Kung papipiliin ako ng mga magulang ko kung ano ang nanaisin kong manahin.., perang cash at negosyo o malawak na lupain.., e aayawan ko ang lupain! Kahit alam kong salungat ito sa paniwala ng marami na mas magaling mag-invest sa lupa, dahil tumataas ang presyo nito kumpara sa pera na madaling mauubos at madaling gastusin, samantalang ang lupain ay tumataas ang halaga habang tumatagal.
Totoo namang mabilis tumaas ang halaga ng lupain huwag lang itong pamamahayan ng mga “PROFESSIONAL SQUATTER” na alaga ng mga CORRUPT na LOCAL GOVERNMENT OFFICIALS (LGU’s) na nakasasakop sa pag-aari mong lugar.., dahil sa gayung situwasyon na kahit kampihan ka pa ng Korte dahil ikaw ang legal na may-ari ng lote.., aabutin ka ng siyam-siyam ‘di mo pa rin mapakikinabangan, dahil sa kung anu-anong butas at pamamaraan ang nahahagilap ng mga LGUs na nakikinabang sa iyong lupain.
Isang magandang halimbawa natin dito ang kaso sa lupa ng biyuda ni dating PC-INP GENERAL HERMOGENES PERALTA na si DIVINA PERALTA na ipinanalo sa MORONG REGIONAL TRIAL COURT (MRTC) Branch 78 noon pang May 10, 2012.., pero ang problema ay hanggang sa ngayon ‘di pa rin mapakinabangan ang kanyang legal na pag-aaring lote na tinayuan ng halos mahigit 100 kabahayan ng mga ‘di naman nila kamag-anakan sa BRGY. MADILAYDILAY, TANAY, RIZAL, ay tinirahan ng mga “ILLEGAL OCCUPANTS” na inutusan ng korte noong 2015 na bakantehin na ang lote, at magbayad ng upa sa halagang P10,000 kada taon sa loob ng 11 isang taon.
Milyones na tumataginting na kinatakutan ng karamihan sa mga “ILLEGAL OCCUPANTS”.., kaya nakiusap sa may-ari na kusa silang aalis ‘wag na lamang magbayad sa milyones na upa.
Ang siste.., ‘yung natirang matitigas ang ulo na binubuo ng halos 10 pamilya lamang, na ang gusaling itinayo ay hindi masasabing “bahay ng mahihirap” na tila sila pa ang pinapaboran ng ilang opisyal ng LGU sa lugar at maging ng PRESIDENTIAL COMMISSION FOR URBAN POOR (PCUP), ang departamento ng pamahalaan na dapat sana’y nagpapabilis na maayos ang ganitong mga problema.
Noong June 22, 2015 ay naglabas ng WRIT OF DEMOLITION ORDER si TANAY MUNICIPAL TRIAL COURT PRESIDING JUDGE ROBERT MARCELO upang bakantehin ang lugar para sa kapakanan ng lehitimong land owner.
Pero may batas tayo na ang mga illegal settlers o illegal occupants ay kailangang tulungan ng LGU para sa relokasyon at financial assistance.., at upang maisagawa ito kailangang magsagawa ang PCUP ng PRE-DEMOLITION CONFERENCE (PDC) para sa kapakanan ng CLAIMANT, ILLEGAL OCCUPANTS at ng LGU tungo sa mapayapang solusyon sa problema
Nitong September 30, 2022 isinagawa ang PDC at nitong October 24, 2022 ang LAND OWNER na si PERALTA ay naghain ng URGENT EX- PARTE MOTION FOR POLICE ASSISTANCE na hindi naman sinang-ayunan ng TANAY RTC dahil sa kawalan ng PDC CLEARANCE.
Ang PCUP ay nagbigay ng PDC Transmittal kay MORONG SHERIFF-IN-CHARGE TRUMAN DE SALITA na nagsasaad ng TERMINATION sa PDC.
“Considering the non-compliance of the Local Government of Tanay to the mandatory assistance provided under Sec. 28 of RA 7279, please be advised that this office is officially terminating the PDC for Civil Case No. 1503. Subject to reconvening upon availability of the mandatory assistance and upon request of the implementing Sheriff. We will be transmitting this case to the Philippine National Police (PNP) for their appropriate action,” bahagi ng pagpapasiya ng PCUP.., gayunman, hindi raw makakakilos ang SHERIFF dahil sa pasubali na reconvening o ang isinaad ng PCUP na “Subject to reconvening upon availability of the mandatory assistance and upon request of the implementing Sheriff.”
Bunsod nito, ang Sheriff ay muling naghain ng kaniyang paglilinaw sa PCUP nitong November 23, 2022 na kaniyang isinaad: “Although the undersigned has no discretion nor authority to impose what to follow as the legal guidelines, respectfully expressing the undersigned’s self-opinion, without force and effect to the proceedings of the case, for the non-obtaining from PCUP of PDC Certificate or Clearance either with or without compliance to the mandate of the LGU Administration under UHDA of RA 7279 even if the PDC was already conducted:”
Nitong November 15, 2022 ay naghain na ng reklamo ang land owner na si PERALTA sa tanggapan ng ANTI-RED TAPE sa MAKACAÑANG dahil sa kawalan ng PDC CLEARANCEr mula sa PCUP na pinangangasiwaan ngayon ni PCUP CHAIRMAN/CEO USEC. ELPIDIO JORDAN.
May court order na, subalit hindi pa rin magamit ng LEGIT LAND OWNER ang lupaing kaniyang pag-aari.., kaya ang tanong: “Hahayaan na lamang ba ng mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno, na ang mamamayagpag ay ang mga illegal settlers?”
***
Kung may reaksiyon lalo na sa mga nakakanti ng ating kolum ay maaari po kayong mag-email sa corpuzirwin074@gmail.com o magtext lamang sa 0969 536 8851 para sa inyo pong mga panig.
The post PCUP, LGU TULOG SA PANSITAN? appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: