Pagkatapos ng kanyang pagbisita sa lalawigan ng Bulacan, personal na nagtungo si Senator Christopher “Bong” Go sa Navotas City noong Miyerkules at namahagi ng tulong sa daan-daang pamilya na nasunugan kamakailan, kung saan lima katao ang namatay, sa Barangay Bagumbayan North at Navotas West.
Sa pagtugon sa pangangailangan ng 516 pamilya na naapektuhan ng sunog, tiniyak ni Go na patuloy niyang gagawin ang makakaya upang walang maiwan tungo sa pagbangon.
“Ako po’y naririto (ngayon at) ako po’y nakikiramay sa mga pamilya ng mga namatay. Alam n’yo po, iniikot ko po lahat halos ng mga nasunugan sa buong parte ng bansa. Umabot na po ako sa sunog sa Jolo, doon sa mga kapatid nating Badjao sa tabing-dagat. Umabot na ako sa lindol sa Batanes. Mula Batanes, Aparri hanggang Jolo, pinuntahan ko na po ‘yan dahil iyan po ang aking pangako sa inyo. Basta kaya po ng aking katawan at ng aking panahon, pupuntahan ko po kayo para makapagbigay ng kaunting tulong sa sa abot ng aking makakaya. Iyan po ang aking ipinangako sa inyo,” ayon kay Go.
“Kaya lang tuwing may nasusunugan, sumasakit po ang aking dibdib… Diyos lang po ang nakakaalam kung kailan talaga mawawala tayo sa mundong ito. Tanggapin po natin ang katotohanan na ang buhay po ay mayroong hangganan… magdasal po tayo at ipagdasal po natin ‘yung mga mahal natin sa buhay,” patuloy niya.
Tiniyak ni Go na mas magiging handa na ang Bureau of Fire Protection sa pagtugon sa mga insidenteng may kinalaman sa sunog kasunod ng pagpapatupad ng BFP Modernization Act na nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Setyembre ng nakaraang taon.
Ang Republic Act No. 11589 na pangunahing iniakda at itinataguyod ni Go sa Senado, ay ang 10 taong modernization program para sa BFP, kinabibilangan ng pagkuha ng mga bagong gamit sa pamatay-sunog, recruitment ng mas maraming bumbero, at pagbibigay ng special training at iba pa.
Sa pagbisita, nagbigay si Go ng grocery packs, bitamina, masks, pagkain, at kamiseta sa mga apektadong residente sa Centennial Park. Namigay rin si Go ng mga cellular phone, sapatos, bisikleta, at relo sa mga piling indibidwal.
Namahagi rin ang senador ng mga bola para sa basketball at volleyball sa mga kabataan at hinikayat niya ang mga ito na lumahok sa mga aktibidad sa palakasan sa halip na magbisyo.
Samantala, ang Department of Social Welfare and Development ay nagpaabot ng hiwalay na cash assistance sa bawat apektadong pamilya.
Pinayuhan niya ang mga residente na may mga alalahanin sa kalusugan na humingi ng serbisyo sa Malasakit Center na matatagpuan sa Navotas City Hospital.
“Lapitan n’yo lang po ang Malasakit Center sa inyong mga lugar… Ang hirap sa atin, takot sa babayaran. Huwag po kayong matakot sa babayaran, tutulungan po namin kayo sa inyong babayaran sa ospital,” alok ni Go.
Bilang chairman Senate committee on health, patuloy na pinalalakas ni Go ang healthcare system sa bansa.
Bukod sa Malasakit Center, itinataguyod din niya ang pagtatayo ng mga Super Health Center, partikular sa malalayo o liblib na lugar.
“Alam n’yo po, nawawala ang aking pagod kapag nakikita ko kayong nakangiti lalo na po ngayon na nasunugan pa kayo. Dasal lang tayo. Hinding-hindi po tayo pababayaan ng ating Panginoon. Importante po buhay tayo. Pangalagaan po natin ang buhay at kalusugan ng bawat isa,” ani Go.
The post Mga nasunugan sa Navotas City, inayudahan ni Bong Go appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: