Ni ROMMEL PLACENTE
ISA ang pelikulang My Father, Myself sa official entry sa darating na Metro Manila Film Festival 2022. Produced ito ng 3:16 Media Network at Mentorque Production. Mula ito sa script ni Quinn Carino.
Ang pelikula ay pinagbibidahan nina Sean de Guzman at Jake Cuenca kasama sina Tiffany Grey at Dimples Romana. Mula ito sa direksyon ni Joel Lamangan. Ayon kay Direk Joel, mahuhusay ang mga artistang kasali sa nasabing pelikula.
Siyempre pa, happy si Sean sa papuri sa kanila ng award-winning director.
Sabi ni Sean,”Kay Direk po ako nag-start. Una ko pong pelikula ay siya ang naging direktor ko, ‘yung Lockdown, tapos po Macho Dancer, at hanggang ngayon po, dito sa My Father, Myself siya po ang direktor ko.
“Sobrang thankful po ako kay Direk kasi siya yung nag-launch sa akin at nang dahil sa kanya, nagkaroon po ako ng dalawang international best actor awards para sa Fall Guy na siya po ang direktor,” aniya pa.
“Si Direk kasi ‘pag tsina-challenge ka niya.. ano eh..well.. nandun yung hirap, pero nandun din yung parang satisfaction mo as an actor na parang kailangan ko itong gawin para yung pressure na nararamdaman ko galing kay Direk, parang yung expectation niya kailangan kong ma-meet.
“So kahit magkamali ako, tuloy lang, nandiyan si Direk, gina-guide kami. Sobrang hands-on niya sa mga actors niya. Sabi nga ni ate Dimps. pantay-pantay ang tingin niya sa amin kapag nasa set kami. Walang maliit, walang malaking artista. Lahat pantay-pantay. Ayun po ang magandang bagay kay Direk.”
Ang My Father, Myself ay nakakuha ng R-18 classification mula sa MTRCB. Meaning, ang pwede lang makapanood ng pelikula ay yung 18 years old and above. At hindi rin ito pwedeng ipalabas sa mga SM Cinemas.
Ayon kay Direk Joel, ipinaglaban niya sa MTRCB na gawing R-16 ang kanilang pelikula, pero walang nangyari sa pakikipaglaban niya.
Sabi ni Direk Joel,”Nagtalakan kami. Sa huli natalo ako. Sila ang nanalo. Umuwi akong talo. Akin na lamang tinanggap na R-18 talaga siya.
“Hindi ako nakalusot sa aking pagpapaliwanag. ‘Yun naman ay healthy dahil kailangan talagang tumayo ng MTRCB sa kanilang pinaniniwalaan.
“Hindi maganda ang MTRCB kung hindi maintindihan ang kanilang pinaniniwalaan. Dahil naniniwala sila na ito ay R-18, sila ang masusunod. Sila naman ang police ng state upang kontrolin ang lahat ng napapanood ng tao.
“Wala akong magawa kundi lunukin ko ang pagkatalo ko.
“Pero hindi ako umuwi ng luhaan. Pinalakpakan nga nila ako eh. Pero talo pa nga rin ako dahil ito ay R-18.”
“Ang lahat ng pelikulang Pilipino ay pinapasok sa MTRCB upang kanilang i-classify. Walang hindi pinapasok. Ang hindi lang pinapasok ay yung mga hindi pinapalabas sa mainstream theaters.
“Dahil MMFF ito, ipapasok ito sa MTRCB.
“Ako ay dating deputy sa MTRCB so alam ko ang kalakaran. Ang bawa’t tao or isang grupo ay may kanya-kanyang perception sa isang pelikula. Dahil ito ay isang sining, iba’t iba ang pagtingin sa bawa’t pelikula.
“Nang pinanood ito ng MTRCB, ang tingin nila, ay napakaganda ng pelikula pero napakadelikado ng tema.
“Nagpakita ako ng mga love scene ng mga bakla. Delikado raw ang tema sa kanilang perception, yun ay pang-adult.
“Sa perception ko, yun ang hindi gaanong pang-adult – R-16. Magkaiba ang perception,” dagdag pa niyang sabi.
The post Sean thankful kay Direk Joel sa 2 intl. best actor awards appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: