Pinuri ni Senator Christopher “Bong” Go ang ginagawang pagsisikap ng gobyernong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na unti-unting mapanumbalik sa normal ang bansa sa gitna ng pandemya tungo sa pagbangon ng ekonomiya.
“Naging maganda po ang ating COVID response sa ngayon na unti-unti tayong pabukas sa ating ekonomiya dahil hindi naman po pwedeng sa mahabang panahon nakasarado tayo,” sabi ni Go matapos niyang personal na pangunahan ang pamamahagi ng ayuda sa mga sinalanta ng bagyong Paeng sa Calatagan, Batangas.
“Kita n’yo paunti-unti pinag-aaralan ng ating health officials. At napakaganda po ng ating COVID response, hindi tayo magkakatipon-tipon dito kung hindi naging maayos ang ating kampanya laban sa COVID,” ani Go.
Tiniyak ng senador na sa oras na pangalanan ni Pangulong Marcos ang bagong health secretary sa hinaharap, siya, bilang tagapangulo ng Senate committee on health at miyembro ng Commission on Appointments, ay handang i-sponsor ang inonomina ng Pangulo.
“Siguro pagdating ng panahon, prerogative po ‘yan ng ating Presidente na magtalaga ng bagong health secretary.”
“At ako naman po bilang committee chair on health sa Senado, I’m willing to sponsor kung sino po ang kanyang mapili dahil ako naman po sa Commission on Appointment ang Chairman po sa health,” anang senador.
Sinabi ni Go na irerespeto niya ang prerogative ni Pangulong Marcos sa pagtatalaga ng mga miyembro ng kanyang Gabinete.
Ipinaalala naman niya sa mga appointees na unahin ang kalusugan at kapakanan ng mamamayang Pilipino.
“Kung sino ang itatalaga ni Pangulong Marcos, full support ako kung saka-sakali. Ang importante, unahin po natin ang kalusugan at buhay ng bawat Pilipino. ‘Yun po, pangalagaan po natin ang buhay,” aniya.
Samantala, inihayag ni Go na malaki ang kanyang tiwala sa kakayahan ni Department of Health officer-in-charge Dr. Maria Rosario Vergeire, partikular sa pamumuno at pagsisikap na ganap na malampasan ang pandemya.
“Very confident po ako dahil napakagaling at kabisado po ng ating OIC secretary na si Rosette Vergeire… noong panahon ng pandemya, kakaumpisa ng pandemya nandidiyan na po siya,” paliwanag ni Go.
“Siya nga po ang nakikita natin halos araw-araw sa telebisyon. Kabisado na niya. Noong nagkaroon po ng transition between the previous administration ni (dating) pangulong (Rodrigo) Duterte at ni Pangulong Marcos, maganda po ang transition dahil kabisado na niya (Vergeire) lalung-lalo na po itong COVID response natin,” idinagdag ng mambabatas.
Ayon kay Go, malaking benepisyo ang pagiging bihasa ni Vergeire sa pagtugon sa COVID-19. Kabilang dito ang kanyang pagiging pamilyar sa pambansang programa ng pagbabakuna.
Patuloy na hinimok ni Go ang mga opisyal ng kalusugan na unahin ang pangangailangan ng mga tao at idinagdag na ang kanilang tungkulin ay may malaking epekto sa buhay ng mga Pilipino.
The post PANDEMIC EFFORT NG MARCOS ADMIN PINURI NI BONG GO appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: