Cong. Chua pinapadagdagan ang police visibility sa Binondo area kaugnay sa napapabalitang kidnapping incidents
Hiniling ni Manila third district Congressman Joel Chua kay Manila Police District Director B/Gen. Andre Dizon na dagdagan ang police visibility sa Binondo area, sa gitna ng takot ng publiko sa mga napapabalitang kidnapping incidents.
Napag-alamang personal na ipinarating ni Chua kay Dizon ang pag-aalala na ipinaaabot naman sa kanyang tanggapan ng kanyang mga constituents. Nagpasalamat ang Congressman kay Dizon sa positibo nitong response ukol sa isyu.
Ang Binondo, ayon Kay Chua, ay ang financial district ng Maynila na siyang capital ng bansa.
Dahil diyan ito umano ang tahanan ng pinakamalaking Chinatown sa buong mundo at mga tinaguriang ‘old rich’ families ng mga Tsinoy at dito rin matatagpuan ang maraming uri ng business establishments.
Nasa Chinatown din umano ang malaking bilang ng Chinese-Filipino community members at ayon kay Chua, hindi mapigilang matakot ang mga ito sa mga balita ng kidnapping, sa kabila ng pagbibigay katiyakan ng mga awtoridad na hindi totoo ang mga ito.
Ani Chua, ang takot ng mga Binondo residents at business establishment owners, bagamat sinasabi ng mga awtoridad na walang basehan, ay dapat na payapain at makatutulong umano dito ang karagdagang police visibility sa nasabing lugar. (JERRY S. TAN)
The post Cong. Chua pinapadagdagan ang police visibility sa Binondo area kaugnay sa napapabalitang kidnapping incidents appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: