Parang asong ‘di makaihi ang Kalihim ng Kagawaran ng Agrikultura sa kaganapan sa nasasakupan lalo sa usapin ng mga sakahan at magsasaka sa bansa. Hindi malaman kung saan huhugot ng dunong na kahit ang dating uugod-ugod na Kalihim ng Kagawaran ang napili at pinanumpa upang maging No. 2, sa Kagawaran dahil nasangkot ang dating USec sa kontrobersya ng asukal sa bansa. Sa ngayon, walang malinaw na takbo ang programa sa Agrikultura at mas marami ang sinasabi kesa sa ani. Hindi tumutubo ang mga binhi sa sakahan sa sobrang mahal ng mga inputs sa ano mang produktong agrikultural. Mukhang hindi gumagalaw ang mga institusyon tulad ng IRRI upang magbigay ng mabubuting binhi sa mga magsasaka’t sakahan. Ang mga produktong sakahan ang karaniwang kinokonsumo ng 31M manghahalal na hanggang sa ngayo’y tila lakas ng hangin at talsik ng laway ng Kalihim ng DA ang matatamo. Sa nakaraang mga araw nariyan na naglahad na sinibak sa pwesto ang dating Usec at Co-Chairman ng Sugar Regulatory Administration (SRA) dahil sa isang resolution ng pag-angkat ng asukal. At ng mabatid na tunay na may kakulangan sa asukal ang bansa, ‘di lang sa merkado maging sa gumagawa ng soft drinks at iba pa, heto kailangang mag-angkat. O’ biktima si Usec Baste dahil hindi lagda ni Boy Pektus ang nakita sa inilabas na resolusyon ng SRA na inilabas sa media sa kabatiran ng bayan?
Sa totoo lang malinaw na sala ang pagpapatakbo sa Kagawaran ng Agrikultura at puro pogi points ang mga press releases na ginagawa upang maipakita kuno ang dedikasyon ni Boy Pektus na mabawasan ang bigat ng pasanin ni Mang Juan. Dahil bagito sa regla ng takbo sa Kagawaran, minabuti ni Usec Baste at mga kasama upang mapabilis ang pag-aangkat sa kadahilanang hindi na abot ni Mang Juan ang presyo ng asukal sa merkado. Ang paglabas ng resolusyo’y base sa batid na kalagayan ng presyuhan sa merkado. Ang mapait nito, parehong may usapin din sa kakulangan ng asukal sa mga gumagawa ng softdrinks, chichirya at kendi. Malaki ang pangangailangan at walang mali sa nais na pag-aangkat, ang hindi nakitang lagda sa resolusyon ang siyang dahilan kung bakit naging mali ang tama. Sa panahong ito, kailangan na mapaganda ang dating ni Boy Pektus sa bayan ang una bago ang lahat. Ang pagkawala ng lagda na nakunan ng media ang tunay na dahilan ng pagbawi sa tamang resolusyon. At ito’y pinagtibay ng magpa prescon ang Kalihim pagkatapos mabakunahan.
Mapait ang lasa ng asukal kung ang pag-uusapan ang kawalan ng presensya ng Kalihim ng DA sa mga mahusay na kautusan. Sa aga nito sa pamahalaan, mabuting mabatid ng mga alipores hindi lang sa DA maging sa ibang Kagawaran, na kailangan ang teamwork sa lahat ng pagkakataon. Ang punong tagapagpaganap ang captain ball, na kung palpak ang nagawa kailangan na may sasalo at kung maganda ang kalalabasan ang ngalan ni Boy Pektus ang dapat ipangalandakan. Sa ganitong kaayusan hindi magkakaroon ng sibakan sa halip puro kasiyahan.
Sa kaganapan sa mga taniman ng tubo sa bansa, bumaba ang bilang ng mga nagtatanim nito na hindi kayang masilbihan ang pangangailangan ng bayan sa asukal. Nariyan na nagsasara ang mga Milling Companies dahil sa tagal na nito at kailangan ng mabago ang mga makinarya na kailangan ng halos P2B para sa mas malaking pangangailangan. Hindi lang iyon, ang mahigit sa sampung milling companies sa bansa, dalawa na lamang ang gumagana at halos pumapalya pa. Habang sa hacienda o sa tubuhan, lumiliit ang bilang ng mga sakada na lubog sa utang dahil sa liit ng kita. Tulad ng usapin ng magsasaka hindi nagbabago ang usapin ng mga sakada, hindi umuunlad ang kabuhayan lalo nakatali lang ito sa pagiging taga tanim at taga tabas ng tubo. Sa kabila ng mataas na pangangailangan sa asukal lalo ng mga gumagawa ng softdrinks at chichirya hindi kayang ibigay ng mga hacienda o ng mga millers ang dami ng supply dahil sa kakulangan sa bagong teknolohiya at kaalaman. At sa totoo lang, malaki ang gastos sa pagtatanim na halos kinakain ang kita ng mga mag-aasukal.
Patunay, na ang naganap na usapin sa Kagawaran, na malaki ang kakulangan ng pamahalaan sa pagbibigay ng ayuda sa lahat ng uri ng pagsasaka. Isang sektor ang tinamaan sa usapin ng asukal subalit dama ng bayan ang problema na parang tanikala na gumalaw ang puluang hawak dahil sa pangangailangan. Ang usapin ng asukal ay usapin ng pagkain na madalas na kinukunsumo ni Mang Juan sa araw-araw. Walang sarap ang kapeng mainit sa agahan kung ‘di tama sa tamis na inaasahan. Hindi makaraos ang maghapon kung walang minindal na bilo-bilo na batid natin na ang pampasarap nito’y asukal na galing sa sipag at pawis ng mga sakada. Tulad ng bangit sa itaas, kailangan na ng mga bagong kasanayan at ng mga bagong kagamitan ng makaya ang demand ng merkado at maging ng mga produktong umaasa sa asukal na kailangan. Nang sa gayon, maging kampante ang maghapon ni kumpare.
Batid ni Boy Pektus ang kalagayan ng mga hacienda’t mga sakada ngunit mapait sa panlasa nito ang gagawing pag-aangkat dahil hindi naging mapagmatyag ang mga alipores na kailangan na si Boy Pektus mismo ang dapat ang may utos at hindi si kung sino. Maganda ang layunin ng SRA Board para sa bayan, ngunit hindi nabasa ng mga ito ang nais ng Kalihim na siya ang captain ball o ang bida. Ang pagkawala ng ngalan sa kautusan ang dahilan sa sibakan. Sa puntong ito, tila naisantabi ang kagalingan teknikalidad lalo’t si Boy Pektus ang nasagasaan. Naging mapait ang lasa ng asukal sa pagkakataong ito na isang magandang puntos sana sa punong tagapagpaganap kung nabasa lang ng SRA Board ang ibig o nais nito. Hindi mahalaga ang ngayon na o agaran ang pangangailangan para sa kagalingan ng bayan. Hindi kailangan ang madaling pasya, ang kailangan makita ng bayan na si Boy Pektus ang may tangan at di si Baste na alagad lamang.
Maraming Salamat po!!!
The post PAIT NG ASUKAL appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: