MAAGANG nakalimot si Boy Pektus sa binitiwang pangako sa 31M manghahalal na nagluklok dito sa puno ng Balite sa Malacanan. Hindi pa man umaabot sa isang daang araw ng panunungkulan, heto na ang ugaling kinagisnan bago mapatalsik ng EDSA People Power, ang hayahay na buhay. Hindi maiwan ang nakaraan sa harap ng matinding pinagdaraanan ng mga kababayan na dumaranas ng hirap. Hirap na ‘di gawa ng kalikasan sa halip ng mga tao sa pamahalaan. Hirap na minsang nalimutan ngunit bangungot na bumalik dahil sa kawalan ng lideratong may alam at puro yabang. Hirap na ‘di mailarawan sa dami ng nagsakripisyong buhay laban sa lahat ng kalaban. At pilit na binabato ang kamalian sa nagbangon ng kabuhayan ng mamamayan.
Sa pagdaka, isang nagbabalik lahi ang nasumpungan ng bayan na maglingkod sa husay ng pagdala ng trolls noong nakaraang halalan. Maganda ang mga binitiwang pangako ngunit ng makaupo sa pwestong asam tila may sakit na limot at manhid na walang pakialam sa kalagayan ng bayan. Sa aga ng pagtimon sa pamahalaan, tanaw ni Mang Juan na paurong ang takbo ng bayan sa halip na pasulong. Halimbawa ang usapin ng pondong bayan, ang mga tanggapan ng mga nagpanalo sa halalan eh makukuba ang bayan sa laki ng inilaan at may intelligence funding pa hindi alam kung paano gagamutin. Dahil hindi likas sa kagawaran ang paggagamitan ng pondong ilalaan, hahayaan na lang ang mga kapanalig sa kongreso ang siyang nagpapasya. Habang ang budget sa serbisyo kay Mang Juan, eh binawasan o tuwirang inalis sa ngalan ng pagtitipid. Kay Mang Juan at sa bayan ang pagtitipid ay kailangan upang matustusan ang party at maraming kaganapan sa tulad nilang mahilig sa kasiyahan.
Maraming kaganapan ang pinuntahan ng masipag na lingkod bayan. Nariyan na nagtungo ito sa labas ng bansa upang ibandera ang bagong lipunan. Lipunan na tatawaging ang bagong Rising Tiger Economy ng Asya. Maganda ang pasakalye ngunit tila mauuwi sa kalye dahil ang nabili’y ticket para sa grandprix. Karera ng kotse na gamit ng maluhong tao sa lipunan ng mundo. Dahil ito ang kinalakihan ni Boy Pektus, tila hinahanap ng katawan. At pinag OJT ang anak na mahal upang patikimin, ipinakita at pinadama ang hayahay na buhay dulot ng mamamayang balot sa kahirapan, para saan pa na nasa kapangyarihan. Ang masakit tila hindi nababawasan ang yaman at may utang na loob pa ang bayan dahil sa serbisyong tangan.
Sa pagtakbo ng mga araw, pumunta ang UNGAS este sa UNGA si Boy Pektus upang magtalumpati sa mga naiwan sa loob ng plenaryo. Ang siste, tila nakalimutan na nasa coffee break ang 95% delegado. Habang ang natirang 3% eh ang kasama ng nagtatalumpati. May nakatulog sa ganda ng talumpati ni BP. Ngunit hindi ito ang balita, mas napatuon ang usapin sa pagkikita ni Boy Pektus at ang pangulo ng US of America na hindi ginanap sa oval office sa halip eh kung saan lang. Ipinakilala dito ang family enterprise mula sa anak, asawa maging ang pinsan . At ng matapos ang official na gawain, hindi nakayanang hindi mapanood ang concert ng kaibigan nating si Eric Clapton, Wonderful Tonight ang hayahay na buhay. Habang sina Mang Juan, Aling Marya, Mang Dave, Mackoy at Ba Ipe lalo at ang 31M nabola eh hilahod ang kabuhayan? Makabawi pa ba sila o magpapatuloy ang pagsadsad ng kabuhayan?
Ang madalas na pagkawala ni Boy Pektus sa bansa lalo sa oras ng pangangailangan ay indikasyon na manhid ito sa kalagayan ng bayan. O Sadyang dedma dahil nakuha na ang nais. Boy Pektus matiisin ang Pinoy subalit hindi ito malilimutin. Mahalaga sa bayan ang presensiya ng lider lalo na sa oras ng pangangailangan, huwag itong alisin sa iyong pandama. Mahalaga sa bayan ang pagpapakita ng malasakit lalo sa oras ng kawalan. At ito inaasahan o hinahanap sa amang pinagkatiwala ng kanilang kinabukasan. Saan sila tutungo, saan sila lalapit kung ‘di ka masumpungan?
Sa maraming pagkakataon, nakita ng bayan na marami ang oras mo sa kasiyahan lalo sa mga piging sa mga malalapit sa buhay. Basa nila ang iyong kahinaan, tulad ng masasayang salu-salo, kantahan, indakan at ito’y pinatutunayan ng pagbibigay oras sa halip na magtungo sa mga lugar na sinalanta ng kalamidad. Hindi makita ng bayan ang gawi ng isang lingkod bayan na una ang serbisyo at ‘di ang bisyo. Hindi nakikita ng mga umaasa sa iyo ang pagbabagong inaasahan ng ika’y iluklok sa panguluhan. Sa halip kinalimutan ang pangako sa kanila at inuuna ang kasarapang panandalian. Naroon ka at nanonood ng mga magagarang kotse. Naroon at nakikinig sa mahusay banda’t mang-aawit at ‘di marinig ang tangis ng inang bayan. O sadyang manhid sa kalagayan ng nagdurusang bayan.
Sa maraming araw ng pagkawala sa bayan, hayan Boy Pektus, sinalubong ka ng isang kahindik-hindik na kaganapan. Ang pagpatay sa isang mamahayag na tumatayo sa katotohanan. Ang salubong na hindi inaasahan ng nakararami dahil sa aga ng pag-upo sa puno ng Balite sa Malacanan. Hindi hinahanapan ng kamalian ngunit ang mailabas ang katotohanan sa malagim na kaganapan ang inaasahan ng taong bayan na gagawin sa susunod na mga araw. Gamitin ang salaping hiningi sa bayan lalo ang intelligence fund upang mabigyan ng hustisya ang mamamahayag na nagtataguyod ng katotohanan. At hindi makatuwiran na tumagal ang imbestigasyon upang malaman ang salarin maging ang utak sa karumal dumal na krimen.
Ang mahusay na paghawak sa sitwasyong ito na walang kinikilingan ang inaasahan ng bayan sa lideratong tangan. Masaktan ang masaktan kung sino ang may kasalan ang mailabas ang totoo ang siyang inaasahan at ito ang magpapatibay sa hawak na kapangyarihan. Huwag ilayo ang sarili sa kaganapang ito dahil kinabukasan ng demokrasya ang nakataya dito. Marahil natuto na kayo sa nakaraan na malupit ang kasaysayan sa mga taong may pagkiling sa kamalian. Iwasan na magbalik sa nakaraan lalo’t naghahanda ang iyong anak na kinatawan sa panahon ng kanyang kahinugan. Malalim ang kaganapan sa pagpatay Kay Percy Lapid, ngunit nasa kamay mo Boy Pektus ang tamang kapangyarihan upang mapalitaw ang katotohanan at panagutin ang may sala.
Magandang pagkakataon ito Boy Pektus, ang maipakita hindi manhid sa nangyayari at walang kinikilingan ang batas lalo ang sa mahihirap. Ang kapos palad na kabuhayan na may kalakip na karahasan ang tunay na busal sa kalayaan. Ibigay sa bayan ang tulad ng iyong ibig, pagkakaisa ng sambayanan na nakabase sa katotohanan at serbisyong bayan. Tiyakin na makakamit ang hustisyang mailap maging ng kababayan na limot ng lipunan. Huwag hayaang matakpan ang katotohanan sa naganap na karahasan. Huwag ipagkait ang hustisya kay Percy Lapid, sa halip hanapin ang salarin at panagutin. Ang tunay na hustisya para kay Percy Lapid ang tunay na serbisyong bayan ang inaasahan. Hindi ibababa ang pagbabantay hangang maiahon ang bayan sa kahirapan, mabigyan ng hustisya ang pagpaslang sa lahat ng biktima ng karahasan.
Maraming Salamat po!!!
The post MANHID SI BOY PEKTUS appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: