DAHIL sa matinding hangarin ni National Irrigation Administration (NIA) administrator Benny Antiporda na malinis sa katiwalian ang kagawaran, nadale siya ng “sindikato” sa loob ng tanggapan.
Oo! Inireklamo si Antiporda ng mga “empleyado” ng NIA sa Ombudsman. Ang mga reklamo laban sa kanya kung iyong hihimayin ay walang kakuwenta-kuwenta at para sa kaayusan ng kagawaran.
Ito ang ilan sa mga reklamo:
– Pagbanta sa appointments ng mga empleyado na hindi ire-renew kapag hindi sumunod sa kanya (Antiporda).
– Pag-gamit sa flag raising ceremony bilang lugar ng pag-bully at pagpakalat ng mga maling impormasyon.
– Pagpahiya sa mga empleyado sa pamamagitan ng media.
– Pagsinungaling sa presidente na ang NIA ay gagawa ng mga irigasyon sa pamamagitan ng public-private partnership deals.
– Pagbabantang hindi ire-renew ang appointment ng General Services Division employees na naglagay at nag-repaire ng air-conditioning units sa kanyang bahay na hindi kaagad natapos.
– Pag-akusa at pagkaso sa dalawang abogado ng NIA ng korapsyon matapos matalo sa isang kaso noong kaagahan ng 2022.
Kung ating hihimayin, ang mga reklamong ito laban kay Antiporda ay para naman sa kaayusan ng NIA. Oo! Batid natin kung gaano katindi ang katiwalian sa kagawarang ito bago pa ang Marcos Jr. administration.
Bilang dating kasamahan ng matagal na panahon ni Antiporda sa media, kilalang kilala ko ang mamang ito.
Si Antiporda, dating publisher ng Remate newspaper, ay hindi basta nagtatanggal ng empleyado ng walang grabeng dahilan. Pero napakadale niya magpatawad kapag nagpaliwanag ng maayos ang trabahador. Napakamaawain nito. Yes!
Bilang isang “boss”, karapatan ni Antporda magsermon sa mga empleyado kahit sa flag raising ceremony. Ginagawa rin ito ng mga mayor. Remember late Manila Mayor Alfredo Lim? Malupet yun manermon kada flag raising. Saksi ako dun!
At mahirap yatang magsinungaling sa Presidente tungkol sa programa mo sa kagawaran. Dahil bago mangyari ang nakapalaking proyekto ng isang tanggapan, dadaan ito sa paghihimay ng Executive Secretary.
At tama lang din na kasuhan ni Antiporda ang mga opisyal ng NIA na nakitaan niya ng kapalpakan! Dahil daang milyong taxpayers money ang pinag-uusapan dito.
Teka, ang ipinagtataka lang natin dito sa suspension ng Ombudsman kay Antiporda ay napakabilis, ilang linggo lang may aksyon agad ang Ombudsman. Bravo!
Pero ang reklamo ni Antiporda laban sa mga abogadong “nagpatalo” sa kaso ng NIA laban sa tiwaling kontraktor ay inaamag na sa lamesa ng mga prosecutor ng Ombudsman. Anyare, Ombudsman Samuel Martires?
Ang problema ni Antiporda sa NIA ay problema rin ng hepe sa ibang kagawaran ng pamahalaan. Na kapag gumawa sila ng matinding pagbabago para mawala ang sindikato sa tanggapan ay sila pa ang nadadale!
Sabi nga ng sira ulo kong kaibigan, kung gusto mo tumagal sa isang posisyon sa gobyerno, sumunod ka nalang sa anumang sayaw ng tugtog na iyong dinatnan sa loob. Yawa!
Sa ugali ni Antiporda, ayaw niya ng ganun! Peks man!!!
The post Na-‘sindikato’ si NIA administrator Benny Antiporda appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: