BUMALIK sa Pilipinas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. mula sa World Economic Conference (WEC) sa Davos, Switzerland. Dala ang mga pangakong tulong pinansyal mula sa nakaharap na mga lider ng iba’t-ibang bansa. Umalis si Bonget na karay-karay ang 70 kasama sa isang Boeing 777 ng PAL na sinabing isang “comandeered” flight na papunta sa Canada. Pinabulaanan ito ng mga tagapangasiwa ng PAL kaya natuldukan na ang isyung ito. Balikan natin ang mga karay-karay. Napag-alaman sa 70 kataong sumama kay Bonget, 11 lang ang bahagi ng “technical working” team na aalalay sa pangulo. Ibig sabihin ang 59 ay walang kinalaman sa pulong at bahagi ng “lakwatsa at liwaliw committee.”
Didiretsuhin ko na kayo; bumalik ang panahon ng “junkets” noong panahon ng diktador na kung saan si Ferdinand Marcos Sr. ang “commander-in-chief,” ngunit si Imelda ang tinagurian “commandeer-in-chef” dahil sa nagawang kumpiskahin ang isang eroplano upang dalhin ang kanyang “entourage” sa anumang lupalop. Hindi magandang impresyon ito sa taumbayan lalo na’t kasagsagan ng pagtaas ng halaga ng bilihin at nakararanas tayo ng kakulangan sa loob ng anim na buwan ng administrasyon ni Bonget. Malayo ito sa administrasyon ni PNoy na kapag nasa pulong sa ibang bansa, sumasakay siya ng working committee niya sa commercial flight ng PAL, at sa “economy class.” Natabunan ang pagkalap ng mga bagong puhunan ang ipangalandakan Maharlika Welfare Fund,na kapansin-pansin na walang pumansin, dahil sa ‘wari ko, ito ay nagparang budol, o isang pambubudol na pakana ng pamilya Marcos.
Sa dami ng kinakaharap na problema ang bansa, ang naging pangunahing tanong tuloy na naglalaro sa isip ko, at natumbok ito ni Prof. Cesar Polvorosa Jr.: “If you are a legit MNC and you know about the Davos junket of the developing country will you deal with its Sovereign Fund? Opo Prof Cesar, sa pakiwari ko ang pagpunta ni Bonget sa Davos ay nag-iwan ng mas maraming tanong kesa sagot. Iiwan ko po ang isyu sa pamamagitan ng sapantaha ni dating sugo Sahid Sinsuat Glang: “Much hoopla has been drumbeaten by the Marcos apologists and sycophants on his Davos trip especially his pitch on the dubious Maharlika Investment Fund. Major global networks like CNN, BBC and Al Jazeera treated his visit as so inconsequential that it never merited even a news ticker below the TV screens…”
Kasihan nawa tayong lahat ni Poong Kabunian.
***
SA Saturday Media Forum sa Dapo Restaurant, tinanong ko kay Undersecretary Hans Cacdac na namamahala sa sangay na may kinalaman sa mga migrant workers tungkol sa “reclassification” ng mga Pinoy seamen ng European Union sa Mayo. Napakalaking isyu nito dahil kapag hindi umabot ang ating mga seaman sa bagong pamantayan ng EU, nanganganib na hindi makasakay ang ating mga marino sa anumang barko na nagpapalipad ng watawat ng EU. Ang masama pa, nasa $30 bilyon dolyar ang mawawalang kita ng ating mga mamalakaya. Kasama din dito ang mga tumatao sa mga “cruise ship.” Sila ang mga nasa service staff ng barko tulad ng mga waiter, hotel staff, chambermaid, kusinero at iba pa. Napakalaking kawalan ito sa mga magiging apektado dahil tiyak ang kawalan ng kanilang kabuhayan, na nagtustos sa kanilang mga mahal sa buhay. Malaking kawalan din ito sa ating pamana bilang mga mamamalakaya simula noong makilala ang galing ng mga Pilipinong binansagan na “Manila Men.”
Itong pamana ay taglay natin ng halos apat na siglo. Bagama’t batid ito ng mga kinauukulan sa Maritime Industry Authority (Marina) ang problema, ang dapat nilang asikasuhin at alalayan ang ating mga marino na pumasa sa bagong rekisitos ng EU. Nangangamba ang inyong lingkod, dahil sa tingin ko, tanging mga kumpanya ng manning at crewing ang gumagawa ng paraan para sa mga tripulante natin. Didiretsohin ko na kayo. Sa ngayon wala pa ako narinig sa panig ng pamahalaan kung hindi “ginawan namin ng paraan at pinag-uusapan naming.” Samakatuwid mga “motherhood statement” Kumilos kayo. May apat na buwan pa kayo.
***
Sa pagwawalang-sala sa kaso ng anak ni DOJ secretary Boying Remulla, at sa pagpapalaya kay Jessica Lucila “Gigi” Reyes, muling makikita natin ang umiiral na “selective justice sa nakaraan, at kasalukuyang administrasyon ni Bonget. Muli akong tumatawag sa agarang pagpapalaya ni dating senador Leila De Lima.
***
Pina-subpoena ang mga sumusunod na babanggitin ko dahil sa pagkadawit nila sa pagpuslit: Michael Ma, Lujene Ang, Andrew Chang, Beverly, isang alyas Aaron, Manuel Tan, Leah Cruz, Jun Diamante, Lucio Lim, at Gerry Teves. Hinihinalang sangkot sila sa pagpuslit ng produktong agrikultural, partikular ang sibuyas na noong nakaraang buwan ay umabot sa mahigit isang libo ang bawat kilo ng puting sibuyas. Pinadalhan sila ng subpoena upang magbibigay-liwanag sa isyu ng smuggling. Dahil dawit dito ang ilang opisyal ng Department of Agriculture, hindi mo maiiwasang itanong “gaano ba kataas ang pagkadawit sa DA? May ilang bubwit ang bumulong sa akin na sa susunod na linggo, isiniwalat ang isang pangalan na sa pakiwari ko, mayayanig, pati kaibuturan ng kapangyarihan. ‘Eka nga ng narrator sa trailer ng isang action movie: ABANGAN ANG COMING SOON.
***
Mga Harbat Sa Lambat: “Itinuro si Gen. Jesus Durante na mastermind ng Yvonne Chua-Plaza murder. Tao siya ni Rodrigo Duterte. Tulad ni Gerald Bantag…” – Philip Lustre Jr. , netizen,, mamamahayag
“Nakipagkamay ang mga taga DOT sa mga bagong Turistang Chinese sa NAIA. Walang testing? Sigurado ba kayo sa test kuno na ginawa sa China?…” – Bob Magoo, dating DJ, netizen
“P65 Million daw ang nagastos ni Marcos Jr. sa Davos trip. Nasaan ang breakdown? We deserve to know becoz we, the taxpayers spent for it…” – Ajing Abad
“Localized peace talks are a sham as civilians are forced to “surrender” as rebels, with the promise of fake financial support. It is a racket and does nothing to address the roots of the armed conflict. It is psywar as it tries hard to portray the government winning the war…” -Renato Reyes, Jr., netizen, political activist
“Asin na nga lang ang favorite kong ulam, nag mahal na naging imported pa…” -Lyn Silawan, netisen
“Si Alex Gonzaga daw nagpapamake up nang nakahiga. Ha? Ang alam ko lang minemake upan nang ganyan ay yung mga bangkay bago idisplay sa ataul…” – Raissa Robles, netizen, journalist
***
Joke Taym c/o Hector Mison, netizen
AMO: Inday bakit mabilis maubos ang toothpick natin?…
INDAY: Hindi ko po alam Ma’am, pag gumagamit naman po ako ibinabalik ko naman…
***
Wika-Alamin: TALIBA: Sa wikang Tagalog ang TALIBA ay isang bantay o taga-manman. Ang kahulugan nito sa wikang Ingles ay “sentinel”.
Kapag ginamit sa pananalita: “Ang pagkakaroon ng TALIBA sa ating hangganan ay mahalaga upang maabatan ang masasamang gawain ng mga dayuhang pumupuslit dito”.
***
mackoyv@gmail.com
The post HARI NG MGA SABIT appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: