Facebook

SANDRO MARCOS ‘BINUBULAG’ NG ASOSASYON NG PERGALAN!

ANYARE sa Pamahalaang Bongbong Marcos? Ito ang tanong na tiyak na hindi masasagot ni PBBM dahil tila wala siyang kaalam-alam sa mga nangyayaring kabulastugan sa kanyang gobyerno na ang mismong may kagagawan – kung umasta’y mga adviser daw niya ang mga ito.

Sa totoo lang, kailangang kumilos si Apo Bongbong para sa lalong madaling panahon ay maputol na ang sungay ng group of adviser kuno na ito para hindi na lumaki pa ang sunog at mailayo ang Pangulo sa malaking kahihiyan sa publiko at sa mata ng daigdig.

Itong grupo daw na ito ang nasa likod ng mga pekeng presidential appointees na nagdulot ng kahihiyan, kaya nagbitiw sa puwesto si Executive Secretary Vic Rodriguez. Pumalit sa kanya si dating Supreme Court Chief Justice Lucas Bersamin.

Napahamak ang pangulo dahil sa kalokohan ng grupong ito (advisers kuno) at kung ‘di mabubuwag at mawalan ng pangil ang mga ito ay at tiyak na ang susunod na mapapahiya sa taumbayan ay si Rep. Sandro Marcos.

Ayon sa source ng SIKRETA, ang mga adviser group din na ito ang nangako sa pekeng asosasyon ng magpi-perya na lider ay isang alias Eve at Bobo Life at nag-operate ng perya-sugalan (PERGALAN) sa Brgy. Inosloban, Lipa City na sila’y mabibigyan ng Permit to- Operate sa pamamagitan ng tulong ng batang Marcos.

Sangkaterbang color games, beto-beto, cara y cruz, skylab, kalaskas,at iba pang labag sa batas na card at table games ang pinagkakaguluhan sa halos magdamag ng mga magsusugal na karamihan pa naman ay menor de edad.

Walang aksyon laban sa lantarang pasugalan doon si Lipa City Police Chief, Lt. Ariel Azurin, pamangkin ni PNP-PDG Rodolfo Azurin Jr., Batangas PNP Provincial Director P/Col. Pedro Soliba at City Mayor Eric Africa.

Matindi ang reklamo ng mga residente ng Lipa City pagkat di naman kalayuan sa city proper at police station ang mga pasugalan na tambayan din ng mga drug addict lalo na sa dakong gabi.

Nakapaglatag din ng mga pasugalan ang salot na mag-asawa sa tabi lamang ng Lobo Municipal Police Office sa bayan ng Lobo sa nasabi ring probinsya.

Paghamak ito at sampal na maituturing sa pagkatao nina PDG Azurin Jr. at PNP Region 4A Director PBG Jose Melencio Nartatez Jr. at Mayor Africa.

Anak ng baka, anong klaseng mga adviser ito, inilalagay nila sa alanganin si Cong. Marcos. Hindi puwedeng magkaroon ng permiso to operate ang mga perya dahil kung alam lang ng batang mambabatas, ang perya na sinasabi nila, sa kalaunan ay magiging pergalan (perya at sugalan) na.

No way, di sila makakalusot kay Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile. Di kayang paikutan ng mga Malacañang adviser kuno si Manong Johnny na wasto ang magiging payo sa walang batik na kongresista.

Para sa kaalaman ng ating mga KASIKRETA, napakalaki na ng kinikita ng mga magpeperya,ngunit dahil namihasa na sa pagpapasugal at ang ilan ay nagtutulak pa ng droga kaya igigiit ng mga ito na ang iligal ay gawing ligal ni Congressman Marcos.

Kung sino man ang adviser at nag-aabo-abogadohan sa mga pesteng pergalan operator ay siguradong inililigaw ng mga ito ang paniniwala ng napakabata pang kinatawan- di bihasa sa katusuhan at di rin pumapatol sa kalokohan at labag sa batas na gawain.

Suhestiyon natin kay Pangulong Marcos, atasan din niya ang batikan at beteranong Legal Counsel Manong Johnny Enrile na matyagan at imbestigahan para mahubaran ng maskara ang mga nag-aanyong Malacañang adviser para mailigtas ang pangulo sa patuloy na kahihiyan.

Bulong ng aking Malacañang insider na may inpormasyon na din si ex-Senator Enrile tungkol sa nangyayaring kabalbalan sa sirkulo ng pangulo na kanyang nahagip sa isyu ng biglaang pag-resign ni ES Vic Rodriguez na ngayoy balitang sinibak na din bilang Chief of Staff ni PBBM?

May ulat pa na napasok na nga ng Malacañang based syndicate maging ang pagmamaneobra sa pagtatalaga ng mga top PNP officials na hahawak ng sensitibong posisyon mula Camp Crame pababa sa Regional at Provincial directorial level.

Kung may “appointment for sale” sa ranggo ng gabinite ay may “compliance directive” kuno sa mga nailuklok na police officials mula sa sindikato sa Malacañang na protektahan ang mga gambling lord at ilegalistang benindisyunan nila (Malacañang adviser kuno).

Ayon sa ating source, nag-ooperate na ang mga gambling operator at mga ilegalistang “anointed one o nabasbasan” ng ilang mga peke at mapagsamantalang Malacañang adviser.

Ito kaya ang unikong dahilan kung bakit di umaaksyon maging si PDG Azurin Jr. at ang mga key officers nito laban sa mga malalaking illegal vices at paihi operators sa Tanauan City, Lipa City, sa Batangas, buong CALABARZON area, Metro-Manila, Region 1, 2, 3, 4-B, 5, Visayas at Kamindanawan?

***

Para sa komento: CP # 09293453199 at 09664066144; sikretangpinas@gmail.com.

The post SANDRO MARCOS ‘BINUBULAG’ NG ASOSASYON NG PERGALAN! appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
SANDRO MARCOS ‘BINUBULAG’ NG ASOSASYON NG PERGALAN! SANDRO MARCOS ‘BINUBULAG’ NG ASOSASYON NG PERGALAN! Reviewed by misfitgympal on Oktubre 01, 2022 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.