UPANG mapangalagaan sa tuluyang pagkaluma at upang mai-preserba din ang mayamang kasaysayan ng kabisera ng bansa, ay planong isalin sa digital format ni Manila Vice Mayor Yul Servo ang lahat ng mga records, ordinansa at resolusyon ng Manila City Council simula pa noong unang itinatag ito.
Sa tala ng City Council, ang mga batas panglungsod na isasalin sa digital na paraan ay mula pa noong 1908
“Nakakatuwa at malaking tulong sa mga kabataan o sinuman na nagre-research tungkol sa mga ordinansa o batas panglungsod kung ang mga records natin ay maisasalin sa digital format. Sa tulong ng internet, isang pindot mo lang o i-type mo lang ang code o author nung ordinance, lalabas na agad ito kung anong search engine ang ginagamit mo, tulad ng Google halimbawa,” pahayag ng excited na bise alkalde.
Ayon kay Servo na siya ring Presiding Officer ng City Council, binibigyan niya ang kanyang sarili nang hanggang isang taon para maisakatuparan ang pagsasalin ng mga batas at records mula sa pinakaluma hanggang sa pinakabago.
Nakakalungkot isipin, ayon kay Servo na hindi makasabay sa pag-unlad ng teknolohiya ang pag-iingat ng mga records sa Manila City Council.
“Yung iba kasing mga city ordinances ay hindi mo makikita kahit sa Google,” dagdag pa ni Servo.
Binigyang diin din ni Servo na mahalaga sa bawat mamamayan ng lungsod at maging sa mga hindi residente nito ang kaalaman sa mga umiiral na ordinansa ng lungsod.
Binanggit pa ng actor-politician na isa sa mga obsolete o hindi na akmang batas na isasalin sa digital format ay ang batas na nagbabawal na magpunta o pumasyal sa Escolta nang hindi nakasuot ng Amerkana o coat and tie. Ang Escolta ang sikat maunlad at sentro ng kalakakalan noong early 1900. (ANDI GARCIA)
The post VM Yul, isasa-digital ang lahat ng ordinansa at records ng Manila City Council appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: