Pinatawan ng isang buwang preventive suspension ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga public utility bus (PUB) units ng Victory Liner na biyaheng Baguio dahil sa pagkakasangkot ng isa sa mga bus nito sa aksidente sa La Union noong nakaraang linggo.
ipinag-utos ng LTFRB na pinamumunuan ni Chairman (Atty) Teofilo Guadiz, na ang lahat ng PUB units ng Victory Liner na bumibiyahe sa Cubao (Quezon City) patungong Baguio City na dadaan sa Dau, Tarlac, Urdaneta, ay hindi papayagang mag-operate sa loob ng isang buwan pagkatapos matanggap ang order.
Bukod sa pinasasailalim rsa Road Safety Seminar ang mga driver ng Victory Liner na isinasagawa ng Land Transportation Office (LTO, inutusan din ang kumpanya na magpakita ng Roadworthiness Certificates ng mga PUB units.
Inatasan din ang kumpanya ng bus na mag-iskedyul ng Regular Preventive Maintenance Service ng mga unit ng PUB na nasa ilalim ng suspensyon, at isuko ang nasuspinde na kanilang mga for-hire na plaka sa Legal Division ng LTFRB kapag natanggap ang utos.
Binigyan din ng 72 oras ang kumpanya upang ipaliwanag kung bakit hindi dapat suspindihin, kanselahin, o bawiin ang Certificate of Public Convenience (CPC) nito dahil sa paglabag sa mga tuntunin at kundisyon ng kanilang prangkisa.
Pinahaharap din sila sa Enero 24, 2023, bandang 10:00 ng umaga sa LTFRB Hearing Room, na nsa ikaapat na palapag ng LTFRB Central Office sa East Avenue, Quezon City.
Magugunitang noong Enero 3, 2023, isang bus ng Victory Liner na patungo sa Aspiras Highway, Brgy. Cares, Pugo, La Union ang sumabog ang gulong at bumangga sa puno ng acacia, kung saan namatay ang konduktor ng bus, kabilang ang dalawang pasahero, habang sugatan naman ang iba pang mga pasahero.
Samantala, tinawagan naman natin ang pamunuan ng Victory Liner para sa kanilang panig pero hiniling na lang nila na ipadala natin ang mga katanungan sa kanila sa pamamagitan ng kanilang email. (Almar Danguilan)
The post Biyaheng Baguio via Dau, Tarlac at Urdaneta ng Victory, sinuspinde ng 1-buwan ng LTFRB appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: