang mga batas pa natin sa English ang hindi maisasalin sa wikang Filipino at iba pang wikain sa Pilipinas.

Siguradong papasok ang mga salungatan, pagtatalo-talo sa pagsasalin, pero ito sa aking hamak na tingin ay magandang simula.

Wala namang nag-umpisa sa gawain na nasimulan ng madali at walang problema: lahat ay daraan, sabi nga, sa apoy ng pagsubok.

Kung magpapatumpik-tumpik o matatakot na magkamali o kritisismo, walang masisimulan, walang mabubuo at walang mababago.

Sabi nga, “Kung hindi ngayon, kailan?”

Oy, tunog aktibista raw ito, hehehe.
***
Aba kungdi pa nairita si Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., di pa makakalkal ang matagal nang raket sa Bureau of Customs (BoC), ito ang recycling ng mga import permit, lalo na ang mga agri products.

Ewan ko, matatalino naman ‘yung mga opisyal sa Sugar Regulatory Administration (SRA) pero saan sila kumuha ng lakas ng loob na ipirma ang pangalan ni PBBM sa nabistong balak na importasyon ng 300,000 metric tons na asukal.

Teka, kudos sa lahat ng makikisig at magagandang opisyal at kawani ng BoC, at kay Commissioner Yogi Filemon Ruiz sa sunod-sunod na pagsalakay sa mga bodega ng mga nakatambak na asukal, ito ay maliwanag na hoarding o pagmamanipula sa presyo ng asukal para mas malaking tubo ng mga negosyante.

Ayon sa ating mga kuting, nailabas, naibodega ang bulto-bultong sako ng asukal gawa ng sabwatan ng mga opisyal ng Customs, Department of Agriculture ( DA) at ng SRA.

Ilang mga opisyal ng Customs ang iniimbestigahan na at ngayon ay “nakalutang” sa Office of the Commissioner (OCOM) at sabi nga ni Press Secretary Atty. Trixie Cruz-Angeles, mapupugot ang ulo ng mga mapatutunayang sangkot sa sugar smuggling , at recycling ng mga import permits.

Nangako naman si Customs Commissioner Ruiz na walang sasantuhin sa mga mapatutunayang kasabwat sa anomalya.

Teka, nangyari raw ang pagpirma sa hindi natuloy na importasyon ng 300,000 MT ng asukal gawa ng may ibinigay na memo si Executive Secretary Atty. Vic Rodriguez kay resigned Agri Undersecretary Leocadio Sebastian na malawak na kapangyarihan na gumawa ng kilos, utos (tulad ng importasyon) para sa DA at gawin iyon sa ngalan ng Pangulo.

Hmmm, iyong utos ni ES Rodriguez ang ginamit na katwiran ni Sebastian sa nabistong balak na importasyon ng asukal — na ang hinala ng iba, may kinalaman daw ang executive secretary na ang tawag dito sa atin ay “Little President” na super alter-ego ng Pangulo.

Pero agad namang inabsuwelto ni Senate Pres. Migz Zubiri si ES Rodriguez, e ano pa ang mangyayari sa Senate investigation in aid of legislation, e di wala, kasi inabsuwelto na agad at ang kawawa ay ‘yung masasampulan na gawing sacrificial lamb.

Eniwey, personally, naniniwala ako, di gagawa ng desisyon si ES Rodriguez na ikasasama ng administrasyon at sana nga may makitang maganda sa imbestigasyon.

Buong-buo naman ang tiwala ni PBBM sa kanyang ES kaya, sige lang, at sa ating pananaw, mas mabuti na bitawan na ng ating Pangulo ang poder sa DA at mag-appoint na siya ng isang permanent Agri Secretary.

Mungkahi lamang ito, salamat po!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.

The post IT’S TIME, MAG-APPOINT NA SI PRES. MARCOS NG BAGONG AGRI SECRETARY appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
IT’S TIME, MAG-APPOINT NA SI PRES. MARCOS NG BAGONG AGRI SECRETARY IT’S TIME, MAG-APPOINT NA SI PRES. MARCOS NG BAGONG AGRI SECRETARY Reviewed by misfitgympal on Agosto 25, 2022 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.