Pambihira na itinuturing ang nangyari sa isang tricycle driver sa Bauan, Batangas na tatlong beses binaril sa ulo pero nakaligtas dahil hindi bumaon ang mga bala. Ang hinala ng iba, baka may agimat ang lalaki, bagay na kinumpirma niya tungkol sa umano’y “bulong” na ginawa sa kaniya noon ng isang kaibigan.
Ipinakita ang video sa nangyaring pamamaril sa biktimang si Rey, hindi niya tunay na pangalan, ilang buwan na ang nakalilipas.
Sa video, makikitang nakaupo si Rey nang lapitan mula sa likuran ng salarin at ilang beses siyang pinaputukan. Nakatayo ang biktima habang hawak ang kaniyang ulo.
Makikita na mayroon dalawang sugat si Rey mula sa dalawang bala na tumama pero hindi bumaon, at may isa pang makikita na nakatusok pero hindi rin lubos na bumaon.
Dinala si Rey sa ospital at ngayon pilat na lang ang makikita sa naghilom niyang sugat.
Aniya, hindi niya namalayan na siya pala ang binaril ng nakatakas na salarin.
“Nakita ko may tumutulo nang dugo. Sabi ko, ako pala ‘yung tinira. Nabingi ako noong unang pangyayari. Umuugong lang ‘yung tenga ko. ‘Yung parte ng ulo ko, manhid na. Pakiramdam na malaki ‘yung ulo mo,” aniya.
Ayon sa pulisya, tatlong beses na malapitang pinaputukan ng suspek si Rey gamit ang kalibre .38 na baril.
Pero sabi ng kanyang asawa na si Janet, hindi rin niya tunay na pangalan, mahigit walong oras pa raw silang naghintay bago sumailalim si Rey sa operasyon.
“Napaiyak ako na nag-hysterical na. Hindi ko na ma-ano kung maabutan ko pa siya ng buhay.
Nakarating naman po ako sa emergency, kita ko ‘yung baril naka-ano sa kaniyang ulo. Talagang ako ay nagpapa-panic na dahil ulo eh. Sabi ko pakiuna ang asawa ko… baka mamatay, baka maubusan ng dugo,” dagdag pa ni Janet.
Ayon sa Adult Neurologist na si Dr. Liz Edenberg Quiles, masuwerteng nakaligtas si Rey sa insidente dahil delikadong ang bahagi ng ulo na tinamaan ng bala.
“Yung area na tinamaan ang patient which is banda sa may batok, very fatal ‘yun. Nandoon ang mga very vital and important functions,” saad ni Quiles.
Itinuturing ni Rey na pangalawang buhay na niya ang pagkakaligtas sa insidente. Naniniwala siya na gusto talaga siyang patayin ng salarin.
“Nakasakay na ng motor, naka-jacket siyang kulay black. ‘Yung mukha hindi ko makikita kasi naka-helmet. Single na motor, walang plate number. Ang iniisip ko kung sino ang gumawa n’un.
Papatayin talaga ako, ulo eh tatlong putok di ba,” aniya.
Wala rin daw siyang kaaway o utang na hindi nababayaran. Hinala niya, baka napagkamalan lang siya.
Pagbabahagi ni Rey, taong 2013 daw noong binulungan [orasyon] siya ng kaniyang kaibigan para magkaroon ng anting-anting.
“Sinabi niya sa akin, pre bibigyan kita ng proteksyon para sa mga kaaway mo, sa mga nagagalit sa iyo, sa mga nagtatangka sa iyo. Natatawa pa nga ako, sabi ko wala naman akong kaaway eh,” sambit niya.
“Binulungan niya lang ako sa may bunbunan ko. Hindi naman talaga ako naniniwala eh. Nakatanim na raw sa akin ‘yun hindi na raw dadasalin at wala ng ritwal. Saglit lang at Latin lang ‘yung binulong niya pero hindi ko rin naman naintindihan,” giit pa niya.
Ang bulong daw na ito ay tila naging kaniyang gabay dahil simula raw noon madalang lang siya naaksidente at bihira rin nagkasakit.
“Naniniwala talaga ako [na] siya ay iniligtas sa binigay sa kanya na anting-anting,” diin pa niya.
Paliwanag naman ni University of the Philippines Diliman Propesor at Anthropologist na si Chester Cabalza, “Malakas ang paniniwala natin sa anting-anting dahil nagbibigay proteksyon sa atin at minsan nagbibigay buwenas o swerte. Walang siyentipikong eksplanasyon dito, kundi nailalahad sa mga kuwento.”
Pero iginiit ni Fr. Francis Lucas, presidente at CEO ng The Catholic Media Network, na masama raw ang paggamit ng agimat.
“Sa Old Testament, sinasabing galing sa kampon ng kadiliman dahil nga sinasalangsang mo ang kapangyarihan ng Diyos at umaasa ka sa kapangyarihan ng isang materyal na bagay para sa pansarili mong kapakanan,” aniya pa.
Ayon kay Rey, wala na raw siyang komunikasyon sa kaibigan niyang nagbulong sa kanya ng anting-anting.
“’Yung ammunition kagaya nu’n, ang ginamit is .38 [caliber pistol] hindi siya kasing lakas ng mga .45 [caliber] saka .9mm. ‘Yung bullet hindi ganoon kaganda ang pagkagawa. ‘Yung estilo ng pagkabaril [dahil] ‘yung skull matibay,” saad ni Dindo de Jesus, expert 3 chief instructor ng International Krav Maga Federation.
“May chance talaga na kapag tinutok sa skull, hindi nagpe-penetrate. 50-50 ang chance mo na puwedeng pumasok, puwedeng hindi,” paliwanag niya.
Bagaman namangha sa pagkakaligtas ni Rey, hindi naman naniniwala si Dra. Quiles na may kinalaman ang agimat sa pagkakaligtas nito sa kamatayan.
“Dapat point of entry pa lang may expected damages ka na. Sa patient, naglakad pa siya pagkatapos kahit ako gusto kong malaman kung bakit hindi bumaon ng ganoon kasi very unusual.
‘Yung dito sa may temples natin dito sa harapan ng [ulo], usually, thinnest na area ng skull,” giit niya.
“Sa may bandang sentido, dito sa may bandang likod, yes dito ‘yung medyo makapal na area. Hindi ako talaga convinced or naniniwala na the anting-anting has something to do with his luck,” diin pa niya.
Ayon sa mga pulis, patuloy pa rin ang imbestigasyon para matunton ang suspek at sa posibleng motibo nito sa krimen.
“May mga tinitingnan pa kaming mga motibo sa krimen kung ano talaga ang totoong nangyari… sa may mga alam sa pangyayari puwede kayong lumapit sa amin para matulungan natin ‘yung biktima, ma-solve ‘yung kaso sa pamamaril na ‘yun,” ayon kay PNP Baun Police Master Sergeant Ivan Gucci Lavega.
The post Himala!: Lalaki 3 ulit binaril sa ulo, ‘di bumaon ang bala appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: