SA bayan ng Sta. Cruz at Candelaria sa lalawigan ng Zambales ay galit na galit ang mga residente dahil sa walang patumanggang paninira ng isang kompanya ng pagmimina sa kanilang likas na kapaligiran.
Kasama ang ilang grupo ng environmentalist, kinokondena nila ang Yinglong Steel Corporation, isang Chinese mining firm na bigla na lamang daw sumulpot sa kanilang lugar para magsagawa ng iligal na pagmimina.
Matagal ang ginagawang pagbubungkal ng naturang mining firm sa kanilang bulubunduking lugar sa mga bayan ng Sta. Cruz at Candelaria, Zambales pero ang pinagtataka nila”y hindi kumikikos ang kanilang gobernador, mayor at iba pang halal ng bayan.
Pero nitong mga nakaraang araw ay nadinig ng Department of Environment and Natural Resources ( DENR ) ang kanilang idinadaing na pansasalaula ng kompanyang Yinglong Steel Corporation sa kanilang kapaligiran na ayon sa kanila ay nagdulot na ng malaking problema at pahirap sa kanilang pamumuhay.
Sa pamamagitan ng “Cease and Desist Order” na inisyu ni Environmental Management Bureau (EMB) Chief, Engr. William Cuñado ay ipinag-uutos ng DENR sa Yinglong Steel Corporation management na huminto sa kanilang mining operations sa lugar.
Bago ang issuance ng order ay nagsagawa pala ng imbestigasyon ang DENR at napag- alaman na umabot na sa 88 ektaryang lupain ang nahukay at nasira ng nasabing kompanya ng pagmimina para makakuha ng mineral na nickel na dinadala at ibenebenta nila sa China.
At ang masaklap dito, ito palang Yinglong Steel Corporation ay nag-ooperate, nagmimina sa mining site na walang Environmental Compliance Certificate (ECC) at iba pang kaukulang permit na dapat makuha sa DENR bago simulan ang kanilang pagmimina.
Ang ECC ay rekisitos para masiguro na maayos na susundin ng isang kompanya o mining firm ang mga alituntunin o batas na itinatakda ng pamahalaan dahil sa bawat maling kilos nila’y may kaakibat na penalty o parusa sa mga lumalabag nito.
Sa inisyal na findings ng DENR, maliwanag pa sa sikat ng araw sa tanghaling tapat ang pambabastos, pananalaula at paglabag ng Chinese firm na ito sa mga umiiral na Mining Act, ang batas na sumasaklaw sa pagmimina sa Pilipinas.
Kaya dapat ay hindi lamang mahinto sa mining operation ang Yinglong Steel Corporation kundi kasuhan at managot ang operator, mga opisyales at tauhan nito sa ating batas.
Mantakin na lang natin mahigit 88 ektaryang bulubunduking lupa ang nagkawindang-windang dahil sa walang habas na pinaghuhukay at paniniranira diyan sa Sta Cruz at Candelaria, Zambales?
Nakatitiyak na pinagkakitaan at nagbigay ng di matatawarang ginhawa sa may- ari ng Yinglong Steel Corporation at protektor ng mga ito na kumita ng milyones mula sa Chinese buyer nila ng namiminang nickel ngunit nagdala ng takot at pangambang magdudulot naman ito ng trahedya at kahirapan sa mga taga- Zambales.
Ang trahedyang dulot ng di mahinto-hintong illegal mining ay taun- taon na nararanasan ng bansa dahil sa tuwing may bagyo ay may kaakibat na land slide at baha na ang resulta’y pagkasira ng mga ari-arian, kabuhayan at ang masaklap marami ang nagbubuwis ng buhay.
Noong nakaraang buwan lamang, ang pinakahuling naging biktima ng landslide at baha na nagdala ng trahedya at dalamhati sa mga Bulakeños ay ang walang patumanggang illigal mining operation sa mga bahagi ng Siera Madre mountain.
Limang rescue volunteer at ilan pang Bulakeño ang namatay at daang milyong halaga ng ari-arian at pangkabuhayan ang nasalanta sa kasagsagan ng baha na ang isinisising dahilan ay ang mga kalbong kagubatan na nakapaligid sa lalawigan.
Kung ‘di masasawata ang iligal na pagmimina ng Yinglong Steel Corporation, nakini-kinita natin na nanganganib ang buong lalawigan ng Zambales at maaring mangyari ang malungkot na naging karanasan ng mga Bulakeños na marami ang namatay, libo ang pamilyang nawalan ng tahanan, bukod pa sa daang milyones na nasirang ari-arian at pangkabuhayan.
Bago ang ibang problema, siguro’y ang problema sa kalikasan ang dapat na maging prayoridad na bigyang pansin ng kasalukuyang administrasyon pagkat, di lang ari-arian kundi buhay ang isinusugal ng mga Pinoy tuwing dumarating ang trahedya na puno’t dulo ay ang irresponsible mining na sa napakatagal nang panahon ay hindi masulosyunan ng pamahalaan.
Sa kanyang paglalagom sa first 100 days nitong panunungkulan, ang problema sa kalikasan ay nabanggit ni Pangulog Bongbong Marcos bilang isang suliranin na kailangang pagtuunan ng pansin ng kanyang administrasyon.
Kaya ipinag- utos niya kay DENR Sec. Maria Antonia Yulo-Loyzaga na imbestigahan ang mga kompanyang iligal na nagmimina, kasama ang Yinglong Steel Corporatiom dahil ayon sa palasyo umabot na sa kanilang kaalaman ang ginagawang pambabastos at pambabalahura ng maraming mining firm sa mga batas na may kinalaman sa kalikasan. Magsisilbing bantay naman ang SIKRETA sa ginagawang kabulastugan ng Yinglong Steel Corporation.
Teka nga pala, bakit Yinglong Steel Corporation lamang ang sinisilip ng DENR, bakit di rin ng mga ito tutukan ang mga kompanya at indibidwal na nagmimina, naghuhukay at nagko-quarry sa bayan ng Taysan, Batangas at iba pang mga bahagi ng CALABARZON area? Mga anak ba ng Diyos ang mga operator ng minahan at quarry doon kaya di mahipo ng DENR?
Maraming tukoy na legal kuno at maging illegal mining sites ang ating mga KASIKRETA, ngunit karamihan sa mga sangkot ay maiimpluwensyang tao sa CALABARZON Region. ABANGAN…
***
Para sa komento: CP # 09293453199 at 09664066144; sikretangpinas@gmail.com.
The post “YINGLONG ILLEGAL MINING” IDINADAING NG ZAMBALEÑOS! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: