Facebook

DEKALIDAD NA HEALTH SERVICES SA MAHIHIRAP, IPRAYORIDAD — SEN. GO

Nananatiling nakatuon si Senator Christopher “Bong” Go sa pagbibigay ng mas mahusay na access sa mga dekalidad na serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan at pagtatayo ng mas maraming pampublikong pasilidad sa kalusugan sa buong bansa.

Sa kanyang mensahe sa groundbreaking ng Super Health Center sa Rizal, Nueva Ecija, sinabi ni Go, tagapangulo ng Senate committee on health and demography, kumpiyansa siyang matutulungan ng gobyerno ang maraming mahihirap na pasyente, partikular ang mga nasa kanayunan, sa pagtatayo ng mas maraming Super Health Center sa buong bansa.

“Layunin po ng mga centers na ito na mailapit pa sa ating mga kababayan ang mga serbisyong medikal ng gobyerno, lalo na sa mga nasa liblib na lugar,” paliwanag ni Go.

“Sa pamamagitan nito, hindi na nila kailangang pumunta sa malalaking ospital na kadalasan ay nasa mga syudad kung wala namang malalang sakit at magagamot naman sa mga lugar na malapit sa kanila,” aniya.

Si Go na naging instrumento sa pagkuha ng pondo para sa pagtatayo ng Super Health Centers, ay nagsabing target ng gobyerno na magtayo ng karagdagang Super Health Centers ngayong taon matapos na ang mahigit 300 na mga nasabing pasilidad ay mapondohan noong 2022.

“Sa 2022, no’ng nakaraang taon, marami na hong nakapag-groundbreaking at ‘yung iba patapos na po,” ani Go.

“Mga 307 na Super Health Center sa 2022 at humigit-kumulang 322 Super Health Center ang maaaring magbukas o i-groundbreaking sa taong 2023,” dagdag niya.

Bukod sa Rizal, sinuportahan din niya ang pagtatayo ng iba pang Super Health Centers sa lalawigan, kabilang ang nasa Cabanatuan City at sa mga bayan ng San Leonardo at Sto. Domingo.

“Sabi ko nga, ngayon na ang panahon para talagang mag-invest sa ating healthcare system. Umaasa ako na ito ang huling pandemya sa ating buhay pero ang totoo hindi natin alam kung mayroon o kailan dadating ang susunod,” pahag ni Go.

“Talaga pong nabigla ang ating healthcare noong dumating ang pandemya kaya naman pursigido po talaga ako na palakasin pa ito sa abot ng aking makakaya. Dapat po talaga palagi tayong one-step ahead,” anang mambabatas.

Patuloy ding nag-aalok ng tulong si Go sa sinumang residenteng nangangailangan ng medikal na atensyon. Binanggit niya na may mga Malasakit Center sa lalawigan na maaaring bisitahin.

Mayroon na ngayong 153 Malasakit Centers sa buong bansa, kabilang ang mga nasa Eduardo L. Joson Memorial Hospital at Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center, kapwa sa Cabanatuan City, at Talavera General Hospital sa bayan ng Talavera.

Sa ulat mula sa DOH, nasa higit pitong milyong Pilipino na ang nakinabang sa Medical Assistance for Indigent Patients Program na karamihan ay na-avail sa pamamagitan ng Malasakit Center initiative.

The post DEKALIDAD NA HEALTH SERVICES SA MAHIHIRAP, IPRAYORIDAD — SEN. GO appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
DEKALIDAD NA HEALTH SERVICES SA MAHIHIRAP, IPRAYORIDAD — SEN. GO DEKALIDAD NA HEALTH SERVICES SA MAHIHIRAP, IPRAYORIDAD — SEN. GO Reviewed by misfitgympal on Enero 11, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.