Facebook

PERGALAN SA SIMBAHAN, ISINISI KINA GOV. YNARES AT COL. BACCAY!

WALA nang pinipiling lugar ang mga operator ng pergalan (perya at sugalan) na kahit ang simbahan sa bayan ng Tanay, Rizal ay hindi na nirespeto. Kung may dapat sisihin sa nangyayaring ito ay ang kahinaan ng liderato at kawalang pagpapahalaga sa moralidad nina Provincial Governor Nina Ricci A. Ynarez at PNP Provincial Director Col. Dominic Baccay.

Ang negatibong punang ito kina Gobernadora Ynarez at Col. Baccay ay higit na naaapektuhan ang imahe at pamumuno sa kanilang kapulisan nina PNP Chief, Rodolfo Azurin Jr. at Region 4A PNP Director, PBGen. Jose Melencio Nartatez Jr.

Tulad na halimbawa nito ay ang pergalan na naitayo sa tabi ng simbahan ng bayan ng Tanay, Rizal, na mistulang mini casino sa dami ng mga iligal na pasugal. Ang itinuturong may pakana ay ang notoryus ding drug pusher na si Dodie na nangangalandakang kapanalig ng alkalde ng naturang bayan.

Pagkat nasa tabi nga lamang ng simbahan ang mga pasugalan ng color games, beto-beto, saklaan, skylab, kalaskas, cara y cruz at drop balls ng gambling lord na si Dodie, hindi maaalis ang galit ng mga relihiyosong mamamayan ng Tanay sa nasabing gambling operator, sapagkat para sa kanila (religious group) ang kabanalan ng simbahan ay hindi na iginalang, nasalaula at inalipusta ng nasabing vice operator at ng mga kasabwat nito.

Para din sa mga mananampalataya, gawain ng kampon ni Satanas ang pagpapasugal sa tabi ng simbahan, kayat’t humingi sila ng tulong sa SIKRETA para iparating kay Pangulong Bongbong Marcos Jr. at Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos ang kanilang apela upang maipagiba ang nasabing iligal na pasugalan; arestuhin at kasuhan ang lahat na may kagagawan sa pagkapagpatayo nito.

Ayon sa kanila maraming ganitong uri ng kunyari ay tradisyunal na peryahan sa lalawigan ng Rizal, ngunit sa halip na mga rides at entertainment ang naroroon ay mga illegal vices at bawal na card at table games ang naipatayo at dinudumog ng mga katatandaan, kabataan at maging mga estudyante.

Ang higit na ikinagagalit ng mga relihiyosong residente ay nagiging tambayan ng mga drug pusher at adik ang mga nasabing pergalan, kayat patuloy na tumataas ang krimen at drug addiction hindi lamang sa bayan ng Tanay kundi maging sa iba pang lugar, kabilang na ang Antipolo City kung saan ay mayroon ding pergalan.

May dalawang pergalan sa Antipolo City, ang una ay sa Oliveros Street na pinatatakbo ng isang Mang Bert at ang ikalawa ay nasa gawing unahan ng sabungan na kinaroroonan din ng Blue Wave sa Gate 1 na minamantine naman ng isang Bondying.

Maging ang dating sementeryo sa bayan ng Morong ay nalatagan din ng pergalan ni alyas Tomboy. Si Jess na kilala ding pusher ng shabu ay may pergalan din sa Olalia Road, Cogeo at Cherry Fooderama. Liban doon ay may pergalan pa din si Jess sa Teresa at sa tapat lamang ng Tita Els, sa bayan ay may pwesto din ang isang Jonnel, habang isa pang pergalan ang kinahuhumalingan ng mga drug pusher at sugapa sa droga malapit lamang sa barangay hall ng San Jose sa bayan ng Montalban.

Ang Rizal ay isa lamang sa limang lalawigan ng CALABARZON na malubha ang suliranin sa peace and order dahil sa pagkakaroon ng mga pergalan, saklaan at iba pang mga iligal na pasugalan na front ng kalakalan ng droga.

Ang kawalan ng aksyon ng Lady Governor at PD.Col Baccay at ng kanyang mga hepe ng kapulisan sa mga pasugalang ito sa mga bayan ng Tanay, Morong, Cogeo, Montalban at iba pang mga munisipalidad sa Rizal, lalo’t higit sa siyudad ng Antipolo ay tanda ng kawalan ng kakayahan ni Region 4A Director, PBGen. Jose Melencio Nartatez Jr. para pamunuan ang libu-libong opisyales at kagawad ng kapulisan sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon, ayon sa anti-crime and vice crusaders group na nakabase sa nasabing rehiyon.

Wala nga marahil maniniwala pa kina BGen. Nartatez Jr. at Col Baccay na hindi nila alam ang operasyon ng mga pergalan na bukod sa kanlungan ng mga lulong sa sugal ay istambayan pa ng mga drug pusher na ang mga suking bentahan ay ang mga customer nilang mga gambling bettor.

Dahil sa di pag-aksyon ni BGen. Nartatez Jr. laban sa mga pergalan, saklaan, STl bookies at iba pang kailigalan sa probinsya ng Rizal, Batangas at iba pang lalawigan sa CALABARZON ay patuloy na nawawala ang tiwala ng mga mamamayan maging kay PNP Chief Azurin Jr.

COLONEL SOLIBA, GEN.NARTATEZ JR. BINATIKOS NG ANTI-CRIME AND VICE CRUSADERS
Matatandaang naunang binabatikos ng anti-crime and vice crusader group si PNP Region 4A Dircetor BGen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa pagkakaroon ng tinatayang may 50 pergalan con mini casino sa hurisdiksyon ni Batangas PNP Provincial Director Col. Pedro Soliba.

Hayag ang lugar ng mga pergalan sa Batangas ilan dito ay matatagpuan sa Brgy Putol, bayan ng Tuy- Janog; Brgy. Lodlod at Mabini kapwa sa Lipa City- Joebelle at kalaguyo nitong pulis alias Sgt. De Guzman aka Digoy/ Allan; Brgy. Pansol, Padre Garcia at Brgy. Bulihan, Rosario-Venice; Brgy. Pinagtong-olan, San Jose- Glenda; Brgy. Loyus, Tanauan City-Agnes at Brgy. Pagaspas, Tanauan City- Nikki Bakla.

Higit na nakadismaya pa ay patuloy na “nagtetengang kawali” si Col. Soliba sa lantarang operasyon ng saklaan con mini casino ng mga big-time drug pusher na sina Tisoy at Nonit na paboritong tambayan ng mga pusher at adik sa Malvar Street, katabi lamang ng Padre Garcia Cooperative Rural Bank sa munisipalidad na pinamumunuan ni Padre Garcia Mayor Celza Braga-Rivera.

Kalapit lamang sa nasabing saklaan ay ang rebisahan ng bookies nina Tisoy at Nonit na malapit din lamang sa opisina ni Padre Garcia Police Chief, Major El Cid Villanueva sa pusod ng bayan, ngunit sa kabila nito, di tinitinag ng nasabing police chief ang mga nabanggit na mga drug den at pasugalan.

Maging si Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Provincial Officer, Major Jet Sayno ay nagmumukhang inutil pagkat wala rin itong aksyon laban sa mga nabanggit na illegal drug, pergalan, saklaan at STL bookies operation.

***

Para sa komento: sianing52@gmail.com/09664066144.

The post PERGALAN SA SIMBAHAN, ISINISI KINA GOV. YNARES AT COL. BACCAY! appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
PERGALAN SA SIMBAHAN, ISINISI KINA GOV. YNARES AT COL. BACCAY! PERGALAN SA SIMBAHAN, ISINISI KINA GOV. YNARES AT COL. BACCAY! Reviewed by misfitgympal on Enero 28, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.