SA SIRKULO ng media, madalas ay naitatanong: ano ba ang ibig sabihin ng peke o hao shiao na media?
Ano raw ba ang legitimate media, at ano ang pagkakaiba nila sa mga hao shiao o huwad na mamamahayag.
Medyo mahirap itong ipaliwanag kasi, may mga legitimate media rin na ginagawa ang ginagawa o raket ng mga hao shiao media.
Una, ang hao shiao ay peke o huwad, na ang ibig sabihin, wala siyang establisadong media outlet na tulad ng isang pahayagan, radio o TV network.
Pero paano kung may pahayagan ang isang hao shiao na media – na marami ang ganito ngayon?
Ang intensiyon ang ating tingnan: bakit ba siya nagtayo ng pahayagan, at sino-sino ba ang nasa likod ng pahayagan niya na nagluluwal ng libo-libong piso kada linggo.
Noon pa ay lantad na ang ilang pahayagan na ang publisher – ang tunay na publisher at financier – ay kilalang bigtime o may ilegal na transaksiyon sa ilang ahensya ng gobyerno tulad ng sa Bureau of Customs (BoC).
Ginagamit ang pahayagan na “panakot” at “pang-impluwensiya” para magkaroon ng special treatment ang transaksiyon ng kanilang financier para mailabas nang walang gaanong rekisitos o problema ang kanilang legal at ilegal na transaksiyon.
Ilan lang ito sa mga “senyales” sa mga hao shiao o pekeng mamamahayag, bukod sa katotohanan na sila ay hindi talaga marunong magsulat.
Kilala rin naman sa Customs kung sino-sino ang “mga tunay at mga hindi tunay” na mamamahayag o legit media persons.
Nitong mga nakaraang araw, may nagbulong sa inyong lingkod, umano nagkakabiruan ang ilang mamamahayag, kasi mabait, approachable at may bayag/tapang daw itong si BoC Commissioner Yogi Filemon Ruiz.
Crusader ang mama at talagang desidido na mabawasan at kung magagawa ay mabura ang talamak na smuggling activities sa BoC na ilang dekada nang matatag ang pundasyon sa kanilang ilegal na gawain.
Sabi pa ng mga nagkakabiruang mamamahayag ay down-to-earth at walang yabang sa katawan itong si Ruiz — di raw tulad nung mga naunang tatlong komisyoner sa Customs na nagpanggap na mga crusader at pupuksain ang mga katiwalian sa Aduana pero di naman pala, fake ang kanilang katauhan, nada!
Kaya nga, nasa tamang landas ang ginagawa ni Comm. Yogi na hikayatin ang lahat, kasama ang media, at ang mga kapwa niya sa gobyerno na huwag gumamit ng poder at impluwensiya para maging matagumpay ang paglaban ng BoC sa corruption at para sa truth and justice.
Kaisa niya tayo sa makabayang adhikaing ito.
***
Marami ang mga nagpapanggap na mabait at kakampi ni Ruiz pero hindi pala dahil may ginagawang kabalbalan.
Paalala Comm. Ruiz: marami po ngayon ang dikit sa inyo na may kani-kaniyang agenda para sa kani-kanilang ineterest ang ngayon ay naka-penetrate na dyan sa inyong opis.
Ayaw po nating kayo ay mabigo sa inyong layunin na pagandahin ang imahen ng BoC kaya kung ako sa inyo ay dapat maging extra careful po kayo sa pagtitiwala sa mga taong inyong inuutusan na imbes na gumawa ng kabutihan ay baka sila pa ang gagawa ng mga diskarte na magbibigay ng kasiraan sa iyong nagniningning na rekord bilang Customs chief.
***
Kamakailan sa pagkakaalam ng inyong lingkod ay may warning na sina Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. at Comm. Ruiz laban sa mga namedroppers at sa mga padrino, pero tila wala silang takot.
Pakisampolan na nga po ang mga tao na gumagamit sa pangalan umano ni PBBM at Atty. Liza Araneta Marcos para makapagpalabas ng mga kargamentong hindi binayaran ng tamang buwis.
Aba, DepCom for Intelligence retired Gen. Raniel Ramiro, ang marching order ng ating Pangulo at ni Comm. Ruiz ay maliwanag.
Habulin at usigin at kasuhan ang mga buweset na taong ito na gumagamit ng pangalan ng Pangulo at ng First Lady.
At once and for all, arestuhin at kasuhan ang mga gumagamit ng kanilang pangalan at humihingi ng special treatment para makapagpalusot ng mga ilegal nilang gawain sa BoC.
DepCom Ramiro, sa dami ng mga asset mo, tiyak na makikilala mo ang mga namedropper na ito.
Kumilos na po kayo, Sir Ramiro at baka mag-isip ng hindi maganda ang publiko, ngayon na!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.
The post NAMEDROPPERS AT MGA PADRINO SA BOC, ARESTUHIN! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: