Facebook

ANG KALABAN AY DI KAAWAY, SIYA AY KALARO

SA larangan ng ‘sports’ o’ palakasan, ika nga, “bawal ang pikon.”

Di ko gaano nakahiligan maglaro ng basketball, pero gustong-gusto ko manood nito, ‘live’ man o sa telebisyon.

Pero kung mapapanood mo ay ang pag-uugaling ipinakita nitong si Jose Rizal University basketball player John Amores sa kanilang laro laban sa College of St. Benilde Blazers, ay talaga namang mauunsiyame ka.

Ang mga atleta sa kahit na anong larangan ng sports ay binibigyang ng kasanayan upang mahasa at gumaling sa kanilang paglalaro. Ito ay para na rin madisiplina ang sarili sa pakikipag-tunggali kapag isinalang na sa kumpetisyon.

Mayroon akong magandang paalala na nakita ko minsan nang magpasyal ako sa Laguna. Ang katagang ‘ ang kalaban ay di kaaway, siya ay kalaro,” ay nakasulat sa malalaking kulay pulang letra sa ibabaw ng entablado sa gilid ng basketball court. Pasaring at paalala sa lahat ng manlalaro na ang basketball ay “sports” lamang.

Kung di mo nga naman ilalagay ito sa iyong isipan, at kayabangan ang iyong ipapa-iral bukod sa panggugulang mo habang naglalaro, ay di ka matatawag na sports na manlalaro. Di ba nga sa boxing, na talagang nagkakasakitan, ay sport pa din ang dalawang naglalaban, manalo o matalo.

Ano ang napala ni Amores? Mismong kanyang unibersidad ay sinipa na siya at ginawaran ng sangkaterbang parusa mula sa National Collegiate Athletic Association (NCAA) na nagpapatakbo ng Liga, na ang tanging hangarin ay makahubog ng pambansang atleta sa larangan ng basketball.

Inihayag nga ng NCAA na rerebisahin din nila ang kanilang mga polisiya upang di na maulit muli ang nangyari sa laban ng JRU at Blazers, at maging ang ipinakitang pag-uugali ni Amores.

Maganda ang hangarin ng bawat paaralan, unibersidad man o kolehiyo, na maghubog ng mga talento sa larangan ng sports. Maging ang kagawaran natin palakasan ay ganito rin ang misyon. Ngunit kung minsan, ay talagang nagkakamali sila sa kanilang pagpili na magiging player, dahil di nila masukat ang kakayahan ng pag-iisip nito.

Mahalaga din ang mental health sa bawat manlalaro. Tingin ba ni Amores ay may matino siya talagang pag-iisip?

The post ANG KALABAN AY DI KAAWAY, SIYA AY KALARO appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
ANG KALABAN AY DI KAAWAY, SIYA AY KALARO ANG KALABAN AY DI KAAWAY, SIYA AY KALARO Reviewed by misfitgympal on Nobyembre 22, 2022 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.