
IBANG klase ang raket ng Youtube. Nagbabayad ang mga advertiser, o ang mga kumpanya at sino-sino na nagbebenta ng mga produkto at nag-aalok ng serbisyo sa madla. Pero kailangan magbayad ang mga gumagamit ng Youtube upang huwag maabala at makita ang kanilang mga ibinebenta at iniaalok. Premium service ang tawag nila para maiwasan ang santambak na ads sa Youtube. Walang panalo ang napakaraming gumagamit ng Youtube. Mistulang lagaring Hapon ang Youtube. Panalo sa magkabila. Pinagkitaan ang lahat.
Maaaring laktawan ang mga ads. Mayroon skips ads button. Pero dumadami na ang mga ads na walang skip ad button. Walang kawala ang mga user sa mga ads na ito. Panalo uli ang Youtube. Kung gusto mo na walang ad, magbayad ka ng tinatawag nilang premium service. Kailangan mag-isip ng paraan upang maiwasan ang ganitong kalakaran.
***
Pinag-uusapan na rin lang ang pagsasamantala sa kapwa. Dumako tayo sa kalokohan ni Apollo Quiboloy, ang sinasabing kontrobersyal na propeta na nasasakdal ng panloloko at panggagantso sa Estados Unidos dahil ginamit umano ng kanyang kulto, Kingdom of Jesus Christ upang manloko sa kapwa. May ulat ang U.S. State Department na sangkot umano si Quiboloy sa maraming kaso ng panggagahasa na ang pinakabata may 11 anyos mula 2006 hanggang 2020.
Nakakatawa ang kampo ni Quiboloy na nagreklamo dahil sa mga ulat na inilabas ng gobyerno ng Estados Unidos. Sinasabi ng mga abogado ni Quiboloy na walang matwid na naglabas ng ulat ang Estados Unidos kahit wala pang hatol ang hukuman sa mga sakdal laban sa kanya. Teka, proseso ng Estados Unidos ang nangyayari kay Quiboloy. Hindi pwede na igiit ang proseso ng Filipinas dahil hindi nangyari dito ang mga krimen na ibinibintang kontra kay Quiboloy.
Hindi namin alam kung alam ni Quiboloy na pinagtatawanan siya. . Nakalimutan niya na may sariling batas at proseso ang Estados Unidos. Hindi siya maaaring magmagaling doon at iginiit ang proseso ng Filipinas. Baliw ba siya?
***
MAHIGIT dalawang linggo na ang nakalipas ng isulat namin ang sabwatan umano ni diktador Ferdinand Marcos at Diosdado Macapagal upang ilusot ang Saligang Batas ng 1973 na ginamit bilang blueprint ng diktadura ni Marcos na tumagal ng 13 taon. Binanggit namin na biglang nagpakita si Macapagal sa Malacanang noong ika-29 ng Nobyembre 1972 upang ibigay ang kopya ng “natapos” na konstitusyon na pinanday ng mahigit 300 delegado ng 1971 Constitutional Convention.
Nakakapagtaka kung paano natapos ang saligang batas sapagkat hindi na nagkaroon ng anumang plenaryong pulong ang Kombensyon mula ng ideklara ni Marcos ang batas militar noong gabi ng ika-23 Setyembre, 1972 hanggang sa araw na nagkita si Marcos at Macapagal sa Malacanang matapos ang mahigit dalawang buwan. Hindi tapos ang draft ng saligang batas kaya mismong mga delegado ng Kombensyon ang nagtataka kung bakit at paano nabuo ang ibinigay na kopya ni Macapagal kay Marcos sa isang seremonya sa Palasyo.
Presidente si Macapagal ng Kombensyon na inatasan ng batas na bumuo ng isang bagong saligang batas na papalit sa Konstitusyon ng 1935 na sa tingin ng mga nakaupo noon ay isang “kolonyal” na dokumento dahil binuo ito noong panahon ng mga Amerikano sa Filipinas. Bahagi ang Saligang Batas ng 1935 sa pagtatatag ng gobyernong Commonwealth bilang paghahanda sa ganap na kalayaan na ipinangako na ibibigay ng mga Amerikano pagkatapos ng sampung taon.
Binanggit namin sa aming kolum na maaaring ituring ang kopya ng konstitusyon na isinumite ni Macapagal kay Marcos na nagawa sa misteryoso at kataka-takang sitwasyon. Hindi ito ang pinanday mahigit 300 delegado sa Kombensyon. Hindi ito inaprubahan at nilagdaan ng mga kasaping delegado. May mga sapantaha na nagsabwatan si Marcos at Macapagal upang magkaroon ng pinal na kopya kahit hindi ito natapos ng mga delegado.
Hindi malinaw hanggang ngayon kung paano natapos ng Kombensyon ang trabaho na atas ng batas at kung paano nagkaroon ng panukalang kopya. Walang maipakitang opisyal na record or minutes ng sesyon upang ipakita ang pagpanday sa kopya at pag-aapruba ng mga delegado sa panukalang saligang batas. Nakapagtataka ang pagdala ng mga official record ng kombensyon mula sa Quezon City Hall sa isang lumang gusali ng National Development Company (NDC), isang korporasyon ng gobyerno, sa distrito ng Sta. Mesa sa Maynila.
Isang misteryosong sunog na kataka-taka ang pinagmulan ang tumupok sa gusali ng NDC noong 1973. Kasama sa mga natupok ang nakaimbak na official record ng Kombensyon. Inatasan noon ni Macapagal si Arturo Pacificador, isang matapat na galamay ni Marcos, na pangalagaan ang official record ng Kombensyon. Dahil nasunog, nawalan ng official record ang Kombensyon. Walang batayan ang mga dalubhasa sa pagtalakay sa pag-imbulog na batas ng bansa.
Si Pacificador ang itinuturong nasa likod sa pagpaslang sa kanyang karibal sa pulitika na si Evelio Javier Jr. noong 1986 sa Antique. Nagtago si Pacificador ng maraming taon kahit may desisyon ang korte na nagpatunay sa kanyang pagkasangkot sa pagpaslang kay Javier. Noong lumantad, payat na payat si Pacificador at may sakit. Namatay si Pacificador sa loob ng kulungan.
Pinaniniwalaan na nagsabwatan si Marcos at Macapagal upang isingit sa panukalang saligang batas ang ilang hindi katanggap-tanggap na probisyon. Maituturing na hinog sa pilit. Sinabi ni Nene Pimentel sa kanyang aklat na maaaring si Macapagal ang nagsingit ng mga iskandalosong probisyon. Kasama ang Transitory Provision kung saan itatag ang Interim National Assembly bilang kapalit ng Kongreso sa ilalim ng sistemang parliamentaryo sa 1973 Konstitusyon.
Ibinatay ni Nene Pimentel ang kanyang paniniwala sa nasaksihan niyang pamimilit umano ni Macapagal na lagdaan ng mga delegado ang panukalang saligang batas bago ibigay ang sipi kay Marcos. Sa kanyang aklat, sinabi ni Nene Pimentel na inamin ni Delegado Manuel Concordia na binayaran siya ng P20,000 upang imbentuhin ang minutes ng isang pulong na nagsingit ng mga probisyon na hindi katanggap tanggap.
Ano ang motibo ni Macapagal sa panukalang Saligang Batas ng 1973? Ano ang deal ng dalawang tusong lider? Hindi lingid sa aming kaalaman ang pangako ni Marcos kay Macapagal na si Macapagal ang magiging prime minister sa ilalim ng bagong gobyernong parlamentaryo na itatayo sa ilalim ng Konstitusyon ng 1973. Walang nagpatunay sa kasunduan ng dalawa dahil walang pinirmahang kasulatan tungkol diyan. Isa itong lihim na pareho nilang dinala sa hukay.
Ito umano ang dahilan kung bakit naisingit ang Transitory Provisions sa Saligang Batas ng 1973. Iginiit ni Macapagal sa mga delegado na aprubahan ang saligang batas dahil ipinanukala ng Transitory Provision ang pagtatayo ng Interim National Assembly na ang mga pinagsamang kasapi ay mga delegado ng Kombensyon ng 1971 at ang mga kongresista at senador ng bubuwagin na Kongreso. Hindi ito natupad ni Marcos. Nang matatag na ang diktadura niya, pinalitan ni Marcos ang probisyon ng Transitory Provision at itinatag ang Interim Batasang Pambansa bilang kapalit ng Interim National Assembly.
Nautakan umano ni Marcos si Macapagal. Hindi ipinaliwanag ni Macapagal kung totoo o hindi ang bintang ng oportunismo at nakipagsabwatan siya kay Marcos. Ngunit nag-away ang dalawang lider hanggang sinipa ng taong bayan si Ferdinand Marcos sa isang mapayapang himagsikan sa EDSA noong 1986. Pero ibang kuwento ito.
***
MGA PILING SALITA: “During Martial Law [era], Marcos officials piously advised the suffering public how to eat cheaply within increasingly tight budgets – all the while the Marcoses, their cronies and officials were gorging themselves on caviar and other delicacies, the swine.” – Alan Robles, netizen, journalist, critic
“Human rights cover all fundamental rights of citizens which must be protected against abuses by the State and its agents singularly or in cahoots with private violators. Pass the Human Rights Defenders Protection Act now!” – Edcel Lagman, lawmaker
The post SABWATAN NI FM AT DM appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: