Hinimok ni Senator Christopher “Bong” Go ang gobyerno na maingat na balansehin ang perhuwisyo at benepisyo na hatid ng mga Philippine offshore gaming operations (POGOs) sa bansa at tiyakin kung napananatili nito ang kapayapaan at kaayusan, gayundin ang pangangalaga sa buhay ng mga tao.
Ani Go, kung pulos kaperhuwisyuhan lamang at wala nang naibibigay na magandang benepisyo ay mas mabuti pang i-ban at tuluya ng isarado ang mga POGO.
“Ako po ang posisyon ko po d’yan sa POGO, tingnan po natin ang cost and benefit ng operation ng POGO,” ani Go sa isang ambush interview matapos pangunahan ang paglulunsad ng ika-153 Malasakit Center sa bansa sa loob ng Overseas Filipino Workers Hospital sa San Fernando City, Pampanga.
“Kung hindi naman po gano’n kalaki ang kita ng POGO para sa gobyerno (at sa Pilipino)… at mas lalala ang (problema sa) peace and order natin, naghahasik ng lagim itong mga dayuhan, nakakabahala po — ‘yung sila mismo ang naghahari dito — mas mabuti pang i-ban na lang po,” idiniin ng senador.
Sa pinagsamang pagdinig ng Senado noong Miyerkules, nagbigay ang Philippine Amusement and Gaming Corporation ng roadmap para sa pagtugon sa mga isyung nakapalibot sa mga POGO.
Sinabi ng PAGCOR na ang roadmap ay naglalayong “makamit ang pinakamainam na bilang ng mga lisensyado at unti-unting dagdagan ang kabuuang kita ng POGO sa susunod na limang taon, ngunit may mas matatag na balangkas ng regulasyon na mag-aalis ng mga operasyon ng iligal na online na pagsusugal at ang mga sakit sa lipunan na nauugnay dito.”
Nangako rin ang PAGCOR sa pagpapahusay ng koordinasyon sa pagitan nila at ng iba pang ahensya ng gobyerno sa pagsisikap na matugunan ang mga panlipunang gastos at sakit na nauugnay sa mga POGO.
Samantala, muling binigyang-diin ni Go kung gaano kakritikal para sa gobyerno na gumawa ng mahigpit na hakbang laban sa mga krimen at magtrabaho upang mapabuti ang kapayapaan at kaayusan sa bansa.
“Mas importante sa akin ang peace and order at para sa ating mga kababayan na gusto lang pong mamuhay nang tahimik at hindi nasasaktan,” ayon sa mambabatas.
“So pag-aralan po nang mabuti ng gobyerno ang cost and benefits nito,” iginiit niya.
The post Bong Go: POGO isarado kung perhuwisyo appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: