DALAWANG bilyong dolyares o’ saktong $2.04 billion ang naging jackpot prize ng Powerball lotto sa America ang nasungkit noong nakaraang linggo ng taga-California, matapos ang 40 draws nito nang walang nananalo.
Ganun din dito ngayon ang inaasinta ng mga mananaya sa lotto kung saan ang 6/58 lotto ay lagpas P200 milyong piso na ang premyo dahil wala pa din nananalo.
Patuloy natin nasasaksihan ang mahabang pila sa mga tayaan ng lotto, dahil lahat ay umaasang sila na sana ang makakuha ng jackpot prize kahit milyon din ang tsansa para ikaw ay manalo.
Sa Powerball lotto nga ng America ay “one (1) is to 292.2 million” ang tsansang manalo, ngunit swerte talaga ang dumapo sa nanalo.
Mayroon akong nabasang artikulo na pumukaw sa aking kaalaman. Ito ay tungkol sa mga dapat daw na gawin, sakaling nasungkit mo ang pangarap mong jackpot.
Ang isa namang artikulo ay tungkol sa isang Intsik na tumama ng $30.6 million na jackpot. Noong kubrahin niya ang premyo, nagsuot pa ito ng dilaw na costume ng isang cartoon character para lamang maitago ang kanyang pagkakakilanlan. Maganda nga namang diskarte, pero ang nakakabigla ay ang paghayag nito na kanya rin sinisikreto ang kanyang pagkapanalo sa mismo niyang asawa at pamilya.
Ang kanyang rason ay kahanga-hanga, ayaw niyang lumaki ang ulo o yumabang ang kanyang asawa’t mga anak. Baka raw din maging tamad na ang mga ito, at makalimutan nang magsumikap at magbanat ng buto.
Mahusay naman ang kanyang paliwanag, at maaring tulad niya, ay gawin rin natin ito kung sakaling nasungkit niyo rin ang pangarap niyong jackpot.
Marami na rin naman tayong nabalitaan na naka-dale ng malalaking jackpot prize, ngunit napunta rin sa wala dahil nagpakasasa at nakalimutan nang mamuhay ng simple lamang.
Kaya kung kayo’y mananaya, ilatag na agad ang inyong plano kung sakaling mahagip ninyo ang pangarap niyong jackpot. Mas mainam na ilista na ang mga nais gawin, lihim man ang inyong pagtama o kaya’y hayagan niyong ibinabalita na kayo ay isang lotto winner.
Ang pinaka-d-best ay manatiling naka-apak sa lupa ang inyong mga paa, upang di mabawi ng inyong karma ang nasungkit niyong pangarap na jackpot.
The post PANGARAP NATING JACKPOT appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: