
Bilang pagpapakita ng mas pinaigting na ugnayan at pagtutulungan para sa seguridad at kaligtasan ng mga nasa sektor ng pamamahayag, pinangunahan ng Philippine Air Force (PAF) ang PAF-Media Fellowship Fun Shoot na ginanap sa PAF Firing Range, Colonel Jesus Villamor Air Base, Pasay City.
Ayon sa Air Force Public Affairs Office (AFPAO), mahigit 20 miyembro ng local media ang nakasabay ng mga PAF officials at personnel sa nasabing aktibidad.
Binuo ang 11 teams kung saan pinaghalo ang mga air force at media players bago isinabak sa friendly competition sa iba’t ibang stages.
Umarangkada ang fun shoot sa pamamagitan ng isang ceremonial shoot na pinangunahan nina PAF Commanding General LtGen Connor Anthony David Canlas Sr., veteran at senior reporter Raoul Esperas ng DWIZ, dating Tourism Undersecretary Ricky Alegre ng DZRH TV, at Air Force Ret. BGen. Gerardo Zamudio ng DWIZ at DWDD (AFP Radio).
Natapos ang event sa pangwakas na pananalita ni CG Canlas at pagbibigay ng parangal sa mga nanalo, kasama ang ilang miyembro ng Team DWIZ at PAF officials na humakot ng team awards.
Si PAF Acting Vice Commander MGen. Stephen Parreno ang nanguna awarding ceremonies kung saan nagpasalamat ito sa lahat ng mga lumahok na mediamen, airmen, at iba pang partners.
Umaasa si Parreno, at maging kaming mga nasa media sector, na magkakaroon pa ng kaparehong aktibidad sa hinaharap.
Mainam na pagkakataon ito lalo pa’t sinisikap ng pamahalaan na mawala nang tuluyan ang Pilipinas sa listahan ng mga bansang pinakadelikado para sa mga mamamahayag.
Sa totoo lang, hindi pa naman talaga natatapos ang laban ng mga kinauukulan upang ipagtanggol at pangalagaan ang buhay ng mga kapatid natin sa hanapbuhay.
Subalit tandaan na bagama’t kinikilala ng estado ang kahalagahan ng pagkakaroon ng lehitimo at legal na pag-aari ng baril, hindi dapat gawing libangan ang pagpapaputok o pagkalabit ng gatilyo ng armas.
Ang pagkakaroon ng baril ay may kaakibat na kasanayan at responsibilidad.
Maraming salamat nga pala kina BGen. Zamudio, Pat45 RE sa dagdag na 15 ammo, “Sir Tandoc”, “AW Caronan”, at iba pang AFPAO personnel sa pag-assist sa amin sa fellowship event.
Mabuhay po kayo, mga bossing, at God bless!
***
Samantala, muli na namang ginawaran ng Seal of Good Local Governance (SGLG) ang Muntinlupa City ngayong taon.
Ikinalugod ito ni Mayor Ruffy Biazon dahil ito ang ikatlong pagkakataon na nakatanggap ng katulad na prestigious award ang lungsod.
Ayon kay Public Information Office Chief Tez Navarro, dahil dito’y kinilala at binigyang kredito ni Mayor Ruffy ang mga Muntinlupeños sa kanilang pagsisikap na masungkit ang parangal, kabilang si dating Mayor at ngayo’y Congressman Jaime Fresnedi.
Kung hindi ako nagkakamali, nakatanggap din ng Seal of Good Local Governance ang Munti noong 2015 at 2019.
Ginagawaran ng DILG ng SGLG award ang mga lokal na pamahalaan na nagpapamalas ng katapatan at kahusayan sa paglilingkod sa kanilang nasasakupan.
Congrats po, Mayor Ruffy, at sa mga Muntinlupeños!
***
Katuwang ang SM Foundation at iba pa, ang “Barangay 882” radio program ng inyong lingkod ay matutunghayan sa IZTV Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 FB page, at DWIZ ON-DEMAND sa Youtube tuwing araw ng Sabado sa ganap na alas-4:00 hanggang alas-5:00 ng hapon. Para naman sa inyong mga sumbong, reaksyon, suhestiyon, etc., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-DM sa aking Facebook account (Gilbert Laguna Perdez), Twitter, Instagram, at sa FB page na ‘Gilbert Perdez’. Paki-subscribe na rin ang aking Youtube channel at Tiktok page na ‘Gilbert Perdez’. Salamat at stay safe!
The post TEAM DWIZ HUMAKOT NG AWARDS SA MEDIA FUNSHOOT NG PAF AT 3RD SEAL AWARD NASUNGKIT NG MUNTINLUPA appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: