UMIIRAL ngayong Sabado, Enero 14, at Linggo, Enero 15, ang liquor ban ng Manila City government sa Tondo at Pandacan para sa kapistahan ng Sto. Niño.
Ang naturang liquor ban ay una nang ipinag-utos ni Manila Mayor Honey Lacuna noong Huwebes upang matiyak na magiging mapayapa at maayos ang pagdiriwang ng pista.
Kaugnay nito, mahigpit ang habilin ni Manila Police District (MPD) Director PBGEN Andre Dizon sa kanyang mga tauhan na istriktong ipatupad ang maximum tolerance, sa isinawang send-off ceremony sa kanila para sa psita ng Sto Niño de Tondo at Sto Niño de Pandacan.
“Sasawayin natin. Sasawayin na bawal ang mag-inom sa kalsada, bawal ang bumili ng alak o magbenta. Warning muna. At kapag sila ay ayaw makinig sa’tin iyon pa lang ang panahon na dapat arestuhin,” ani Dizon.
Magpapakalat rin ng mga mobile detention cells sa naturang mga lugar na pagdarausan ng pista, at doon pansamantalang ipipiit ang mga susuway sa ban.
Paniniguro pa niya, magdo-doble kayod sila upang matiyak na magiging maayos at mapayapa ang pista ng Sto Niño sa Tondo at Pandacan.
Nagawa na nilang maging matagumpay ang Pista ng Nazareno noong Enero 9 kaya’t gagawin din nilang maayos at matagumpay ang pista ng Sto Niño.
Sinabi ng MPD chief na dalawa ang misyon nila sa ngayon at ito ay 1) maging ligtas, secure, at mapayapa yung kapistahan, gayundin ang mga deboto at mga relihiyoso na makikiisa sa pagtitipon; at 2) maging ligtas ang komunidad sa kanilang kapistahan.
Nabatid na nasa 250 uniformed cops ang ipapakalat sa Pandacan habang 350 naman sa Tondo, ngayong Sabado at Linggo.
Pinaalalahanan naman sila ni Dizon na palaging ipraktis ang common sense at good judgment upang maayos na magampanan ang kanilang tungkulin. (ANDI GARCIA)
The post Epektibo ngayon Jan. 14-15: Liquor ban sa Tondo/Pandacan sa pista ng Sto. Niño appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: