Facebook

Panalo ang commuters, motorcycle taxi drivers sa Grab-MoveIt deal – consumer group

Pinuri ng isang consumer group ang pakikipagtambalan ng Grab Philippines sa motorcycle taxi firm na MoveIt dahil anito’y makatutulong ito upang lalong maibsan ang paghihirap sa pagbibiyahe ng mga Pinoy commuter, lalo na sa Metro Manila.

Ayon sa Bantay Konsyumer, Kalsada, Kuryente (BK3), ang investment deal sa pagitan ng Grab at MoveIt ay isang magandang balita rin para sa mga motorcycle taxi driver na nakadepende ang kita at kabuhayan sa iba’t ibang ride-hailing apps.

Ang motorcycle taxis ay nasa proseso na ng pagsasalegal bilang isang anyo ng public transportation at ang operasyon ng mga ito sa kasalukuyan ay isang pilot study pa lamang.

Sinabi ng BK3 na ang nasabing deal ay magreresulta sa pagkakaroon ng karagdagang 6,000 partner-riders mula sa humigit-kumulang na 1,000 MoveIt riders sa ngayon.

“Malaki ang tulong nito sa gitna ng araw-araw na kalbaryong dinadaanan ng ordinaryong Pilipino. Bukod sa hirap at pagod sa trabaho, kailangan pa nilang maglaan ng ilang oras, pumila nang mahaba, makipagsiksikan at makipag-agawan, at tumayo nang matagal sa paghihintay ng masasakyan,” ani BK3 convenor Prof. Louie C. Montemar.

“Dagdag-hirap lalo na kapag rush hour na. Malaking tulong ang dagdag bilang ng mga motorcycle taxis ng MoveIt para gumaan kahit paano ang paghihirap ng mga mananakay at maiangat ang kalidad ng kanilang araw-araw na pamumuhay,” dagdag niya.

Sinabi ni Montemar na siguradong makatutulong ang mga karagdagang MoveIt riders sa pampublikong transportasyon sa National Capital Region na problematiko na bago pa magkapandemya.

“Bago pa man tayo nahagupit ng pandemya, may malaking suliranin na ang pampublikong transportasyon. Ngayon, sa muling pagbubukas ng ekonomiya mula sa malawakan at pangmatagalang lockdown, at sa muling pagbabalik ng mga mag-aaral sa kanilang mga paaralan para sa face-to-face classes, isa na namang malaking hamon ang hinaharap ng masang Pilipino,” pagbibigay-diin ni Montemar.

“Ngayong bumabalik na tayo sa ‘normal,’ pagkakataon na ba ito upang maisaayos ang estado ng ating pampublikong transportasyon?” tanong niya.

Pagpapatuloy niya: “Hanggang ngayon, sa kabila ng paglobong muli ng bilang ng mga regular na namamasahe patungo sa kani-kanilang mga destinasyon, kulang na kulang pa rin ang mga pampublikong sasakyan sa kalsada.”

Para sa convenor ng BK3, ang Grab-MoveIt investment deal ay isang pagmamalas ng “tunay na malasakit sa ating mga kababayan na araw-araw na sumasakay sa mga pampublikong transportasyon.”

The post Panalo ang commuters, motorcycle taxi drivers sa Grab-MoveIt deal – consumer group appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Panalo ang commuters, motorcycle taxi drivers sa Grab-MoveIt deal – consumer group Panalo ang commuters, motorcycle taxi drivers sa Grab-MoveIt deal – consumer group Reviewed by misfitgympal on Oktubre 08, 2022 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.