Facebook

Bong Go: Foreign trips ni PBBM, mahalaga sa pagbangon ng ekonomiya ng Pinas

IPINAGTANGOL ni Senador Christopher “Bong” Go ang mga foreign trips o paglalakbay sa ibang bansa ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. at binigyang-diin na mahalaga ang mga ito sa pagbangon ng ekonomiya ng Pilipinas.

Ayon kay Go, ang pangulo ang numero unong marketing agent ng bansa at kinakailangan niyang bumiyahe at makipagkita sa mga foreign leaders upang makahikayat ng mga foreign investors sa Pilipinas.

“Ang ating Pangulo po ang number one manager natin sa pag-e-encourage ng mga investor. Gaya po ng panahon rin ni (dating) pangulong (Rodrigo) Duterte, during the first year po ng kanyang presidency, ay talagang umiikot po ang presidente, at hindi lang umiikot, nagbibigay courtesy sa ibang lider ng ibang bansa, but also to promote also our country, to encourage investors,” paliwanag ni Go sa isang ambush interview nang magtungo siya sa Kawit, Cavite, kamakailan para sa groundbreaking ng Super Health Center doon, matapos na matanong sa isyu ng international trips ni PBBM.

Nabatid na simula nang maupo sa puwesto noong Hunyo 2022, nagkaroon si Marcos ng walong opisyal na paglalakbay sa ibang bansa.

Ipinagtanggol din ni Go si Pangulong Marcos at ipinaliwanag na ang mga paglalakbay sa ibang bansa ay makakatulong nang malaki sa Pilipinas na makaakit ng mga potensyal na mamumuhunan.

Aminado si Go na bumagsak ang ekonomiya ng bansa dahil sa pandemya ng COVID-19, kaya’t kinakailangan aniya ng pangulo na magsagawa ng face-to-face diplomatic engagements upang makatulong sa pag-angat ng ekonomiya, pagsisimula ng mga alyansa, at buksan ang mga pinto sa mas maraming oportunidad na magiging kapaki-pakinabang sa bansa at sa mga mamamayan.

“Ako naman po ay naniniwala na during itong first year niya, malaking bagay po na siya mismo ang umikot at magpakilala at to encourage investors na napakaganda po ng ating bansa at napaka-stable na po ng ating bansa,” ani Go. “Sa pagbubukas muli ng ating ekonomiya, mahigit dalawang taon pong bagsak ang ating industriya, marami po ang nawalan ng trabaho at hanapbuhay, kailangan po nating i-promote muli ang ating bansa.”

Positibo naman ang senador na ang mga dayuhang paglalakbay na ito ng pangulo ay magiging mahalaga sa pagtugon sa mga pangangailangan at alalahanin ng mga mahihinang sektor tungo sa isang buo at holistikong pagbangon ng ekonomiya kung saan walang Pilipino ang naiwan.

“The President is our number one marketing agent po, naintindihan ko naman po na kailangan n’ya talagang i-encourage ang mga investor na pumasok sa ating bansa. Bigyan muna natin ng pagkakataon ang ating mahal na Pangulong Marcos na gawin ang kanyang trabaho. Para po ito sa kapakanan ng ating bansa,” aniya pa.

Bilang mambabatas, patuloy din naninindigan si Go para sa mas malakas na interbensyon ng gobyerno para mapabilis ang pagbangon ng ekonomiya at mas mapangalagaan ang kapakanan at interes ng kanyang mga kapwa Pilipino. Partikular niyang inulit ang kahalagahan ng pagbibigay ng suporta sa micro, small, and medium enterprises, at mga manggagawa.

The post Bong Go: Foreign trips ni PBBM, mahalaga sa pagbangon ng ekonomiya ng Pinas appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Bong Go: Foreign trips ni PBBM, mahalaga sa pagbangon ng ekonomiya ng Pinas Bong Go: Foreign trips ni PBBM, mahalaga sa pagbangon ng ekonomiya ng Pinas Reviewed by misfitgympal on Enero 28, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.