MAINIT na pinagdedebatehan ngayon ang ZERO BUDGET ng Special Education (SPED) sa 2023.
Kung anong rason kung bakit hindi naisama sa National Expenditure Program (NEP) ang proposed budget na P532 million ng SPED, ambot kay DepEd Secretary “Inday” Sara Duterte-Carpio.
Kung ang SPED ay hindi nabigyan ng budget, ang DepEd Secretary Office ni VP Sara ay mayroong P150 million “confidential fund” na gagamitin daw pang-spy sa mga estudyanteng nire-recruit ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army. Ngek!
Sa nakalipas na dalawang taon (2020 at 2021), Duterte administration, ang pondo ng SPED ay P329 million.
Ipinaglaban ng Kabataan Partylist ang budget ng SPED para sa 2023. Pero ang pinaboran ng Senado ay ang confidential fund ni VP Sara. Ang saklap ano, mga mare’t pare?
Pero bago tuluyang makaligtaan ang edukasyon ng ating special childs, iminumungkahi ko sa mga magulang ng mga batang nangangailangan ng special attention na mag-rally sa inyong kongresista. Dahil ang kongresista ay mayroong daan daang milyon hanggang bilyones na pondo. Ano ba namang bigyan niya (kongresista) ng share ang SPED sa kanyang distrito. Tutal may appropriation ang congressman/woman sa edukasyon. Ano ba namang isama niyang paglaanan dito ang SPED. Tama ba ako, mga mare’r pare?
***
Brutal na binabatikos ng netizens ang pagpanood ng pamilya ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. ng F1 Grand Prix sa Singapore kamakailan.
Ginamit pa kasi nina PBBM ang chopper ng Philippine Air Force sa pag-enjoy sa Singapore. That’s people’s money. Mismo!
Post ni Labor leader Atty. Luke Espiritu: “Ang mga pampublikong opisyal at kawani, kasama ang kanilanh mga pamilya, ay dapat mamuhay ng simple alinsunod sa kanilang posisyon at sahod. Hindi sila dapat magpakaasa sa magarbong luho sa anumang anyo nito. Seksyon 4 (H) Republic Act 6713.
Ayan tinagalog ko na para malaman ng lahat bakit maling mali ang junket ni President Marcos, Congressman Sandro Marcos at Speaker Romualdez sa Singapore Grand Prix”
Tumpak rito si Atty. Espiritu, natalong kandidato sa pagka-Senador sa nakaraang halalan.
Ang naging paliwanag naman dito ng nagbitiw na Press Secretary na si Trixie Cruz-Angeles, hindi lang naman basta nanood ng Grand Frix F1 si PBBM sa Singapore kundi nakipag-usap din sa mga opisyal ng iba’t ibang bansa na inimbitahan ng lider ng Singapore.
Sa ganang akin, okey lang ang paminsan-minsang pag-enjoy ng Pangulo tulad ng panonood ng Grand Prix na hilig niyang sports. Pero dapat silang pamilya lang, hindi kasama ang kung sino-sino. Dahil hindi malayong isipin ng taumbayan na taxpayers money ang kanilang ginamit sa unofficial na pagpunta sa Singapore, kungsaan makikita sa mga pinost na larawan na enjoy na enjoy si Cong. Sandro Marcos na tumatagay kasama ang kanyang dyowa, pati ang kanyang uncle na si House Speaker Romualdez.
Take note: Tatlong buwan palang ngayon nakabalik sa Malakanyang ang Marcos, baka mamaya niyan mag-alburuto na naman ang taumbayan tulad ng nangyari sa kanila noong 1986.
Mas mahigpit pa naman ang makakalaban ng Marcos sa 2028. You know!!!
The post Kung zero budget ang SPED sa 2023, nasa inyong kongresista ang pera appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: