Inilipat ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan, sa pangunguna ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan, ang 37 pamilya na nakatira sa Phase 8 sa Barangay 176.
Isang proyekto ang paglipat nila sa Tala Residences ng National Housing Authority (NHA) sa pakikipag-ugnayan sa Housing and Resettlement Office (HARO), na matatagpuan sa Barangay 188.
Layunin ni Mayor Along Malapitan na patuloy na maipatupad ang mga relocation at housing projects nito upang matulungan ang mga informal settlers sa lungsod, lalo na ang mga nakatira sa o malapit sa mga natukoy na disaster-prone areas.
“Sinisikap po natin na magtuloy-tuloy ang ating mga relocation projects. Ngayong taon po, simula July hanggang sa kasalukuyan, ay natulungan po natin ang 150 na pamilya na mailikas sa mas ligtas na tahanan,” wika ni Mayor Along.
“Prayoridad po nating mabigyan ng tahanan ang mga nakatira sa disaster-prone areas, tulad ng mga naninirahan malapit sa waterways, riles, at daanan ng mga sasakyan. Sinisiguro din po natin na ang inyong nililipatang bahay ay ligtas at matibay,” dagdag pa ni Mayor Malapitan.
Ayon kay HARO Officer-in-charge Engr. Maria Numenia Obina, tinitiyak ng lungsod na inililipat ang mga pamilya sa isang lugar kung saan madali silang magkaroon ng access sa mga pangunahing serbisyo.
“Binabati ko po kayong lahat dahil bukod sa pagsisiguro ng ating pamahalaang lungsod na kayo ay mailipat sa ligtas at matibay na tirahan, tiniyak din po natin na malapit na kayo sa ating ospital, paaralan, palengke, sakayan at mga tindahan, upang hindi napo kayo. lumayo at mahirapan, hinihiling po namin na kayo ay magiging masaya at komportable sa inyong bagong tahanan,” wika ni Engr. Obina.
Nanawagan din ang lokal na punong ehekutibo para sa kooperasyon ng mga inilipat na pamilya sa pagpapanatili ng kanilang mga bagong tahanan.
“Paalala lamang po natin sa ating mga kababayan na ingatan at pangalagaan niyo po ang inyong bagong tahanan, dahil para rin po ito sa inyo,” pahayag ni Mayor Malapitan.
“At s’yempre, congratulations at welcome po sa inyong bagong tahanan! Punuin niyo po ito ng pagmamahal at bumuo po kayo dito ng magagandang ala-ala kasama ang inyong pamilya,” dagdag pa ni Mayor Along.(BR)
The post 37 Pamilya sa Caloocan, inilipat sa bagong bahay sa Tala residences appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: