Inihayag ni Senator Christopher “Bong” Go ang kanyang pagsuporta sa mga panawagang ilipat ang sistema ng pamamahala sa bansa sa Federalismo kasabay ng pagsasabing dapat maturuan ang mamamayang Pilipino tungkol sa mga benepisyo nito.
Sa kanyang manipestasyon sa pampublikong pagdinig na isinagawa ng Senate committee on constitutional amendments, binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng Konstitusyon.
“It is that which empowers public institutions, embodies fundamental regulations and principles, provides people’s rights and maintains law and order in the country,” paliwanag ng senador.
“It is the very backbone of society and equips us legislators with the basis for proposing and enacting laws, a power that is vital in addressing the needs and interests of the nation and our people,” dagdag niya.
Sinabi ni Go na kapansin-pansin na ang kasalukuyang Saligang Batas ay naglalaman ng mga probisyong lipas na o hindi na nakatutulong sa bansa upang “lumago at sumulong kasabay ng mga mabibigat na alalahanin ngayon.”
Isa sa mga kinakailangang amyenda, ayon kay Go, ay ang magbibigay-daan sa paglipat sa Federalismo upang isulong ang higit na patas na pag-unlad ng mga rehiyon sa buong bansa.
“Halimbawa po sa pinag-uusapan ngayon ang Federalismo. Sa Federalismo, mas magiging mabilis ang pag-unlad dahil mas malaking bahagi ng kita ng mga lokal na pamahalaan mula sa kanilang mga likas na yaman ang maiiwan sa kanila,” ani Go.
Idinagdag niya na ang mga rehiyon ay magkakaroon ng higit na awtonomiya at kontrol sa ilalim ng Federalismo, na nagbibigay sa kanila ng kakayahang lutasin ang kanilang sariling mga problema at mag-alok ng mas angkop at napapanahong mga solusyon.
“Magkakaroon ng dagdag at mas malawak na kontrol ang local officials sa pagresolba ng kanilang mga problema,” sabi ni Go.
“Mas magiging akma ang mga solusyon dahil mas alam nila ang puno’t dulo ng mga isyu, mas alam nila, mas kapa nila ang problema sa baba, mismo sa kanilang mga lugar. At mas magiging mabilis ang paghatid ng serbisyo, mas giginhawa ang bawat Pilipino,” patuloy ng mambabatas.
Ipinahayag ni Go ang kanyang suporta para sa paglipat sa isang pederal na sistema sa pagsasabing ganito rin ang pananaw ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Kaya ako ay kaisa ng ating chairman, Senator Robinhood Padilla, sa kanyang panawagan na lumipat sa Federalismo. Hindi naman po kaila sa atin na iyon po ang pinangarap ni dating Pangulong Rodrigo Duterte,” ani Go.
Ang layunin at kagandahan ng Federalismo, ayon kay Go, ay mapangalagaan ang personal o rehiyonal na kalayaan sa pamamagitan ng pamamahagi at paglalaan ng kapangyarihan ng pamahalaan upang ang isang departamento o grupo ay hindi mangibabaw sa lahat ng kapangyarihan.
Titiyakin aniya nito na ang tunay na partisipasyon at paggawa ng desisyon ay mangyayari mula sa ibaba.
Gayunman, sinabi ng senador ang pangangailangang ituro sa mamamayan ang mga benepisyo ng Pederalismo upang maiangat ang kanilang kamalayan upang sila ay makibahagi sa mas mabungang partisipasyon.
“Talagang mahirap po ipaintindi, dapat i-explain nang mabuti sa mga kababayan natin kung ano po ang kahulugan ng Federalism. Sa kakaikot ni (dating) Pangulo, hindi pa rin tumatak kung ano ang magiging hitsura ng Federalism. Mas interesado pa nga makinig sila sa mga sinasabi ni (dating) Pangulo about peace and order, about this, sa iba’t ibang bagay,” gunita ni Go.
“‘Yan po ang challenge ngayon, since 2016, ‘yun po ang isa sa pinangako, hindi pa rin naisakatuparan ang Federalism, dahil kailangan po talaga ipaintindi sa bawat Pilipino kung ano ang ibig sabihin ng Federalism,” idinagdag niya.
Kaya naman hiniling ni Go kay Sen. Padilla na ipagpatuloy ang pagsisikap ni Duterte na maipaalam sa mga Pilipino ang mga pakinabang ng Pederalismo. Nangako rin siya ng kanyang tulong sa gawain.
“Magtulungan lang po tayo, Mr. Chairman, kung papano po ipaintindi sa mga kababayan natin, dahil talagang dapat detalye po na maintindihan nila kung ano ang maidudulot nito para sa ating bayan,” anang senador.
The post Pilipino, hindi pulitiko: Federalismo, suportado ni Bong Go appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: