
MATITIGIL o kung di man, ay mababawasan na ang mga pangloloko at panggagansiyo ng ating magagaling na kababayan gamit ang cellular phones.
Ang pang-iiscam ng karamihan sa pamamagitan ng pagpapadala ng anumang kaeng-enganyong mga text message ay mahihinto na rin dahil sa bagong batas para dito.
Ang Republic Act No. 11934 o ang “SIM Card Registration Act” ay ipagtitibay na simula sa darating na December 27.
Ito ay matapos din mailabas ng National Telecommunications Commission (NTC) ang Implementing Rules and Regulation (IRR) ng batas sa pagii-implementa nito.
Kaya makibahagi kayo sa pamamagitan ng pagpa -paretehistro ng inyong SIM Card.
Pero parang may butas ang IRR ng batas, dahil isa sa mga hinihinging mga requirements sa pagrerehistro ay pagsa-submit ng anumang pagkakakilanlan gaya ng mga identifications card o ID. Halimbawa na ang Passport; Philippine Identification System ID, o Philippine Identification Card; Social Security Service ID; Government Service Insurance System e-Card; Driver’s License; National Bureau of Investigation clearance; Police clearance; Firearms’ License to Own and Possess ID; Professional Regulation Commission ID; Integrated Bar of the Philippines ID; Overseas Workers Welfare Administration ID; Bureau of Internal Revenue ID; Voter’s ID; Senior Citizen’s card; Unified Multi-purpose Identification Card; Persons with Disabilities (PWD) card; o kaya’y kahit anong valid government-issued identification na may litrato ninyo.
Ang butas ng IRR ng batas ay nasa huling bahagi ng listahan ng ID na pwedeng isubmit. Ang sabi kasi, kahit anong valid government-issued identification na may litrato.
Ibig sabihin, kahit Barangay ID na kinukuha sa ating mga barangay at pinipirnahan ni Barangay Kupitan, ehem, Barangay Kapitan pala, ay pwede na rin i-submit.
Ito ang magiging daan ng mandaraya at manloloko nating kababayan na mga scammer. Dahil bukod sa mura ang pagkuha ng Barangay ID minsan ay libre pa nga kung dikit ka kay Kupitan, ehem, Kapitan pala.
Madali kasi rin itong mapeke. Isi-xerox lang at papalitan ang pangalang, ay ayos na.
Kung sa ganitong paraan magrerehistro ang iba sa ating mga kababayan, dahil on-line naman ang pagrerehistro, baka mabale-wala ang layunin ng bagong batas.
Kasi paano mo mahuhuli ang nagpatehistrong SIM Card user kapag nang i-scam ito, kung gamit naman ay pekeng ID?
Yan ang butas na nakalimutan himayin ng ating mga mambabatas.
The post MAGREHISTRO NA SA BATAS NA MAY BUTAS appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: