Muling idiniin ni Senator Christopher “Bong” Go ang kanyang pagsuporta para sa institusyonalisasyon ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa pagsasabing naging epektibo ito sa pagtugon sa lokal na insurhensiya at pagpapanumbalik ng kapayapaan sa mga lugar na puno ng kaguluhan sa bansa.
“Sinusuportahan ko ang pag-institutionalize ng ELCAC. At kung gusto nila, ‘pag wala na ‘yung insurgency, i-abolish na rin po nila, i-abolish na rin po ang ELCAC, okay naman po… ‘pag tapos na po ‘yung insurgency,” ani Go matapos siyang dumalo sa Mandatory Continuing Legal Education para sa mga abogado ng Public Attorneys’ Office sa Pasay City.
Binigyang-diin ni Go ang pangangailangang tulungan ng pamahalaan ang task force sa pagsasakatuparan ng mandato nitong hikayatin ang mga dating rebelde na manumbalik sa lipunan at tulungan ang gobyerno na makamit ang kapayapaan sa bansa.
Nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2018 ang Executive Order No. 70 na nag-institutionalize ng whole-of-nation approach para makamit ang inclusive at sustainable na kapayapaan.
Iniaatas ng EO ang pagpapatibay ng isang National Peace Framework upang matiyak ang pagkakatugma at sabay-sabay na paghahatid ng mga serbisyo sa conflict-affected at vulnerable areas na itinatadhana sa paglikha ng NTF-ELCAC.
Sa ilalim ng EO 70, ang whole-of-nation approach ay pinagtibay upang matugunan ang mga ugat ng insurhensiya, panloob na kaguluhan at tensyon, at iba pang armadong tunggalian sa pamamagitan ng pagbibigay-prayoridad sa paghahatid ng basic services at social development packages ng gobyerno.
Kasama rin dito ang pagtiyak sa aktibong partisipasyon ng lahat ng sektor ng lipunan sa pagkamit ng adyenda ng kapayapaan ng bansa.
Ang mga ahensya ng gobyerno na kasangkot sa NTF-ELCAC ay nagbibigay ng tulong sa pamamagitan ng iba’t ibang programa na nakatuong tulungan ang task force na makamit ang mga target na layunin nito. Isa na rito ang Department of Social Welfare and Development na nagbibigay ng tulong sa pamamagitan ng cash grants sa mga dating rebelde.
Ang Livelihood Settlement Grant ng Sustainable Livelihood Program ng ahensya, bilang suporta sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program ng gobyerno, ay naglalayong magbigay ng tulong pinansyal sa mga naturang indibidwal upang sila ay maging produktibong miyembro ng kanilang komunidad.
Nang tanungin tungkol sa panukala ng ibang mambabatas na bawasan ang badyet para sa NTF-ELCAC at i-realign ito sa ibang ahensya tulad ng Department of Public Works and Highways para sa kanilang mga programang pangkaunlaran, sinabi ni Go na may mga malalayong komunidad sa bansa na hindi naaabot ng mga programa ng gobyerno. Maaaring punan ng NTF-ELCAC ang mga kakulangan sa mga ganitong pagkakataon, dagdag ni Go.
“Tandaan, mayroon tayong mahigit 40,000 barangay sa buong bansa. Majority of those barangay are in the far-flung areas at hindi pa naaabot (ng ibang ahensya),” ipinunto ni Go.
Binigyang-diin ng senador na dapat maramdaman ang presensya ng gobyerno sa mga komunidad na ito upang hindi mauwi sa insurhensya ang kapabayaan at kahirapan.
“Ang nakakaalam po diyan ‘yung mga barangay captains, ‘yung mga barangay officials. At ang pakiramdam po ng iba, ito ang dahilan ng insurgency, itong poverty at neglect po. So, marami pong nane-neglect na mga barangay na hindi napapansin,” anang senador.
“With ELCAC, nabibigyan sila ng insentibo, na naeengganyo na sila na i-clear ‘yung kanilang barangay dahil magkakaroon sila ng mga proyekto doon na hindi lang nila nakamit, hindi man lang sila nabigyan sa buong buhay nila,” paliwanag ni Go.
Pinuri ni Go ang task force at sinabing matagumpay nitong naisakatuparan ang layunin nito at naisakatuparan ang mga tungkulin.
“Ito pong ELCAC, naging successful po ito na maengganyo po ‘yung mga barangay na tumulong at sila po ‘yung mag-encourage na magbalik-loob na po sa ating gobyerno,” pahabol ng mambabatas.
The post BONG GO: NTF-ELCAC NAGING EPEKTIBO VS INSURHENSIYA appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: