Huhulihin ng Department of Energy (DOE) ang mga marketer at dealers at kukumpiskahin ang kanilang mga produkto kung sila’y lalabag sa LPG Industry Regulation Act o RA 11592.
Ang nasabing batas ay ipinasa noong Nobyembre 2021 at naging epektibo noong Disyembre 2021 upang protektahan ang mga consumers laban sa delikadong tangke ng LPG at itatag ang mga standards para sa LPG industry.
Sa isang panayam sa radyo, iginiit ni Director Rino Abad ng Department of Energy (DOE) Oil Industry Management Bureau (OIMB) na maaaring humantong sa pagsasampa ng mga kasong administratibo at kriminal laban sa mga marketers, LPG dealers at retailers kung sinusuway nila ang mga panuntunang nakasaad sa LPG Law.
“Unang-una, sa ilalim ng bagong batas na RA 11592, bago makapagbenta ng LPG ang isang kumpanya o dealer, kailangan muna nilang kumuha ng lisensya o permit mula sa Department of Energy. Kailangan na po nilang pumasa sa standards tulad ng pagsunod sa standards ng tangke, pagsunod sa layout design ng tindahan ng LPG at maging sa design ng mga sasakyang pang-deliver ng LPG,” ani DOE Director Abad.
“Mas mahigpit na rin ang pagbabawal ng pagbenta ng tangke ng LPG na walang estampita ng Philippine National Standard. Bagama’t multa lamang sa unang beses ng paglabag, maaaring makasuhan ng criminal case ang magbebenta ng LPG na walang estampita ng Philippine National Standard kung mahuli ito sa ikalawang pagkakataon,” dagdag niya.
Bukod dito, ipinaliwanag ni Abad na hindi na papayagan ang pagbebenta ng LPG kung saan-saan lamang at magiging espesipiko na ang mga lugar kung saan puwedeng magtayo ng LPG dealership.
“Kailangan matiyak na magiging ligtas ang consumers po natin sa maaaring kapahamakan na idudulot ng pagsingaw ng LPG tulad ng sunog at pagsabog ng gas mula sumisingaw na tangke,” aniya.
Iginiit ni Abad na mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta ng LPG na tinatawag niyang generic o walang trade name.
“Sa ilalim ng batas, hahabulin at kakasuhan ang LPG participant o kumpanyang nag-aangkat at nag-ma-market ng LPG sakaling makapinsala ang LPG na binebenta nila dahil sa faulty na tangke, valve, hose, o regulator na ibinebenta nila. Kung wala pong trade name at generic ang tangke ng LPG at napinsala ang consumer, kawawa po ang mga consumers dahil hindi po niya alam kung sino ang papanagutin sa pinsala,” pagbibigay-diin ni Abad.
Hinimok ng opisyal ang mga LPG participants at distributors na sumunod sa mga panuntunan ng RA 11592 upang mapag-ibayo ang industriya ng LPG at matiyak ang kaligtasan ng mga Filipino consumers.
The post LPG Law mahigpit na ipatutupad appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: