Facebook

SPECIALTY HOSPITAL SA BAWAT NAYON, ISINULONG NI BONG GO

NANAWAGAN si Senate committee on health and demography chair, Senator Christopher “Bong” Go sa pamahalaan at mga kinauukulan na dalhin ang dekalidad na serbisyong pangkalusugan sa mas maraming komunidad sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga specialty hospital sa mga kanayunan.

Ipinunto ng senador na maraming Pilipinong may problema sa kalusugan, lalo na ang nasa malalayong lugar, na nahihirapang makatanggap ng agaran at sapat na medikal na atensyon dahil kinakailangan pang bumiyahe sa mga urbanisadong lungsod upang makapagpasuri sa kasalukuyang specialty hospital.

“Saksi ako sa nakakalungkot na sitwasyon ng ating mga kababayang may karamdaman sa tuwing nag-iikot ako sa iba’t ibang parte ng ating bansa para mag-share ng tulong sa kanila. Sa aking ginagawang pagbisita, hinihikayat ko ang mga maysakit na huwag mag-atubiling lumapit sa mga lingkod bayan upang matulungan sila at madala sa mga ospital sa Metro Manila,” pahayag ni Go.

“Batid ko na ang ugat ng problema ay ang kawalan natin ng specialty hospitals, gaya ng Philippine Heart Center, Lung Center of the Philippines, Philippine Children’s Medical Center, at National Kidney and Transplant Institute, sa iba’t ibang panig ng bansa,” aniya pa.

Sinabi ng senador na ang mga ospital na ito ay ilan sa pinakamalalaking ospital sa bansa ngunit sa kabila nito, napakalayo ng kanilang mga serbisyo sa karaniwang Pilipino lalo na sa mga taga-probinsya.

Ayon sa Department of Health, ang isang espesyal na ospital ay pasilidad na nakatutok sa partikular na sakit o kondisyon o sa isang uri ng pasyente. Ang isang espesyal na ospital ay nakatuon upang gamutin ang partikular na uri ng sakit na nangangailangan ng mahabang gamutan o mga sakit ng isang partikular na organ.

Kaya naman idiniin ng senador ang kanyang pagsuporta sa panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na magtatag ng mas maraming specialty hospitals o centers sa labas ng Metro Manila. Idinagdag niya na ang paglikha ng mga pasilidad na ito sa kalusugan ay isa sa pinakamainam na solusyon upang matugunan ang mga kakulangan sa pangkalusugan sa buong bansa.

“Sang-ayon at suportado ko po ang Pangulo sa hangarin niyang ito. Alam na natin ang pangangailangan. Ngunit kailangan din nating pag-aralan kung ano nga ba ang pinakamabilis at pinakaepektibong paraan para madala ang mga serbisyo ng mga specialty hospital na ito sa ating mga kababayan,” ani Go.

Sinabi niya na specialty hospital o specialty center man, sa pagkakaroon ng dagdag na access ng ating mga kababayan sa mga serbisyo ng mga espesyalista ay hindi na mahihirapan ang mga Pilipino kahit nasaan man silang sulok ng bansa dahil mas mapapalapit sa kanila ang mga ito.

Hindi na aniya kailangang lumuwas pa ng Maynila para lamang magpagamot sa puso, baga, o bato dahil maibababa na ang serbisyo ng gobyerno sa tao.

Hinimok ng senador ang gobyerno na ipagpatuloy ang pagbibigay ng malawak na suporta sa sistema ng healthcare sa bansa sa pagsasabing mahalagang mamuhunan sa dekalidad na serbisyong pangkalusugan.

“Kung walang tulong mula sa gobyerno, lalo na kung pahirapan ang pagkuha nito, apektado ang buong pamilya. Nahihinto ang pag-aaral ng mga bata. Naisasangla o naibebenta ang mga ari-arian, gaya ng bahay, sasakyan, lupang sakahan, at iba pa,” ayon sa mambabatas.

Para sa kanyang bahagi, patuloy ding isinusulong ni Go ang pagtatatag ng mas maraming Super Health Centers at Malasakit Centers sa buong bansa, na itinatampok kung paano nakatulong ang mga sentrong ito sa milyun-milyong mahihirap na Pilipino.

Ang Malasakit Centers ay mga one-stop shop kung saan ang mga pasyente ay madaling maka-avail ng mga medical assistance program na iniaalok ng gobyerno. Si Go ang principal author at sponsor ng Malasakit Centers Act. Mayroon na ngayong 152 naturang center sa buong bansa.

Samantala, ang Super Health Centers ay mga medium na bersyon ng polyclinics at mas malaki kaysa sa rural health units, na nag-aalok ng mga pangunahing serbisyo tulad ng out-patient, birthing, isolation, diagnostic (laboratory: x-ray, ultrasound), pharmacy, at ambulatory surgical unit, bukod sa iba pa.

The post SPECIALTY HOSPITAL SA BAWAT NAYON, ISINULONG NI BONG GO appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
SPECIALTY HOSPITAL SA BAWAT NAYON, ISINULONG NI BONG GO SPECIALTY HOSPITAL SA BAWAT NAYON, ISINULONG NI BONG GO Reviewed by misfitgympal on Oktubre 15, 2022 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.