NAHULI-CAM ang pagtigil ng isang lalaking sakay ng motorsiklo at pinipilit ang isang babae na sumakay sa kaniya sa Caloocan City.
Nangyari ang insidente sa Alma Jose Street, Barangay 177, Caloocan City noong Linggo, Setyembre 4.
Sa ibang kuha ng CCTV camera, nakita ang lalaking naka-motorsiklo na paikot-ikot sa lugar. Tapos sinundan niya ang naglalakad na babae.
Pagsapit sa kanto, bumaba ng motorsiklo ang lalaki na nakasuot ng helmet at nilapitan ang babae.
“Sabi niya po, ‘maraming masasamang tao dito, hatid na kita.’ Sinabi na niya po, ‘pulis ako.’ Sabi ko ulit, hindi na po, magje-jeep nalang po ako. Doon na po niya ako hinablot sa braso tapos pinapasakay niya po ako sa likod niya po,” ayon sa biktima.
Pero hindi rin napilit ng lalaki na sumakay ang babae dahil makikitang may ibang tao na naglalakad sa lugar.
“Sa tingin ko sa tagal ko dito sa barangay namin, mukhang dayo lang siya. Ang tapang eh, maliwanag na, mag-a-alas sais,” ayon kay Barangay Councilor Artemio Acosta, Jr.
Nagbigay naman ng hotline ang pulisya na maaaring tawagan ng mga tao kapag may emergency.
Nagpayo rin si Police Colonel Samuel Mina Jr., Caloocan City Police chief, kung ano ang maaaring gawin sa mga naturang sitwasyon.
“Mag-create siya ng scenario na makaka-attract ng attention para hindi man agad maka-aksyon ang pulis ay may bystander tayo na responsable namang tutulong. Lalo na kung ang biktima ay bata o babae, maging alerto, maging mapagmatyag,” paalala ni Mina.
Nagsasagawa na rin ng imbestigasyon ang pulisya tungkol sa insidente.
The post Rider nagpakilalang pulis, pilit pinapasakay ang bebot sa motorsiklo appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: