Facebook

DEPCOM VENER: PANINIRA, DI NA LANG PINAPANSIN; AT PALAKASAN USONG-USO SA CUSTOMS

KAYSA intindihin, pag-ubusan ng pansin at panahon, tinanggap na ni Deputy Commissioner for Revenue Collection and Monitoring Group (RCMG) Atty. Vener S. Baquiran na bahagi na ng bulok na sistema sa Aduana ang intriga, pagkakalat ng black propaganda at mga atake personal ng maiinggitin at kulang sa pansin.

“I guess, I have to live with it,” pagtatapat ni Depcom Baquiran sa inyong lingkod.

Ngumiti siya at idinugtong: “Intrigues and character assassination is part of the territory… kaya kaysa pag-ukulan ko ng oras ko, kaysa ubusin ko ang energy ko, hindi ko na lang papansinin ang mga walang saysay na demolition job nila sa akin.”

Wika pa ni Atty. Vener, buong-buo ang tiwala niya kina Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Finance Secretary Benjamin ‘Ben’ Diokno at Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz na makikita ang buong katotohanan sa mga kasinungalingang ibinabato laban sa kanya.

Aniya pa, maging hanggang ngayon, tulad niya, biktima rin ang komisyoner at finance secretary ng mga taong ang adhikain sa buhay ay ang manira at magwasak ng reputasyon, dangal at karakter ng mga taong matatapat na naglilingkod sa ngalan ng serbisyo publiko.

“I would like to express my sincerest thanks to our Commissioner Ruiz at Secretary Diokno dahil naririyan pa rin ang pagtitiwala nila sa inyong lingkod, at higit sa lahat, sa ating Pangulong Bongbong Marcos na sinisikap ang buong makakaya para maiayos ang maraming baluktot na sistema sa ating pamahalaan,” madamdaming sabi ni Baquiran.

Makakaasa, dugtong ni Baquiran, ang mga kapwa niya opisyal ng kawanihan, na ang patuloy na paninira at intriga at atakeng personal ay hindi magpapahina sa kanyang loob para ipagpatuloy ang matapat niyang trabaho sa Bureau of Customs (BoC).

“Nandito po tayo hindi para sa mga critics at detractors natin, I am here because of the public, dahil sa patuloy na pagtitiwala sa atin ng ating Pangulo, sa pagtitiwala nina Secretary Diokno at Commissioner Ruiz at sa pagmamalasakit ng mga kapwa ko manggagawa at lingkod ng bayan sa Aduana,” aniya.

Dedikasyon, talino, sipag at matapat na paglilingkod, at mahusay na trabaho, ang igaganti niya, sabi ni Depcom Atty. Baquiran, sa mga mapanira at inggitero.
***
May padrino o kuneksyon ka ba, o kaya’y mga politikong tagabulong sa Civil Service Commission (CSC), Malakanyang o promotions committee sa Bureau of Customs?

Aba’y masuwerte ka, mas madali sa iyo na makapasok sa kawanihan, mas madali sa iyo na ma-promote ka at mabigyan ng mas “makatas” na puwesto.

Pero kung wala kang ‘Godfather’ o ‘Fairy Godmother,’ sori ka na lang, kahit sobra ka sa kuwalipikasyon, topnotcher ka sa board, lahat ng training, examinations o pagsasanay ay mahusay mo nang nadaanan at naipasa, mananatili ka sa ‘yong puwesto, at ang iba hindi matatanggap o maisasama sa slot at mauunahan ka sa karera ng promosyon dahil, ang totoo, uso pa rin sa BoC ang palakasan at umiiral pa rin ang “kung sino ang kakilala mo, may political connection ka ba, at hindi kung ano ang nalalaman mo.”

Ang problemang ito ay napakatagal nang idinadaing ng gustong makapasok sa byuru at ng maraming mga kawaning “tumanda” na sa serbisyo, nakapasa na sa mga eksamen para makapasok sa Customs, para ma-promote, naisumite na ang lahat ng rekisitos at mga dokumento sa kawanihan, maging sa CSC at sa selection and promotions board, at umaasa na makakapasok, na maitataas sa tungkulin pero naunahan ng magagaling sumipsip at magregalo ng kung ano-ano, sanabagan!

“Nakakatamad nang mag-follow-up (kung tanggap ka), (ng promotion), kasi, hindi na merit system ang batayan at talino,… what is being followed is, kung may kakilala ba kami na congressman o senador o kung may malakas ba kaming kamag-anak sa Malakanyang, etc.,” hinaing ng ilang applicants at mga may edad nang opisyal sa Port of Manila (PoM), Manila International Container Port (MICP) at Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ang lalo pang nagpapakirot sa puso ng marami sa BoC, “kung sino pa minsan ang may mga kaso, ang naitataas sa tungkulin.

“Magsasabi pa ba kami ng mga pangalan ng mga may suspension order na, may desisyon na ang Ombudsman o ang Malakanyang, pero imbes na matanggal, na-promte pa,” gustong maiyak na reklamo ng ilang nasa Legal Division ng BoC.

May palakasan din sa pagpili ng mga dapat na mabigyan ng advancement at mga seminar training na rekisitos para mapabilis ang promotion.

“Kailangang magsipsip ka, kailangang magmukha kang atat na atat sa promotion, sa pagpasok sa byuru para ikaw ay mapansin, and the worst, you have to make an offer… magreregalo ka, magsuhol, kung kailangan,” sabi pa ng ilang kawani.

Anila pa, kailangang malapit ka sa “kusina” upang madaling makatikim ng handa.

“Kaya po, nanawagan kami kay Commissioner Yogi Ruiz, lalo na po sa Malakanyang at sa CSC, dumaan po tayo sa maayos na sistema dahil ito naman po ang gusto ni PBBM… dapat po uso ang Juan Masipag at Matalino, Juanang Matiyaga at Maalam, hindi po Juan Tamad, Juanang Maritess (Tsismosa) at Maangas sa Customs,” pabiro pero totoong puna ng ilang kawani sa Office of the Commissioner.

“Kung magaling ka at kuwalipikado na matanggap sa trabaho, dapat tanggap ka at kung kuwalipikado ka para sa posisyon dahil magaling ka, dapat ikaw ang maitaas sa tungkulin, hindi ang kung marami kang kakilalang backer,” anila pa.

Pero malungkot rin nilang inamin sa inyong lungkod ito: Kahit sa panahin ngayon ni PBBM, usong-uso pa rin ang padrino/padrina system.

“Mahimbing na mahimbing pa rin sa pagkakatulog” ang Merit System.

Maligayang Bagong Taon, Pilipinas!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.

The post DEPCOM VENER: PANINIRA, DI NA LANG PINAPANSIN; AT PALAKASAN USONG-USO SA CUSTOMS appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
DEPCOM VENER: PANINIRA, DI NA LANG PINAPANSIN; AT PALAKASAN USONG-USO SA CUSTOMS DEPCOM VENER: PANINIRA, DI NA LANG PINAPANSIN; AT PALAKASAN USONG-USO SA CUSTOMS Reviewed by misfitgympal on Enero 02, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.