NAKASAKAY ang Pinoy sa sasakyang walang direksyon na ‘di alam kung saan patungo. Ang masakit tila ‘di alam ng tsuper ang rota ng biyahe at walang sino man ang nais magpahinto na lubhang na nakakabahala. Sa tinamong tagumpay sa halalan ang saya ng mga nagsipanalo’y tila unti-unting napapalitan ng pangamba dahil sa kawalan ng direksyong makikita kung paano magmaneho ang lider na malakas sa pambobola at ‘di sa gawa. Sa pagkapanalo ni Boy Pektus sa nakaraang halalan, tila domino itong unti-unting bumabagsak dahil sa walang maipakitang gilas sa pamamahala ng bayan. Ang pinangarap na buhay sa kinabukasan tila bangungot na katotohanan dahil sa takot na nadarama. At tunay na ang pagsisisi’y wala sa unahan at ito’y nasa hulihan lalo’t sumugal sa kinabukasan. Ang kawalan ng pagninilay sa pagpapasya ang karaniwang dahilan ng pagsisisi sa hulihan.
Subukang sumakay sa tsubibo na paikot – ikot na pagbaba’y may konting ngiti subalit ramdam ang takot at hilo. Hilo na ‘di mawari at sumusumpang hindi na mauulit ang muling pagsakay dahil sa panandaliang kasiyahan. At panay ang iling dahil sayang ang oras at bayad na ginugol sa maling pagpapasya sa sandaling ligaya. Sa halip pinaggugulan ang may pakinabang napunta sa wala ang salapi na may pagsisisi sa huli. Ang masakit, walang bawian sa maling pasya at kailangang lunukin ang pagkakamali. Habang ang operator ng tsubibo’y pangiwi-ngiwi este pangiti ngiti dahil tiyak ang takits sa mananakay na walang paki.
Ang maling pagpapasya ng 31M o higit na Pilipino, tila bumibigat ang pasanin ni Mang Juan sa buhay lalo sa lumipas na mga buwan. Hindi mag-abot ang sweldo kung may trabaho kontra sa halaga ng bilihin. At kung may pambili na kadalasan wala, hindi sapat ang dalang pera sa nais bilihin, hayun nganga na lang. Sa mahal ng bilihin na kasing ilap ng usa na ‘di malapitan at baka madisgrasya’t masaid ang dalang pera. Hindi lang iyan ang dinanas ni Mang Juan, nariyan na madalas binabagyo ito ng mga kalamidad na nagpapabigat sa pasanin. Ang siste nito, dama ng balana ang hagupit ng kalamidad habang ang lider ng bansa’y umaawit sa kasiyahan kasama ang mga kapwa politiko. Sa totoo lang lumaki si Boy Pektus sa marangyang buhay na pinadama ng ama’t ina at ito ang hinahanap ng katawan. Ang pagdiriwang ng mga kaarawan na garbo ang selebrasyon at handaan ay gawi na di malimutan.
Sa kaganapang pangkabuhayan, batid ni Mang Juan na humihina ang piso kontra sa dolyar. Sa paghina ng piso laban sa dolyar,nagbubunsod ito na magkakaroon ng paglobo ng presyo ng anumang produkto sa merkado. Dahil marami sa produktong kinokonsumo nina Mang Juan, Aling Marya at Ba Ipe ay inaangkat sa ibang bansa na gamit ang dolyar na pagbabayad. At sa kasalukuyang palitan tila naduhagi ang ating salapi lalo sa pagbili ng pangangailangan ng bansa lalo ng petrolyo na kailangan ng bansa, at dolyar ang pambayad dito.
Paano pa ang pagpasa nito sa mga mamimili, lalo sa nalalapit na kapaskuhan? Hindi pa pinag-uusapan ang bayaring utang ng bansa na babayaran sa dolyares. Ang masakit, mukhang nabawasan ang pinapadala ng OFW na marami ang pinauwi sa bansa dahil sa pandemya. Asahan ang pagliit ng dolyar na pumapasok sa bansa. Habang sa kabilang dako ng usaping pang-ekonomiya, maraming negosyanteng dayuhan ang lumisan sa bansa dahil sa taas ng buwis na ipinapataw.
Usapin ng mga ekonomista ang palitan ng piso kontra dolyar ngunit pasanin ng bayan. Hindi maikakaila na ang mga Pilipino ang magdadala sa pataas na presyo ng mga bilihin lalo’t nakatali ang bansa sa produktong angkat sa ibang bansa. Hindi man kita ni Mang Juan ang dolyares, ngunit dama nito ang mataas na presyo ng bilihin tulad ng petrolyo, asukal, bigas maging ang mga isdang pang-ulam na huli sa dagat natin ngunit inaangkat sa karatig bansa na pumapasok sa ating teritoryo, doble ang sakit ng sugat.
Sa takbo ng kabuhayan ng bansa, papunta ba ito sa lansangan ng kapahamakan dahil hindi maibsan ng kawalan ng kaalaman ni Boy Pektus. Hindi abot ng kamalayan ni BP ang usaping pang bansa lalo ang pang-ekonomiya. Umaasa ito sa mga alipores na limitado ang karanasan sa pandaigdigang kalakaran at limitado ang ugnayan sa mga negosyante sa labas ng bansa para makapanghikayat na maglagak ng puhunan. Hindi matatawaran ang kakayahan ng economic team ni Boy Pektus, ngunit umaasa ito sa buwis ng taong bayan na makakalap. Hindi makapagbalangkas ng programang makakatulong sa paglutas sa usapin, lalo sa usapin ng presyo ng bilihin. O’ sadyang pinababayaan si Mang Juan na lunasan ang kawalan.
Walang gilas na maipakita lalo sa pakikipagnegosyo sa mga international counterpart at mga negosyante na maglagay ng negosyo sa bansa, hayun sumabit junket . Sa totoo pa rin, alang tunog ang ngalan ng economic team ni Boy Pektus sa international community kung ekonomiya ang pag-uusapan. Marahil sa karanasan na hindi ito ang kalakasan o ang karanasan sa nakaraan. Ang maglaan ng gugulin at hindi pangangalap ng kaperahan ang kakayahan nito at iba ang usapin ng negosyo.
Ang usapin sa pamumuhunan sa bansa, na ibabandera ni Boy Pektus mula sa state visit sa Indonesia at Singapore. Tila magandang balita ito, ngunit hindi ganun kadali tanggapin dahil ayun sa Philippine Chinese of Chamber and Industry (PCCI) maraming insidente ng kidnapping sa bansa na lubhang nakakabahala sa hanay ng mga ito simula ng pumasok ang pamahalaan ni Boy Pektus. Tila bulag, pipi at bingi ang pamahalaan sa puntong ito, subalit nakaka-alarma ang sitwasyon hindi malayo na naglabasan ang mga negosyante na nagtitiis na magnegosyo sa bansa sa ngalan ng pakikisama kahit mataas ang buwis na ipinapataw. Ngunit ibang usapin ang seguridad at kaligtasan kontra sa lumalalang krimen.
At malaking dahilan ito kung sa darating na araw o buwan eh maglabasan ang mga mamumuhunan. Sa puntong ito, ang mga naimbitahang negosyante magdadalawang isip kung magtutuloy sa balak na pagnenegosyo sa bansa. Dahil ang nawalang pera’y maaaring kitain subalit iba ang usapin kung buhay ang nakasalang.
Sa totoo lang, maselan ang usaping kabuhayan kung lakipan ng kawalang kapayapaan at kaayusan. Sinong negosyante ang maglagay ng negosyo sa bansa kung kaliwa’t kanan ang dukutan. At paano na ang kabuhayan ni Mang Juan, kung mag-aalisan ang mga negosyanteng nakipagsapalaran. Magpapatuloy ba ang kawalan sa maling pagpapasya sa nakaraan. Ang pagkakamali ng 31M bumuto na naniniwala sa pangakong Php20.00 halaga ng bigas ang gagawa ng kilos upang ipakita kay Boy Pektus na sa pagkakamali matuto at sisingilin sa pangakong mapapako.
Ang kinabukasan para sa lahat at ‘di sa iilan ang tunay na layon sa pasya sa nakaraan. Ang pagtaas ng presyo ng maraming bilihin, paghina ng piso, kawalan ng hanapbuhay, kahirapan at krimen ang sobrang bigat na pasaning bayan. Para sa iyo Boy Pektus, lutasin ang usaping bayan ng malinis ang inyong ngalan. At huwag alisin sa isipan, ang maling gawa ang nagdala sa inyo sa ibang bansa.…
Maraming Salamat po!!!
The post SOBRANG BIGAT appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: