Inilunsad ang isang ‘Family Day Celebration’ ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan, sa pamamagitan ng City Social Welfare Development Department (CSWDD), para sa mga nasagip na batang lansangan at natukoy na mga batang salungat sa batas, sa Amparo Nature Park noong Huwebes, Oktubre 13 .
Ayon sa Alkalde, layunin ng aktibidad na ito na mabigyan ng libangan ang mga bata at kanilang pamilya at gabayan sila dahil sila ang pangunahing yunit ng mas matatag na lipunan.
“Nais natin na maiparamdam sa ating mga kabataan ang kahalagahan ng pamilya, lalo’t ito ang pundasyon ng isang matatag na komunidad. Sa simpleng araw na inilaan natin sa kanila, sana’y nag-enjoy sila sa pakikisalamuha sa kanilang mga kapwa-bata,” wika ni Mayor Along.
Ayon kay CSWDD Officer-in-charge Roberto Quizon, may kabuuang 70 bata na nasagip sa reach out operations ng departamento, kasalukuyang naninirahan ang ilan sa drop-in center o operated shelters ng lungsod, lumahok sa libangan, kumain ng miryenda at nakibahagi sa swimming activities.
“Kabuuang 70 na kabataan po ang nakilahok sa ating programa. Libre po ang snacks, mayroon din tayong palaro at ang iba po’y nagswimming pa. Sila po’y galing sa ating mga drop-in center at mga shelter sa Tahanang Magpala at Social Development Center sa Brgy 171,” wika ni G. Quizon.
Nakatakda rin magsagawa ang nasabing departamento ng isa pang ‘Family Day Celebration’ sa South Caloocan para sa mga batang lansangan at kanilang mga pamilya, gayundin sa mga nakatira sa Bahay Pag-asa, sa Huwebes, Oktubre 20 sa Buena Park, Barangay 80.
The post Family day celebration inilunsad ng Caloocan LGU para sa street children appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: