Facebook

MGA PAYASO SA SIRKONG PILIT

NAGMISTULANG isang “paralympics” – na naman – ang bulwagan ng Senado nang dumating ang dating kalihim ng Deped na si Leonor “Liling” Briones na nakasakay sa kanyang “wheels” o sa maikli, wheelchair, sa pagpatuloy ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa ma-anomalyang pagbili ng mga laptops na ipamumudmod sana sa mga guro.

Nandoon sa kanyang “return engagement” si Lloyd Christopher Lao na kung matatandaan ay sangkot sa maanomalyang transaksyon ng DoH at Pharmally at napatunayan na ang ginamit na kontrata ay hinalaw sa hulmahan, o “template,” ng kontrata ng Pharmally at DoH. Nakaligtaan tanggalin ang isang probisyon ng DoH Law na walang saysay dahil procurement ng DepEd ito at hindi DoH.

Maaalala noong kasagsagan ng pandemya, ang kompanyang Pharmally at ang DoH ay bumili ng mga overpriced na PPE mula sa mga kasapakat nilang supplier sa Tsina. Ngayon, pinaiikutan nila ulit ang blue ribbon committee. Napatunayan na minamadali ang procurement na kung saan ang DBM ay nasasangkot din. Si Lao na pinuno ng DBM Procurement Service ay sabit na naman sa anomalya, at may tigas ng mukha siya na hingin na tanggalin ang “hold-departure order” laban sa kanya.Hahantong sa lipad ng isang “flight risk.” Wala ipinag-iba kay Lola Liling dahil pareho nilang balak lusutan ang batas.

Mga senador, maliban sa kanya-kanyang litanya at pukpok ng ari sa lamesa ng ilang senador, napatunayan na may pananagutan ang mga nabanggit na opisyal. Paumanhin po, pero talagang mababa ang tingin ko sa mga nagsiganap sa sirkong ito. Maliban sa isa o dalawa na maituturing kong lehitimo na naglilingkod, ang iba ay mga matsing na nagsasayang ng oras natin at ng espasyo. Maliban sa nagbabadyang paghimas ng rehas, ang natitira ay walang pinag-iba sa mga katulad ni Briones at Lao. Hindi ko mawari kung saan sila kumukuha ng tigas ng mukha.

Paumanhin po pero didiretsohin ko na. Ang mga senador na may katuturan dito ay ang mga “absent.” Mas may saysay ang pagkawala nila sa sesyon na iyon dahil kumbaga sa mahjong puro sila panapon at pulos pakita lang ang ginagawa mga “duly-selected” na senador para sa giliw nilang patron at nagtitiyagang manood sa sirko. Isang palabas na pulos karilyo at usok. Isang engrandeng paikot sa tsubibo.

Iiwan ko ito sa pamamagitan tulang isinulat at binibigkas ng tanyag na aktor sa entablado at pinilakang tabing si Lou Veloso para sa pelikulang Citizen Jake na idinirehe ni Mike de Leon.

Harinawa magsilbi itong paalala, at magsilbing pandingas sa pagmamahal sa Bayan.

Kasihan nawa tayo ng Poong Kabunian at maligayang Araw Ng Mga Bayani.

Iisa lang ang Bayan mo
Dapat mong mahalin
Ituwid n’yo ang baluktot
Gulo’y iyong ayusin…

Huwag sayangin ang buhay
Na ibinuwis ng mga bayani
Sa bawat pagtataksil mo
Nawawalan sila ng tagumpay…

Kayo na lumalangoy sa salapi
Busog sa kapangyarihan
Sa dami ng mahihirap
May mukha ka pa bang iharap?

Bayan mo’y pinagpala ko
Lupa’t dagat at kaparangan
Kayo ang perlas ng dulong silangan
Ngayon kinamkam, mga biyayang
galing sa akin…

Tayo ay magtutuos
Ang galit ko’y harapin
Kailan man hindi kayo
Magtatagumpay…

Kayo ay luluhod sa aking harapan
Ang galit ko’y matitikman
Hagupit ng bawat dukhang
Pinahirapan…

Kayong mga asal-hayop
Kayong mga balakyot
Ako’y maniningilng pagkakautang
Handa na ba kayong magbayad?…

Matutong magpasalamat
sa mga biyayang natatanggap

Sa Bayan, ikaw ay nakinabang
Ikaw ay maglilingkod…
Bilang kabayaran

Ikaw ay maglilingkod…

Sa Bayan mo…

***

BAGAMAN may utos hukuman sa Quezon City na alisin ang pagbabawal sa online services ng pahayagang Bulatlat, nahihirapan pa rin ang pag-access sa website nito. Maaalala na ipinatigil ng National Telecommunications Commission ang Bulatlat matapos pinuntirya ni Hermogenes Esperon ang naturang pahayagan na nakikipag-kasapakat sa mga grupong terorista. Walang patunay o ebidensyang maipakita si Esperon maliban sa isang direktiba. Alam na natin ang pinapanigan ng dating National Security adviser ni Duterte. Alam din natin sa halip ng pagbabayad ng P100,000 para magpatuloy sila, hindi nila malubos ang operasyon ng website nila. Kung ano mang kapangyarihan ang nasa likod nito alam natin ngayon kung sino ang nasa tama. Kaya abangan natin ang coming soon.

***

mackoyv@gmail.com

The post MGA PAYASO SA SIRKONG PILIT appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
MGA PAYASO SA SIRKONG PILIT MGA PAYASO SA SIRKONG PILIT Reviewed by misfitgympal on Agosto 27, 2022 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.