Facebook

MANILA EXPRESS PAYMENTS SYSTEM WAGI SA KASO VS. BTI PAYMENTS PHILS., INC.

Hindi maitatanggi na parang mga kabuteng nagsusulputan ang mga namemeke ngayon ng iba’t ibang produkto.

Laganap iyan hindi lamang sa Pilipinas kundi’y maging sa buong mundo.

Aba’y obyus naman na sinasamantala nila ang pagkakataon para makakamal ng pera at makapanloko ng mga kababayan natin.

Kasabay nga raw ng pagbubukas muli ng ekonomiya, namamayagpag naman daw ang mga gahamang negosyante.

Namumutiktik din daw ang piracy at counterfeiting o pangongopya ng samu’t saring produkto o serbisyo.

Nariyan din ang katotohanan na pati ang mga legal na online platforms tulad nga ng social media, e-commerce, at iba pang market ay napasok na rin nila.

Haist, nakaka-high blood, ‘di po ba?

Nabunyag naman ang pangongopya raw ng BTI Payments Philippines, Inc. (BTI) sa modelo ng mga kiosk machines ng Manila Express Payments System (MEPS).

Siyempre, panalo nga raw sa kaso ang MEPS.

Katunayan, inatasan ng arbitral tribunal ang BTI na bayaran ng P13 milyon ang MEPS.

Ito’y bilang danyos sa ginawa nitong pangongopya raw ng patented utility model ng kompanya.

Iginawad ng Philippine Dispute Resolution Center Inc. (PDRCI) ang arbitral award noon pang Nobyembre 4, 2022.

Batay sa resolusyon na nakalap ng inyong lingkod, napatunayan daw ng arbitral court na talagang lumabag sa intellectual property law ang BTI sa pakikipagsabwatan ng Electronic Transfer & Advance Processing Inc. (E-TAP).

Ang desisyon sa kaso ay lumabas kasunod ng serye ng mga pagsalakay na ikinasa ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation-Intellectual Property Rights Division (NBI-IPRD) noong July 2020 at March 2021.

Sina Judge Reinalda Estacio-Montesa ng Regional Trial Court, Branch 46, Maynila, at Judge Elma Rafallo-Lingan ng RTC, Branch 159, Pasig ang naglabas ng search warrants laban sa BTI.

Sinasabing nakumpiska ng NBI sa mga pagsalakay na iyon ang ilang kiosk machines na nagtataglay daw ng pangalang “Pay & Go” na may kaparehong flow system at utility model ng TouchPay.

Pag-aari at pinatatakbo ng MEPS ang TouchPay.

Naku, malinaw daw na may paglabag ang BTI dahil nakarehistro pala ang utility model ng MEPS sa Intellectual Property Office (IPO).

Gawa naman daw ng E-TAP ang kinopyang “Pay&Go” kiosk machines at pina-deploy ng BTI.

Sumabit din sa kaso ang mga opisyal ng BTI na sina Peter Alexander Blacket, David Scott Glen, Danilo Ibarra, Neil Sison at Alina Sison dahil sila raw ang nagbigay ng ‘go signal’ para magamit at mai-deploy ang mga makina.

Samantala, malaya naman ang magkabilang partido na magbigay ng kanilang panig sa aming pahayagan o kolum hinggil sa naturang usapin.

Maraming salamat po at God bless!

***

Katuwang ang SM Foundation at iba pa, ang “Barangay 882” radio program ng inyong lingkod ay matutunghayan sa IZTV Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 FB page, at DWIZ ON-DEMAND sa Youtube tuwing araw ng Sabado sa ganap na alas-4:00 hanggang alas-5:00 ng hapon. Para naman sa inyong mga sumbong, reaksyon, suhestiyon, etc., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-DM sa aking Facebook account (Gilbert Laguna Perdez), Twitter, Instagram, at sa FB page na ‘Gilbert Perdez’. Paki-subscribe na rin ang aking Youtube channel at Tiktok page na ‘Gilbert Perdez’. Salamat at stay safe!

The post MANILA EXPRESS PAYMENTS SYSTEM WAGI SA KASO VS. BTI PAYMENTS PHILS., INC. appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
MANILA EXPRESS PAYMENTS SYSTEM WAGI SA KASO VS. BTI PAYMENTS PHILS., INC. MANILA EXPRESS PAYMENTS SYSTEM WAGI SA KASO VS. BTI PAYMENTS PHILS., INC. Reviewed by misfitgympal on Nobyembre 22, 2022 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.