GUMANDA nang di hamak ang ating karanasan para salubungin ang bagong taon ng 2023, kumpara noong nagdaang 2022 na balot pa tayo ng takot dahil sa pandemiyang dulot ng Covid-19 virus.
Ito ay pinatunayan ng isang survey na ginawa ng Pulse Asia na nagsasabing halos lahat ng Filipino o 92 percent sa atin ay naniniwalang maganda ang ating hinaharap sa pagpasok ng 2023.
Walong porsiyento lamang daw ayon sa Pulse Survey ang mga alanganin sa bagong taon, at iisang porsiyento naman ang nagsasabi na wala silang kapag-a-pag-asa para sa 2023.
Tila tama din ang kakaunting nagsasabi na wala naman talagang magandang dala ang taong 2023. Sumisirit pa rin naman kasi ang halaga ng lahat ng bilihin, at patuloy na humihina ang piso laban sa dolyar.
Ang presyo ng pagkain, halimbawa, gaya ng pangsangkap na sibuyas at asukal ay di na bumaba. Ang kuryente na pinatatakbo ng Manila Electric Company (Meralco) ay may bago pang dagdag at pagtaas ng presyo na P.0844 per kilowatt-hour mula nang nagdaang November 2022.
Ang gasolina ay ganun din, hindi na makababa sa P50 kada litro. Ano nga naman ang aasahan nating maganda sa 2023 kung ganito ng ganito.
Pero ayon sa Department of Budget and Management (DBM) may P206.50 bilyong ayuda na nakapaloob sa 2023 national budget. Ito daw ay upang makatulong sa marami nating kababayan sa pagharap sa mga nagmamahalang produkto at serbisyo.
Ito raw ang kanilang pagtalima sa kautusan ni Pangulong Bong Bong Marcos (PBBM) na alalayan ang mahihirap nating mga kababayan, lalo na ang mga nabiktima ng mga kalamidad at krisis, bukod sa paglakas ng dolyar laban sa halaga ng piso.
Ang P206.50 bilyon na ‘ayuda’ sa pamamagitan ng cash transfers at mga subsidy programs ay ikakalat na sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan upang pamununuan ang pamimigay nito sa papasok na bagong taon.
Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay mayroong P165.40 bilyon; ang Department of Health (DOH) ay P22.39 bilyon; ang Department of Labor and Employment (DOLE) ay may P14.9 bilyon para sa kanilang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program; samantalang ang Department of Transportation (DOTr) ay mayroon din P2.5 bilyon para sa fuel subsidies ng ating mga public transport drivers.
Ang Department of Agriculture (DA) ay mayroon din isang bilyon (P1 billion) para sa fuel assistance din ng ating mga farmers at fisherfolk.
Di naman pala tayo maaagrabyado sa 2023 dahil o bago pa lang pumasok ang taon na ito ay inilatag na ni PBBM ang mga programang makakatulong sa ating mga kababayang mahihirap.
The post PAGASANG DALA NG 2023 appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: