Facebook

PINOY NA SANTO PAPA?

MAY mga nagsasabi na maaaring ang susunod na Santo Papa ay Pinoy na, sa katauhan ni Cardinal Luis Antonio Tagle.

Isang dating arsobispo ng Maynila na noong 2019, ay nahirang ni Pope Francis bilang prefect ng Vatican Congregation for the Evangelization of People.

Mula noon ay lalo pang napalapit si Tagle sa Santo Papa, kaya naman kamakailan lamang ay nahirang siyang muli bilang isa sa 22 miyembro ng Vatican City Congregation for Divine Worship and the Discipline of Sacraments.

Sa mga pagkakatalagang ito kay Tagle, maraming obispo at Cardinal sa Roma ang naghayag na maaaring si Tagle na nga ang maitatalaga ring susunod na Santo Papa, lalo na’t may suliranin na si Pope Francis sa kanyang kalusugan.

Maganda para sa ating bansa ang may mahirang na Santo Papa. Pero sa ganang akin, ay tila lulusot muna sa butas ng karayom ang kaganapang ito.

Napapabalita rin kasi na ang Hungarian Cardinal na si Péter Erdo, ang arsobispo ng Esztergom-Budapest ay napipisil ding kapalit ni Pope Francis.

Sa inilabas nga na ulat ng Catholic Herald na nai-post sa website nito noong Agosto 5, kasama ang pangalan ni Erdo sa mga pedeng pagpilian para ipalit sa Santo Papa. Kasama din rito ang Italian Cardinal na si Pietro Parolin, ang kasalukuyang Vatican secretary of state.

Ayon din sa Catholic Herald, ang sinumang maging papa ay lubos na huhubog sa hinaharap na direksyon ng Vatican. Si Tagle na nailalarawan bilang kumakatawan sa mas liberal na pamamaraan ay kabaligtaran ni Erdo na nakahanda naman pangunahan ang Simbahan sa isang mas konserbatibong landas.

Anu’t anuman ang magiging kaganapan sa kalagayan ngayon ng Santo Papa, handa na ba talaga ang Vatican na magluklok ng Pinoy na Santo Papa?

Ano sa palagay niyo? Kasi ako’y di mapalagay.

The post PINOY NA SANTO PAPA? appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
PINOY NA SANTO PAPA? PINOY NA SANTO PAPA? Reviewed by misfitgympal on Agosto 19, 2022 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.