Facebook

HATAW NI SGT. CORPUZ, LATAY KAY PD COL. RANDY GLEN SILVIO!

PARANG parusa sa kalabaw, bawat hagupit ni alias Sgt. Corpuz, si Laguna Acting PNP Provincial Director, P/Col. Randy Glen Silvio ang nagdurusa sa negatibong puna. Kapag di nasupil ito, baka masibak si PD sa kanyang pwesto?

Ito ang mapait na katotohanan sa kapulisan ng Laguna: ang pangalan ni PD Silvio ay nagagamit ng damuhong police scalawag na si alias Sgt. Corpuz sa pangongolekta ng protection money sa sangkaterbang ilegalistang nag-ooperate sa naturang lalawigan.

Si Corpuz ay nagpapakilalang police sergeant na nakatalaga sa Camp Vicente Lim, Canlubang, Laguna, ngunit walang inaatupag kundi ang mangolekta ng tong kapalit naman ng malayang pag-ooperate ng mga kapitalista ng STL-con jueteng, STL-con droga paihi, perya-sugalan (PERGALAN) at iba pang kailigalan sa hurisdiksyon ni Col. Silvio.

Hindi na halos nakikita si alias Sgt. Corpuz sa kanilang headquarters, nakatutok sa pangongolekta ng suhol, padulas, tongpats o intelhencia para sa mga opisina ng kanyang hepe at nakakamanghang pati pangalan ni Laguna Acting Provincial Director P/Col. Randy Glen Silvio ay ginagamit nito sa pangingikil.

Hindi natin alam kung may basbas si PD Silvio kay alias Sgt. Corpuz, ngunit sanhi ng mga katarantaduhang pinaggagagawa ni alias Sgt. Corpuz ay malabong maging full-pledge Laguna Provincial Director si Col. Silvio.

Walang bukang-bibig si alias Sgt. Copuz kundi ang “para kay Laguna PD Silvio, para kay Colonel Silvio”, kaya walang makasuway sa halang ang kaluluwang sarhento sa kanyang weekly tong koleksyon at kung hindi makapagbigay ng tara ay ipinatitigil ni Corpuz ang operasyon ng vice lord.

“Paano nga po namin matatanggihan si Sgt Corpuz, bukod sa ang ikinokolekta nya raw ng tong ay si PD Silvio , ay armado ito ng .45 at armalite, may alalay pang armadong sibilyang goon”, ang pagsisiwalat ng isang dating tauhan ng buriki syndicate na pinatatakbo ng isang alias Ador.

Nasa likod lamang ng Yakult Philippines sa Brgy. Makiling, Calamba City, Laguna ang burikian o paihian ni Ador at lingid sa kaalaman ng trucking management ang kanilang mga tsuper ay kay Ador nagbebenta ng kanilang nakaw sa mga truck na kalakal at petroleum product.

May sindikato din ng illegal parking sa highway ng Brgy. Makiling na pinatatakbo ng noturyos na Nofrada Gang. Libreng parking area ang kahabaan ng Makiling National Higway ang malalaking truck kahit sa looban pa ng mga buwan o kaya ay taon basta magbabayad ang trucking company ng mula Php 25,000 baat truck kada buwan at kung daily basis ay halagang Php 1,000 bawat araw ang protection money ng sindikato.

Nakapaka-delikado sa mga motorista na nagbibiyahe sa highway katulad sa Brgy, Makiling ang naghambalang na mga 10 wheeler hanggang 16 wheeler trucks .May batas man na nagbabawal sa paggamit na parking zone sa mga highway ngunit balewala pagkat nakatimbre din pala ang operasyon ng bawal na paradahan maging sa PNP/CHPG.

Pasok na ang Nofrada Gang sa PNP/CHPG ay protektado pa ang mga ito nina Sgt. Corpuz at ng opisina ng Calamba City Police, kaya’t inutil din ang naturang batas.

Libu-libong salapi ang intelhencia ni alias Sgt. Corpuz sa illegal parking pero ang pinaka-malaking kotong ni alias Sgt. Corpuz ay mula sa STL-con jueteng, STl –con drug at perya-sugalan (PERGALAN) operator sa buong lalawigan ng Laguna.

Kabilang din sa lingguhang natatarahan nito ay ang kunyari ay bading na STL con jueteng operator na si Pinky. Akala ng ating informant ay babae si alias Pinky, ngunit barakong-barako pala at nagtutulak pa ng shabu bukod sa pagiging jueteng operator sa San Pablo City.

Pasok din sa nakaparuming hanapbuhay sina Jayson, alias Tose, Orlan, Ruel A., Timmy, alias Hiwaga, alias Kap Ding at Timmy. Si Timmy alias Charlie ay taga-Batangas ngunit bangkero ng STL-con jueteng hindi lamang sa San Pablo City, kundi maging sa mga siyudad ng Cabuyao, San Pedro, Binan at Sta Rosa, bayan ng Liliw Laguna, hanggang sa mga munisipalidad ng San Pascual at Mabini sa lalawigan ng Batangas. Umaakto din siyang tong kolektor ng opisina ng CIDG Camp Crame kaya’t walang kamalay-malay si CIDG Director, PBG Ronald Lee ay gasgas na gasgas din ang kanyang opisina sa kabulastugan ni alias Timmy.

Nagmumukhang inutil din si San Pablo City Police Chief P/LtCol. Jowie Lucas dahil sa kawalang aksyon nito laban sa mga naturang ilegalista.

Si Jayson naman, bukod sa pagpapatakbo ng STL-con jueteng at STL-con drugs sa San Pablo City, ay may pajueteng at drug trade sa mga bayan ng Los Baños, Sta Cruz, Calauan, Pagsanjan at Liliw. Si alias Tose, liban sa siyudad ng San Pablo ay nag-ooperate din ng STL-con jueteng at drug trade sa mga siyudad ng San Pedro at Biñan, si Orlan ay nag-ooperate naman ng sugal at droga sa Alaminos.

Ang iba pang pino-proteksyunan ni alias Sgt. Corpuz ay sina alias Sgt. Baretto sa Biñan City, Sta Rosa City at Lungsod ng Cabuyao, si Niko sa Biñan City, Mayang at Melody sa Sta Rosa City at Biñan City, Arvin at Bong sa bayan ng Rizal, retiradong pulis na si alias Eborra ng mga siyudad ng Sta Rosa at Biñan, Jess sa Sta Rosa, Tita sa mga siyudad ng Cabuyao at Calamba, alias Kon Manguiat na may rebisahan at salyahan ng shabu sa Brgy. Palao, Calamba City , Jun sa munisipalidad ng Los Baños, Osel at Kon Robert kapwa drug at gambling bosses ng bayan ng Calauan at Bong sa bayan ng Rizal.,

Kung baga sa kalabaw ay puro latay na nga si PD Silvio at maging sina R4A Police Director PBG Jose Melencio Nartatez Jr.at PNP- PDG Rodolfo Azurin Jr., dahil sa katarantaduhan ni Sgt. Corpuz.

Milyones ang nakikikil ni alias Sgt. Corpuz kada buwan para sa pangalan ni PD Silvio sa mga STL-con jueteng at STL-con drug operators, magkano pa kaya ang aabutin nito kung kasama na ang intelhencia mula sa may 40 perya-sugalan maintainer sa lalawigan? Abangan…

***

Para sa komento: CP # 09293453199 at 09664066144; sikretangpinas@gmail.com.

The post HATAW NI SGT. CORPUZ, LATAY KAY PD COL. RANDY GLEN SILVIO! appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
HATAW NI SGT. CORPUZ, LATAY KAY PD COL. RANDY GLEN SILVIO! HATAW NI SGT. CORPUZ, LATAY KAY PD COL. RANDY GLEN SILVIO! Reviewed by misfitgympal on Oktubre 03, 2022 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.