MAGANDA na sana ang itinatakbo ng police career, bagamat isa pa lamang officer-in- charge ng Cavite PNP Provincial Police Office si Col. Christopher F. Olazo, kung hindi lamang ito napapasukan ng mga taong balakid at nagsisillbing tinik sa kanyang landas.
Higit na nakararami sa kanyang mga kababayang Caviteño, ay bumibilib na sa tubong bayan ng Silang na si Col. Olazo, sa unang sulyap ng mga taga-Cavite ay isang mesiyas at hulog ng langit ang matikas na police colonel, tugon anila ito sa kanilang matagal nang suliranin sa peace in order situation sa lalawigan ng Cavite.
Ang akala din ng mga Cavite based anti-crime at vice crusaders ay alam ng PNPA graduate na kernel kung papaano nito lulutasin ang malubhang problema sa kriminalidad na lalo pang pinalalala ng iligal na sugal na siyang front ng bentahan ng droga, tulad ng shabu sa naturang lalawigan.
Talaga namang kaayon ang pagkakataon sa pag-arangkada ni Col. Olazo sa halos ay may dalawang buwan na nitong panunungkulan bilang pinakamataas na pinuno ng kapulisan ng may pitong siyudad at 18 na munisipalidad na lalawigan pagkat karakang naipakita ni Col Olazo na dating hepe ng Quezon City Police Mobile District na hindi uubra ang kumpa-kumpare o kamakamag-anak sa kanya.
Karaka ding iniutos nitong ipasara ang mga dinatnan nitong gambling dens, partikular na ang mga saklaang pinatatakbo ng maiimpluwensyang personalidad sa Cavite.
Halos lahat namang operator ng gambling dens ay sumunod sa “stop order” ni Col. Olazo.
“Ngunit kung ang halos lahat ay tumalima sa utos na “zero gambling” ni PD Olazo, idagdag pa rito ang “No Take Policy ni Region 4A Director, PBG Jose Melencio Nartatez Jr. ay may isang gambling maintainer ang sumuway, naghamon sa kapangyarihan at liderato ni Col. Olazo bilang pinakamataas na pinuno ng kapulisan sa lalawigan.
Siya ay walang iba kundi ang kinikilalang “Sakla King” na si alyas ERIK TUROK, hari-hari at astig din ang taguri sa kanya sa Cavite kaya pakiramdam nya ay di siya pwedeng kantiin ng pulisya o rendahan nina Gen. Nartatez Jr. at Col. Olazo.
Ayon sa mga Cavite based anti –crime at vice crusader ay maraming mga miyembro ng Cavite PNP ang malimit na nakakairingan ni alyas ERIK TUROK na nagpapakilala ding ahente ng National Bureau of Investigation (NBI).
Si alias ERIK TUROK at ang dakilang alalay nitong si Hero ay kapwa armado ng pistola at iba pang matataas na kalibreng baril sa pag-iikot nito sa kanyang mga sakla den sa Daang Amaya 1 sa tapat ng Goldilocks Bake shop, sa Daang Amaya 2- tapat ng SeaOil Gasoline Station, Poblacion 1, Julugan VI at Julugan VIII na mga barangay na naunang nalatagan ni alyas ERIK TUROK ng kanyang mga saklaan sa may 41 komunidad ng Tanza.
Hindi na din halos mabilang ang nailatag na sakla tables nina alyas ERIK TUROK sa may 36 na barangay ng bayan ng Indang kaya di naiiwasang mabwesit sa kanya ang lokal na kapulisan.
Hindi natin maintindihan kung sadyang andap, naduduwag o umiiwas na lamang sa karahasan, ang mga pulis ng Tanza at Indang kaya sa dakong huli ay nagpapaubaya na lamang ang mga ito lalo’t alam ng mga pulis na maimpluwensya si alias ERIK TUROK.
Maniniwala nga namang bagyo si alias ERIK TUROK sa Cavite, pagkat balitang alyado ito ni Cavite Governor Junvic Remulla at kasosyo pa nito ang ilang alalay ng gobenador sa pagpapatakbo ng mga sakla den sa Tanza at Indang.
Ngunit ang ipinagtataka ng mga taga-Tanza at Indang ay kung papaanong napaniniwala ni ERIK TUROK sina Tanza Municipal Police Chief, LtCol. Gerry Laylo at Indang Police Chief Maj. Ernesto Caparas Jr. na isa nga itong lehitimong ahente ng NBI gayong hindi naman nakikita sa tanggapan ng NBI sa Cavite?
Ang pagiging NBI agent din ang ipinangangahas ni alias ERIK TUROK sa mga miyembro ng Cavite Provincial Police Office kaya parang ligal na ligal nga ang pagpapasakla nito.
Ngunit sa pagkakaalam ng inyong lingkod ay hindi basta kayang matakot ni alias ERIK TUROK si Col. Olazo kung ang pagigiging isang NBI agent lamang ang ginamit nitong agimat para malayang makapag-operate ng saklaan sa dalawang kinikilalang premyadong bayan ng Cavite, tulad ng Tanza at Indang.
Liban na lamang kung meron ngang libu-libo pang dahilan kung bakit napakalakas ng loob ang salot na magpasakla saan mang sulok ng nasabing mga munisipalidad? Meron nga ba Sir Olazo?
Ang paniniwala pa ay di kayang dagain ang dibdib ni Col. Olazo ng isa lamang alias ERIK TUROK lalo pa nga’t kilala itong disciplinarian at batak sa karanasang police chief bago pinamunuan ang Cavite PNPO. Sa katunayan, naging police chief din si Col. OLazo sa Bacoor City at bayan ng Alfonso, parehong sa Cavite at Tanauan City, Batangas bago ito napisil ni PNP Region 4A Director PBG Jose Melencio Nartatez Jr. na pamunuan ang Cavite PNPO.
Kung isa lamang alias ERIK TUROK ang “magsisilbing tinik sa kanyang lalamunan” at sisira sa imahe ni Col. Olazo ay tila makabubuti yatang magbalot-balot na si kernel para bigyang daan naman ang isang opisyal na may tapang at determinadong supilin ang notoryus ding drug pusher na si alyas ERIK TUROK! Abangan…
***
Para sa komento: CP # 09293453199 at 09664066144; sikretangpinas@gmail.com.
The post ALYAS ERIK TUROK TINIK KAY COL. OLAZO! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: