Naging matagumpay ang isinagawang earthquake drill na pinangunahan ng pamunuan ng Chinese General Hospital and Medical Center (CGHMC) na pag-aari at pinatatakbo ng Philippine Chinese Charitable Association, Inc. (PCCAI), Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) sa pamumuno ng director nitong si Arnel Angeles at mga kinatawan ng Philippine National Red Cross, Bureau of Fire Protection at Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na pinamumunuan ni Zenaida Viaje.
Ayon sa paliwanag ni Angeles, ang simulation exercise na ginanap kahapon mula alas-8 hanggang alas-10 ng umaga sa Chinese General Hospital (CGH) ay ibinatay sa scenario na nagkaroon kunwari ng 7.2 magnitude earthquake na may sentrong paggalaw sa west valley fault sa parteng Quezon City, na may sampung kilometro ang layo mula sa nasabing ospital.
Nang kunwari ay naganap ang nasabing lindol at isinagawa ang mabilisang page-evacuate ng mga pasyente mula sa ospital na may kabuuang 600-bed capacity. Kabilang sa mga inilikas ang mga sanggol at mga may kapansanan at nasa stretchers.
Mabilisang naglabas ng mga tent at ginamit ang kalahati ng kahabaan ng Blumentritt Road sa harapan ng ospital bilang evacuation area ng CGH employes at mga pasyente.
Ani Angeles, malaking hamon ang sitwasyon dahil sa palagiang mabigat na trapiko sa main road ng Blumentritt na hindi naman gaanong kalakihan. Naroon ang mga MTPB enforcers upang tumulong sa pagmantina ng trapiko.
Umabot ng may 300 hanggang 400 ang bilang ng mga participant o lumahok sa nasabing earthquake drill, kung saan nagkaroon din ng senaryo ng sunog sa gusali na nirespondehan ng mga bumbero.
Naging epektibo ang pagresponde sa simulation o paggaya sa iba’t-ibang uri ng scenario gaya ng evacuation, search and rescue, medical response, fire suppression at traffic management.
Ang nasabing drill ay bahagi ng 3rd quarter National Simultaneous Earthquake Drill na layuning ihanda ang mga empleyado ng ospital habang at matapos ang lindol, gayundin ang komunidad at emergency o disaster-response forces sa epektibong pagresponde sa mga kalamidad at disasters.
“Since early this year, the hospital has been conducting Regular Emergency Preparedness and Training Programs for the members of the CGHMC community to prepare for this big event. We have also prepared a hospital evacuation plan and response team in case of any catastrophe,” ani Dr. James Dy, President at CEO.
Naroon para mag-obserba ang pamunuan ng CGH na kinabibilangan nina Kelly Sia, Executive Vice President/Chief Operating Officer; Jameson Dy, Senior Vice President at Robert Yang, Senior Vice President/Special Asst. to the President; Antonio Tan, Chairman of the Board, PCCAI; Florante Dy, Chairman Emeritus, PCCAI at Dr. Benito Goyokpin, Honorary Chairman, PCCAI.
Sa pamamagitan ng nasabing aktibidad ay nahahasa ang kakayanan at kahandaan ng mga local government units, mga tanggapan, paaralan at maging mga ospital. Itinuturo din ng aktibidad kung paano maging handa ang mga local government units (LGUs) at pribadong institusyon, gaya ng CGH, pagdating sa recovery programs at inisyatibo na kinabibilangan ng pagkakaroon ng sapat na suplay ng pagkain, gamot at iba pang pangangailangan sa oras ng sakuna.
Maari ding makita ang mga depekto ng mga pampubliko at pribadong institusyon upang magawan ito ng aksyon at matiyak ang agarang pagpapatuloy ng kanilang operasyon matapos ang kalamidad.
Higit sa lahat, natuturuan ang mga tao na manatiling kalmado at organisado ang pagkilos sa oras ng emergency at kalamidad.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.
The post EARTHQUAKE DRILL NG MAYNILA SA CHINESE GENERAL HOSPITAL, MATAGUMPAY appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: